Kundenahin ang mga pag-atake ng Zionistang Israel sa mamamayan ng Lebanon
Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang kamakailang walang-piling pag-atake ng Zionistang Israel sa Lebanon, na gumamit ng libu-libong pager at walkie-talkie na ginawang bomba sa pamamagitan ng paglalagay dito ng mga eksplosibo na sabay-sabay na pinasabog mula sa malayo. Isinagawa ang mga pag-atake noong Setyembre 17 at 18, na ikinamatay ng higit sa 20 indibidwal, karamihan ay mga sibilyan, kabilang ang mga bata, at ikinasugat ng higit sa 2,800 katao.
Ang mga pag-atakeng ito ay walang pakundangang paglabag sa internasyunal na makataong batas, na nagbabawal sa walang-piling pag-atake na hindi nagtatangi sa mga sibilyan at mga kombatant. Ang mga pinunong Zionista ng Israel ay dapat mapanagot at maparusahan sa kanilang mga krimen sa digma.
Layunin ng mga pag-atake na parusahan ang mamamayan ng Lebanon at ang kanilang mga pwersang anti-Zionista at anti-imperyalista na sumusuporta sa pakikibaka ng mamamayang Palestino para sa pagpapalaya at pagpapasya-sa-sarili. Ang mga ito ay bahagi ng planong Zionista na may pahintulot ng US na ikalat ang digmaan sa Middle East, matapos ang halos isang taon na walang lubay na pambobomba sa himpapawid at panganganyon sa Gaza, na pumatay ng higit sa 40,000 katao, kabilang ang higit sa 10,600 mga bata.
Sa nakalipas na ilang buwan, ang mga Zionista, na may suporta ng US, ay paulit-ulit na inudyok ang Iran, Syria at Yemen, na lahat ay mahigpit na sumalungat sa henosidyo ng Israel laban sa mamamayang Palestino. Kahapon, naglunsad ang Israel ng isang serye ng mga pagpapasabog ng misayl laban sa higit 400 target sa katimugang bahagi ng Lebanon. Ito ay mayor na pagpapaigting ng gerang agresyon laban sa mga Lebanese. Ang mga carrier strike group ng US ay nasa Mediterranean Sea na upang bigyan ng suporta ang Israel.
Ipinararating ng Partido ang pakikiisa nito sa mamamayan ng Lebanon at sinusuportahan ang kanilang makatarungang paglaban sa patuloy na pagsalakay at pag-atake ng Zionistang Israel. Nasa mamamayan ng Lebanon at nakikibaka nilang mga pwersa ang lahat ng karapatan na gumanti, lumaban at ipagtanggol ang kanilang lupain.
Nakikiisa ang Partido sa malawak na demokratikong pwersa sa buong mundo sa pagkundena sa imperyalismong US sa pagpondo at pag-armas sa gerang henosidyo ng Zionistang Israel laban sa mamamayang Palestino, pagsuporta sa mga atake nito laban sa Lebanon at sa plano nitong ikalat ang digmaan sa Middle East. Pamalagiang estratehiya ng US na gamitin ang Israel upang kontrolin ang malawak na mapagkukunan ng langis at mineral sa rehiyon.
Nananawagan ang PKP sa sambayanang Pilipino na magkaisa at tuligsain ang pananalakay ng Israel sa Lebanon, tutulan ang imperyalistang US sa pang-uupat ng gera, dayuhang panghihimasok at terorismo ng estado, at suportahan ang paglaban ng mamamayang Palestino, mamamayan ng Lebanon at lahat ng lumalaban para sa pambansang pagpapalaya.