Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Mga Kontra-Gerilyang Pananaw

I. Hinggil sa armadong pakikibaka at "mapayapang pagbabago"

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

April 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Sa umpisang-umpisa pa lang, iginiit na ni Pomeroy na "para sa mas maraming tao" ang ibig sabihin ng digmaan sa makabagong daigdig ay digmaang nuklear, na gagamitan ng long range missiles, hydrogen bombs, at ng mga modernong sandatang de-pindot na lamang ang pagpapaputok. Ipinaaabot natin sa mga rebisyunista na nangingibabaw ang tao sa mga armas na kanyang ginawa, at ang Marxismo-Leninismo ang ating ispiritwal na bomba atomika, na sa sandaling magagap ng daan-daang milyung mamamayan ng buong daigdig, ay talagang isang materyal na puwersang kayang dumurog sa imperyalismong Amerikano, makabagong rebisyunismo at sa lahat ng reaksiyon. Ayon kay Tagapangulong Mao: "Ang armas ay mahalagang bagay sa digmaan, pero hindi ito ang bagay na nagpapasiya; ang mga mamamayan hindi ang mga bagay ang mapagpasiya."

Ang paggigiit ni Pomeroy tungkol sa digmaang nuklear at sa mga sandatang nuklear ay isa lamang patutsada para mapalabas na gaya nang sa isang klasikong komprontasyong militar, iniipit ng makabagong rebisyunismong Sobyet ang mga pangunahing puwersa ng imperyalismo sa sentro nito, at binibigyang-daan ang mga pag-atake sa tagiliran na ilulunsad ng mga mamamayan ng mga kolonyang bansa. Isang kaululan ang sabihin ninuman na gumanap na nga ng gayong papel ang makabagong rebisyunismong Sobyet.

Ang totoo niyan, mula nang hatakin ng taksil na rebisyunistang si Kruschov ang Unyon Sobyet sa kapitalistang landas, nagawa ng imperyalismong Amerikano na dalhin ang mga pangunahing puwersang panalakay nito sa Asia, lalo na sa Vietnam at sa buong Indotsina. Sa ilalim ng rebisyunistang pangkating Breshnev, sinalakay mismo ng sosyal-imperylistang Sobyet ang Czechoslovakia, nagpadala ng tropa laban sa "mga kapatid" na bansa sa Silangang Europa at sa Republika ng Mamamayan ng Mongolia, at naglunsad ng madugong pagsalakay laban sa Republika ng Mamamayang Tsino.

Pomustura si Pomeroy na nagpapayo at nangangaral sa imperyalismong Amerikano. Iginiit niya na ang kasalukuyang sitwasyon ng imperyalismong Amerikano sa daigdig ay hindi isang suliraning militar, gaano man pilitin ng imperyalismong Amerikano na magmukhang gayon at ituring na gayon. Kaya, pinayuhan niya ang imperyalismong Amerikano na huwag umasta nang gayon, nang sa gayon ay hindi nito mapukaw ang mas determinadong rebolusyonaryong pagkilos ng mamamayan.

Ipinahihiwatig ni Pomeroy na yayamang ang kabikabilang pagkakaipit na dinaranas ng imperyalismong Amerikano ay galing sa mga pangkabuhayan at pampulitikang kontradiksyon sa organisasyon ng sistema nito, mga pangkabuhayan at pampulitikang solusyon din (at puwera ang militar) ang dapat nitong gamitin. Tahasan niyang sinabi na sa mas mataas na yugto lamang ng digmaang bayan nagiging problemang militar ang problema ng imperyalismong Amerikano. Lahat ng rebisyunistang katsang na ito tungkol sa paghihiwalay ng problemang militar at problemang pangkabuhayan at pampulitika ng imperyalismong Amerikano ay tantiyadong magkukubli sa mapanalakay na katangian ng imperyalismong Amerikano.

Tapos magsimula sa ilang baluktot na pangangatwiran, ipinaliwanag ni Pomeroy sa mataas na tono ng pananalita ng isang rebisyunistang manggagantso na "nungkang nangyari sa kasaysayan ng alimang rebolusyonaryong yugto, na ang armadong paraan lamang ang tangi o ginustong paraan para matamo ang pagbabago at ang kalayaan." Sa paglilinaw niya ng usapin ng armadong pakikibaka, nakipagbuno siya sa mga gawagawa niyang tauhan na armadong pakikibaka lamang ang gustong gamitin. Subalit ang kanyang imbing layunin ay ang palabnawin ang pundamental na Marxista-Leninistang katotohanan na maibabagsak lamang ang kontra-rebolusyonaryong estado sa pamamagitan ng sandatahang lakas.

Itinuturing niya ang mga puwersa ng rebolusyon sa mga kolonyang bansa na "walang-salang mas gugustuhin ang payapang paraan para pawiin ang mga di-pagkakapantay-pantay sa kabuhayan at sa pulitika." Iginigiit niya na mag-aarmas lamang ang mga rebolusyonaryo kapag "said" na ang mga mapayapang paraan, subalit ang talagang gusto niyang maiparating ay ang puntong ang mga kontra-rebolusyonaryo ay "atubiling gumagamit ng dahas kapag lamang nauobliga."

Hindi naman lahat ay habol lituhin ng sira-ulong rebisyunistang ito, dahil hindi naman talaga nito maloloko ang imperyalistang Amerikano at mga alipuris, kundi ang rebolusynaryong masa lamang. Kaso'y nabigo siya. Hindi basta kakagatin ng mga tunay na rebolusyonaryo ang kapayapaan; sila'y naghahanda at naglulunsad ng armadong pakikibaka kailanman maging pabor ang mga kalagayan. Hindi nila ikinalilito ang paghahangad ng kapayapaan sa tunay na pangangailangan at prinsipyo ng armadong rebolusyon. At sila'y hindi napipilitan lamang lumaban, buung-buo ang kanilang sigasig na lumaban. Isang lantay na katunggakan ang ilarawan ang mga rebolusyonaryo na pasibo at desperado sa harap ng kontra-rebolusyonaryong estado at sa harap nang likas na mapanalakay na imperyalismong Amerikano.

Galing ang lahat ng pagkalito ni Pomeroy sa kanyang pangunahing tesis na:

Sa kasalukuyang yugto ng kasaysayan, na mas matindin sa nakalipas, posible mang makamtan ng mga binubusabos na mamamayan ang kalayaan sa napakaraming paraan, na isa lamang ang armadong pakikibaka.

Wala naman itong ibang ibig sabihin maliban sa pagiging isang patakbuhing pagkakaila at pagtatakip sa mga madugong kon- tra-rebolusyonaryong krimen ng imperyalismong Amerikano laban sa mga binubusabos na mamamayan. Ang rebisyunismo ni Kruschov na nitong mga nagdaang taon ay umungot ng "isang daigdig na walang armas, walang sandatahang lakas, at walang digmaan" ay nagbigay sa estado kapitalismo ng batayan para sa ganap na pagtindig ng sosyal-imperyalismo sa ilalim ng rebisyunistang pangkating Breshnev. Mula pa noong dekada sisenta, nagpapaligsahan na ang imperyalismong Amerikano at ang sosyal imperyalismong Sobyet sa pagpapakawala ng kontra-rebolusyonaryong karahasan. Ang mga rebolusyonaryong proletaryo ng buong daigdig ay nananatiling matatag sa pagkilala at pakikibaka laban sa kalupitan ng imperyalismo at mga alipuris nito.

Pinalawig ni Pomeroy ang kanyang rebisyunistang tesis:

Sa bahaging ito, kaya ng kasalukuyang yugto ng kasaysayan, na sa kalakhan ay palipat na sa sosyalismo at sa pagkawasak ng kolonyal na sistema ng imperyalismo, ang patunayang iba sa sinundang malaking pagbabago ng kasaysayan mula piyudalismo tungong kapitalismo ang paraan ng pagbabago nito. Ang naunang paraan ng pagbabago ay tigmak ng mga daluyong ng armadong rebolusyon, mga digmaang sibil at digmaan ng mga bansa na inilunsad ng sumisibol na uring kapitalista upang maagaw ang kapangyarihan. Sa kasalukuyang panahon, hangad ng mga puwersa ng sosyalismo ang isang lipunang walang uri na hindi dadaanin sa digmaan, at sisikapin nitong mapigilan ang mga naghaharing kapitalista naa gumamit ng reaksiyunaryong sandata para mapanatili ang kanilang poder at ang kanilang sistema.

Ang pormulasyon na payapa ang pangkalahatang transisyon ng kapitalismo tungong sosyalismo ay unang pormal na inihain ni Kruschov sa ikadalawampung anti-Staling Kongreso ng Partido Komunista ng Unyon Sobyet noong 1956 na lihis na sa Marxismo-Leninismo. Inuulit lang ni Pomeroy ang sinabi ng yumao niyang rebisyunistang amo. Tinangka ng palsipikadong komunistang ito, na isang ahente ng kontra-rebolusyon, na baligtarin ang Marxismo-Leninismo at palabasing laos na ang armadong pakikibaka. Kinondena niya ang konsepto ng karahasan bilang "isang reaksiyunaryong sandata" nang hindi ipinakikita ang kaibhan ng rebolusyonaryong karahasan at kontra-rebolusyonaryong karahasan.

Patuloy niya:

Ang larawang ito ng pangkalahatang transisyon mula sa isang sistemang panlipunan tungo sa pangalawa na kasalukuyang nagaganap sa daigdig ay nakatutulong sa samutsaring anyo ng pakikibaka na puwede na ngayong umiral nang magkapanabayan: pampulitika, pangkabuhayan, pang-idolohiya, parliyamentaryo, mapayapang pagtutol, demonstrasyong masa, pangkalahatang welga, pati na mga digmaan para sa pambansang kalayaan. Bagaman ang bawat anyo ng pakikibaka ay hinuhubog ng mga makasaysayang kalagayan at ng ugnayan ng mga uri at alyansa sa loob ng isang bansa, hinuhubog din ito ng mga ugnayan ng mga nangungunang kapitalista at sosyalistang bansa sa buong daigdig.

Hindi magagawa ni Pomeroy lokohin ang kahit sino sa pamamagitan ng pagpapalabnaw sa armadong pakikibaka bilang isa lamang "sa samutsaring paraan." Sa katunaya'y isa lamang ang armadong pakikibaka sa dalawang batayang anyo ng pakikibaka; ang pangalawang anyo ay ang parliyamentaryo o mapayapang pakikibaka. Wala siyang mapapala sa pagpapalabnaw sa dalawang aspeto ng pakikibaka sa pamamagitan ng pagtitilad-tilad sa iba't ibang anyo ng mapayapang pakikibaka. At ganoon din naman, kapag gumamit tayo ng armadong pakikibaka bilang prinsipal na anyo ng pakikibaka sa kanayunan ng isang malakolonyal at malapiyudal na bansa, gumagmit din tayo ng mapayapa o legal na pakikibaka bilang pangalawang anyo ng pakikibaka para isulong ang armadong pakikibaka. Sa katunayan, ang mapayapang anyo ng pakikibaka ay ang pangunahing anyo ng pakikibaka sa mga kalunsuran ng isang malakolonyal at malapiyudal na bansang gaya ng Pilipinas bago ang pangwakas na pag-agaw sa mga lungsod. Isang katunggakan at putsista ang manangan sa insureksiyon sa mga kalunsuran nang walang koordinasyon sa hukbong bayan na matagumpay na nakapag-ugat sa kanayunan at kaya nang umani ng mga tagumpay sa kalunsuran.

Ang armadong pakikibaka ay walang humpay na inilulunsad sa kanayunan ng daigdig ng Asya, Aprika at Latin Amerika. Ang mga tagumpay na natatamo sa mga pook na ito, tulad nang nakamtan ng mga mamamayang Indotsino ay matinding nagpapahina sa imperyalismong Amerikano at nakatutulong nang malaki sa proletaryo at mga mamamayan ng kalunsuran ng daigdig sa pagsusulong ng kanilang rebolusyonaryong simulain. Sa kabila naman nito, tinutulungan ng rebolusyonaryong kilusang masa sa mga bansang imperyalista ang armadong pakikibaka sa kanayunan ng daigdig. Dapat nating magagap ang diyalektikong relasyon at ang pagsulong ng mga rebolusyonaryong puwersa sa kalunsuran at sa kanayunan ng daigdig.

Ang Dakilang Proletaryadong Rebolusyong Pangkultura sa sosyalistang Tsina ay nakatulong sa dumadaluyong na rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa buong daigdig. Ang pagiging rebolusyonaryo ng daan-daang milyung mamamayang Tsino ay nagbunga nang mas malaking suporta ngayon kaysa noon sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng mga binubusabos na mamamayan. Yakap ang proletaryong internasyunalismo bilang pangkalahatang linya ng patakarang pandaigdig nito, maningning na ginagampanan ng Republika ng Mamamayang Tsino ang tungkuli nitong moral at materyal na suportahan ang mga rebolusyonaryong puwersa ng daigdig. Ito ang makaangyarihang likuran ng mga mamamayan ng Indotsina sa kanilang pakikibaka laban sa mananalakay na imperyalismog Amerikano. Ang pakikibaka ng mamamayang Indotsino ang siyang sentro ngayon ng armadong rebolusyon sa daigdig.

Sa pakikibaka para sa kalayaan, hindi lamang ang imperyalismong Amerikano ang binabaka ng mga binubusabos na mamamayan, kundi pati rin ang sosyal-imperyalismong Sobyet. Sa Indotsina ngayon, halimbawa, sinusuportahan ng sosyal-imperyalismong Sobyet ang papet ng imperyalismong Amerikanong gobyerno ni Lon Nol sa Cambodia at patuloy na patago at lantarang sinasabotahe ang pakikibaka ng mga mamamayang Vietnamese at ng Laos. Nang mangusap si Pomeroy ng partikular na anyo ng pakikibaka na "hinubog ng ugnayan ng mga pangunahing bansang kapitalista at sosyalista," ang ibig niyang sabihin ay ang pagkakasundo at pagsasabwatan ng imperyalismong Amerikano at makabagong rebisyunismong Sobyet na tinatapakan ang pakikibaka ng mga mamamayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Hindi mapapapaniwala ni Pomeroy ang mamamayan na kinakatawan ng makabagong rebisyunismong Sobyet at ng mga alipuris nito ang pangunahing pandaigdigang puwersang mapagpalaya. Sa halip biguin ang mga imperyalistang plano para sa isang malaking digmaan ng pananalakay, tinahak ng makabagong rebisyunismong Sobyet ang landas ng sosyal-imperyalismo at nakakabangga lamang nito ang imperyalismong Amerikano dahil lagi nilang tinatangkang agawin ang mga sakop na teritoryo ng bawat isa. Ngunit kapit-bisig ng dalawang ito sa pagsalungat sa rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan at sa pangangaral ng pagsuko at mapayapang pagpapasakop ayon sa kannikanilang paraan ng pagsakop.

Mula nang malathala ang kontra-rebolusyonaryong aklat ni Pomeroy noong 1964, marami ng kaganapan ang nangyari na malinaw na nagpapakita na isa lamang itong "bunton ng kasinungalingan." Malinaw na nalatag ang pundamental na pagkakaiba ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tse Tung at ng makabagong rebisyunismo. Sa panahon ng kasalukuyang paghahari ng pangkating Breshnev, ang buladas na kapayapaan ni Kruschov ay naging lantay na pandarahas ng monopolyo burukratang burgesya ng Sobyet laban sa mamamayan, sa rebolusyon, sa Komunismo at sa Tsina. Mula pa sa panahon ni Kruschov, lantarang pakikipagkutsabahan sa imperyalismong Amerikano sa pangungulimbat at pagsira sa kalooban ng mamamayan ang ibig sabihin ng makabagong rebisyunismo.[12]

Sinasabi ni Pomeroy na dahil sa makabagong rebisyunistang Sobyet, nagawa ng mga pinuno ng maraming bansa sa Asya at Aprika--tulad ng India, Ghana at Nigeria--ang makapagmaniobra para sa "kalayaan" nang hindi gumagamit ng armadong pakikibaka. Sinabi pa niya na napawi na sa mga bansang ito ang armadong kontrol at armadong panghihimasok ng imperyalismo. Iminungkahi pa niya na mula sa kanilang kalagayan noong 1964, maaaring sumulong ang mga bansang ito tungo sa "sosyalismo." kayang-kaya ni Pomeroy magpakulo ng mga rebisyunistang kasinungalingan!

Hindi naman totoong malayaang India at nasa ilalim pa rin ito ng pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismong Amerikano, sosyal-imperyalismong Sobyet, at ng komprdor-burukrasyang burgesya ng India at uring panginoong maylupa. Ang kudetang suportado ng Estados Unidos laban sa gobyernong Kwame Nkrumah ay hindi maittangging ebidensiya na kabaligtaran ng idinadaldal ni Pomeroy. Ang Nigeria ay naging sawimpalad na biktima ng malupit na panghihimasok ng magkasanib na imperyalismong Ingles-Amerikano at sosyal-imperyalismong Sobyet. Inilantad lamang ni Pomeroy ang sarili bilang ahente ng kontra-rebolusyon sa pamamagitan ng tunggak na pagbibigay niya ng mga pruweba para masuportahan ang kanyang rebisyunistang tesis.

Sinasabi ni Pomeroy na "ang armadong pakikibaka ng mamamayan ay nagsimula noong ipagbawal ng batas ang mga unyon ng mga manggagawa at magbubukid na nakikibaka para mapalaki ang parte ng mga manggagawa at magbubukid sa supertubong hinahamig ng mga imperyalista mula sa kanilang paggawa." Pinalalabas niya na kapag pinayagan ng mga naghaharing uri ang legal na pag-iral ng mga unyng manggagawa at unyong magbubukid mawawala na ang batayan ng armadong rebolusyon. Nagkamali rin siya sa pagtinging gusto lamang ng mga manggagwa at magbubukid na "makaparte nang mas malaki sa supertubo ng imperyalista." Lahat ng mga buladas na ito ay tantiyado para maatake ang mga batayang prinsipyo ng Marxismo na nagbibigay-sigla sa masang anakpawis maglunsad ng armadong pakikibaka.

Sa unang kabanata pa lamag na may pamagat na "Bakit Digmaang Gerilya" ng kanyang aklat, hindi na naglubay si Pomeroy sa paghimok sa masa na huwag maglunsad ng armadong pakikibaka. Sa huling talata ng kabanatang ito, inamin niya ang katotohanang napakalawak ng mapaggagamitan ng digmaang gerilya ngayong mga panahon na para bang pabor siya rito, lalo na nang sabihin niyang ito ang pinakamabisang panimulang paraan ng masang hindi armado. Pero, muli siyang gumawa ng makapagpapahina ng loob ng maliliit na bansa sa puntong pinalalabas niyang ang digmaang gerilya ay isang anyo ng pakikibaka "na angkop sa malalaking magubat pang lupalop; kung saan halos hindi magagamit ang mga modernong kagamitang pandigma." Ito'y pag-uulit lamang naman ng lumang kaisipang matgal na niyang naibahagi kay Luis Taruc.

Sa pahayag noong ika-20 ng Mayo, 1970 itinuro sa atin ni Tagapangulong Mao:

Di-mabilang na mga pangyayari ang nagpapatunay na ang isang makatwirang simulain ay umaani nang masaganang suporta, samantalang kakaunti ang suporta sa isang lisyang simulain. Magagawang gapiin ng isang mahinang bansa ang isang malakas na bansa, ng maliit na bnsa ang malaking bansa. Talagang kayang gapiin ng mamamayan ng isang maliit na bnsa ang pananalakay ng isang malaking bansa kung sila'y mangangahas makibaka, mangangahas humawak ng sandata at ilalagay sa kanilang mga kamay ang kinabukasan ng kanilang bansa. Ito ang batas ng kasaysayan.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.