Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Mga Kontra-Gerilyang Pananaw

IV. Hinggil sa "mapayapang pakikipamuhay" at Pakikipagsabwatan sa Imperyalismong Amerikano

<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Pagkatapos baluktutin at salungatin ang mga rebolusyonaryong pahayag ng mga dakilang lider komunista, sumipi si Pomeroy kay Kruschov na tantiyadong magmamaskara sa tunggak na rebisyunistang ito bilang isang batikang orador na tagapagtaguyod ng rebolusyonaryong armadong pakikibakang masa. Subalit inuulit lamang ni Pomeroy ang lahat ng kasinungalingan ni Kruschov na ang "mapayapang pakikipagkasundo ang pangkalahatang linya ng pandaigdigang rebolusyon.

Noong ikadalawampu't dalawang Kongreso ng Partido Komunista ng Unyon Sobyet ng taong 1961 pormal na naikasa ng rebisyunistang pangkating Kruschov ang pangkalahatang linyang "mapayapang pakikipamuhay" bilang paglabag sa Marxismo-Leninismo.Ang pangunahing diwa ng linyang ito ay ang "mapayapang pakikipamuhay," "mapayapang kompetensiya," at "mapayapang transisyon." Dagdag pa, buktot na pinalitan ang mga terminong diktadura ng proletaryado at partido ng proletaryado ng mga populistang burges na terminong "stado ng buong bayan" at "partido ng buong bayan." Ang baluktot na pangkalahtang linyang "mapayapang pakikipamuhay ay iginuhitupang ipambangga sa proletryong internasyunalismo bilang pinakapundamental na prinsipyo sa mga pakikipag-ugnayang panlabas ng mga sosyalistang bansa at ng mga Marxista-Leninistang partido. Iginuhit ito upang baluktutin ang Leninisang patakarang mapayapang pakikipamuhay na pakikipag-ugnayan sa mga sosyalistang bansa at mga bansang iba ang sistemang panlipunan.

Mahigpit na innilagay ng Republika ng Mamamayang Tsino ang patakarang mapayapang pakikipamuhay sa tamang Leninistang kontexto nito. Isa ito sa tatlong aspeto ng proletaryadong patakarang panlabas at pumapangatlo sa mg aspetong gaya ng pagpapaunlad ng pangkapatirang relasyon, pakikipagtulungan at pakikipagdamayan sa mg sosyalistang bansa alinsunod sa prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo at pagsuporta at pagtulong sa rebolusyonaryong pakikibaka ng lahat ng binubusabos na mamamayan at bansa. Ang patakarang pakikipamuhay ay mahalagang bagay sapagkat napalakas nito ang mga bansang sosyalista at ang mga rebolusyonaryong kilusan sa iba't ibang bansa. Pinatupad din ito ng Tsina base sa Limang Prinsipyong:

  1. pagrespeto sa saklaw ng kanikaniyang teritoryo at sa karapatan ng bawat bansa na magpasiya sa sarili;
  2. kasunduang hindi mananalakay ang sinumang bansa ng kapwa bansa;
  3. hindi panghihimasok ng anumang bansa sa mga panloob na usapin ng isang bansa;
  4. pantay na pag-uugnayan at pantay na pakinabang; at,
  5. mapayapang pakikipamuhay.

Ayon kay Pomeroy, batay ang konseptong "mapayapang pakikipamuhay" sa "mga realidad" ng daigdig na nasa transisyon mula kapitalismo tungong sosyalismo. Apat ang "realidad" na paulit-ulit niyang tinalakay sa kanyang aklat:

Una, ang mamamayan ng daigdig ay nahaharap sa imperyalismo "na may napipintong pinakakakilakilabot na anyo ng karahasan, ang digmaang nuklear." Sa bagay na ito, pinalalabas ni Pomeroy ang mga rebisyunistang Ruso na tagapagligtas ng daigdig dahil meron din silang puwersang nuklear. Pinalalabas niya, na dahil sa kanila, "napagiisip-isip ng imperyalismong Amerikano na hindi nito mapalalawak ang digmaan ng panunupil nang walang panganib na hindi iyon mauwi sa lubus-lubusang digmaang nuklear na lilipol sa lahat." Kaya, dahil parehong nuclear powers, ang Unyon Sobyet at ang Estados Unidos lamang ang puwedeng magpasiya sa kinabukasan ng sangkatauhan o sa hinaharap ng bawat mamamayan at bansa. Naipaliwanag na natin na hindi sandata ang nagpapasiya sa kasaysayan kundi ang masang namulat at napakilos alinsunod sa wastong teoretikal at praktikal na rebolusyonaryong paggabay. Mahigpit na tinangka ng imperyalismong Amerikano at makabagong rebisyunismong Sobyet na mamonopolyo ang mga armas nuklear para gipitin ang mamamayan at maisulong ang kanikanilang imperyalistang interes.

Ikalawa, "nagbabago ang mabangis na katangian ng imperyalismo." Sa pagtatanggol sa rebisyunistang posisyong ito, sinabi ni Pomeroy na ang mga gumagawa ng patakaran ng imperyalismong Amerikano ay may dalawang bagwis na ang isa ay "mapagmahal sa kapayapaan" (na minsan ay tinatawag niyang "realistiko") at ang isa naman ay mapandigma (na tinatawag din niyang "agresibo"). Sinasabi niya na ang linyang mapayapang pakikipamuhay ng pangkating Kruschov ay "suportado ng isang seksiyon ng burgesya ng mga maunlad na bansa, na malalim na nakauunawa sa ugnayan ng mga puwersa at sa mga kagimbal-gimbal na ibubunga ng modernong digmaan." Sa tingin namin, ang pangkalahatang linyang "mapayapang pakikipamuhay" ay pabor sa pananalakay ng imperyalismong Amerikano at mas pa ang malalaking burgesya sa Estados Unidos kaysa ang mamamayan ang pinapaboran nito.

Ikatlo, "lahat halos ng bansang kalalaya pa lamang" (tulad ng India, Ghana, atbp.) ay nagtataguyod ng "patakarang walang pinapanigan" at sang-ayon sa ideya ng "mapayapang pakikipamuhay" at "nakatuon ang buong pansin sa mapayapang pag-unlad ng ekonomya at ng lipunan." Kaugnay nito, sinasapantahang "nagbukas ang Unyon Sobyet ng mga landas tungo sa mga mapayapang di-kapitalistang pag-unlad para sa mga bansang ito. Sa tingin namin ang mga landas na ito ay mahusay na nakaangkop sa pambubusabos at pagsasamantala ng imperyalismong Amerikano, sosyal imperyalismong Sobyet at mga lokal na reaksiyunaryo ng Asya, Aprika, at Latin Amerika, sa mamamayan.

Ikaapat, ang "kilusan para sa kapayapaan" sa iba't ibang bansa ay rumirenda sa kabangisan ng imperyalismong Amerikano. Kaugnay nito, inilarawan ni Pomeroy kung anong klaseng "kilusang pangkapayapaan" ang namamahay sa kanyang utak. Ayon sa kanya, iyon ay ang kilusang nagtataguyod sa islogan ni Johnson na "digmaan laban sa kahirapan"; isang kilusang namamalimos ng "karapatang sibil" sa halip na ilantad at labanan ang imperyalistang estado; at isang kilusang itinuturing ang kasunduan sa pagbabawal ng experimental na pagpapaputok ng mga sandatang nuklear (na isang pagtatakip sa pag-iimbak ng gayong mga sandata) bilang bahagi ng kampanya para sa kapayapaan at sa pagbabawas ng dami ng mga kasangkapang pandigma tulad din ng kahilingang alisin sa Vietnam ang mga sundalong Amerikano. Sa tingin namin, tiyak na tatawanan ng mga militanteng masang manggagawa, magbubukid, kabataan at mga intelektuwal na kalahok sa iba't ibang anyo ng anti-imperyalistang protesta ang kababawan ng rebisyunistang si Pomeroy.

Tungkol sa patakaran ni Kruschov sa Cuba noong mga huling buwan ng 1962, sulat ni Pomeroy:

Ang posisyon ng Unyon Sobyet, isang bansang mayroon ding missiles, sa pangyayaring ito, na matatag na pumanig sa Cuba, ay pumigil sa tumitinding kampanya ng panghihimasok ng imperyalista sa bansang ito at nakatulong nang malaki para maipamukha sa imperyalismong Amerikano ang pagiging matatag ng rebolusyong Cubano.

Nakatutulong kay Pomeroy na kaligtaang ang rebolusyonaryong pagkakaisa at kagitingan ng mamamayang Cubano ang nagtaboy at dumurog sa puwersang panalakay ng imperyalistang Amerikano sa Playa Giron at iyon ang nagbabala sa imperyalismong Amerikano na gayundin ang sasapiting kapalaran ng anumang pagsalakay na gagawin nila sa hinaharap. Nakatutulong rin sa kanya na kalimutang adbenturista ang pagkakasa ni Kruschov ng mga sandatang nuklear sa Cuba at palasuko naman nang alisin ang mga iyon noong magkontra-banta ang lider ng imperyalistang Amerikanong si Kennedy laban sa Unyon Sobyet. Nangayupapa ang gunggong na rebisyunista sa imperyalismong Amerikano na umabot sa pagpayag nito sa kahilingan ng imperyalista na inspeksiyunin ang teritoryo ng Cuba na isang paglapastangan sa karapatan ng mamamayang Cubano na magpasiya sa sarili. Kung pakasusuriin, lalabas sa bandang huli na ang rebolusyonaryong pagkakaisa ng mamamayang Cubano ang pumigil sa imperyalistang Amerikano na magsagawa ng pinakamatinding pagsalakay.

Nang magbigay ng komentaryo hinggil sa tindi ng marahas na panghihimasok ng imperyalismong Amerikano sa Timog Vietnam noong 1964, mas ipinalagay ni Pomeroy na ang kanyang mga "puwersang pangkapayapaan" ang umubliga o nagpapahinuhod sa imperyalismong Amerikano na umatras sa halip na ipakita ang tunay na balanse ng mga puwersa at ang tagumpay ng mga rebolusyonaryong puwersa laban sa sunud-sunod na planong kontra-insureksiyon ng imperyalismong Amerikano. Gayundin, mas pipiliin niyang makipagtalo tungkol sa iniisip niyang "agresibong sektor" at "mapayapang sektor" ng imperyalismong Amerikano na sumusuri sa planong pananalakay at sa batayang katangian ng imperyalismong Amerikano. Tinangka ni Pomeroy na ipalaganap ang kasinungalingang "ibayong natutulak ang mga imperyalista na isaisantabi na ang mga paghahanda para sa malakihang pakikidigma." Ngayong kumalat na sa buong Indotsina ang digmaan sa Vietnam, talagang mapapahagalpak tayo ng tawa sa balikukong pagsusuri ni Pomeroy na:

imperyalismong Amerikano, ang magwagi sa Timog Vietnam sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng digmaan sa lahat ng lumayang bansa sa Asya, ay isang patunay sa napakalaking kasiglahang inihahatid sa mga mamamayan ng Timog Vietnam ng mga tagumpay ng mga bansang sosyalista at ng mga pambansang kilusang mapagpalaya ng ibang bansa. Kasabay nito, ang kabiguan ng imperyalismong Amerikano na maisagawa ang gayong plano ay tanda ng lakas ng mga puwersa ng kapayapaan na umaawat sa imperyalismo na maglunsad ng gayong pananalakay.

Pinakamabuti sa atin ang sundin ang mga tagubilin ni tagapangulong Mao na: "Dalawa lamang ang maaaring ibunga ng digmaan: Una, ang digmaan ay maaaring magbunga ng rebolusyon at, pangalawa, maaaring mapigilan ng rebolusyon ang pagkakaroon ng digmaan." Sa kanyang taimtim na pahayag noong Mayo 20 ay sinabi ni tagapangulong Mao: "Hindi pa nawawala ang mga panganib ng bagong digmaang pandaigdig at kailangang maging handa ang mga mamamayan ng lahat ng bansa. Gayunman, rebolusyon ang pangunah- ing tunguhin sa daigdig ngayon."

Binigyang-diin na rin ni Lenin noong una pa man na digmaan ang kahulugan ng imperyalismo: ... sadyang hindi maiiwasan ang mga digmaang imperyalista sa ilalim ng gayong sistemang pangkabuhayan hanggang umiiral ang pribadong pag-aari ng mga gamit sa produksyon." Pagdidiin pa ni Lenin: "Ang digmaang imperyalista ay bisperas ng sosyalistang rebolusyon." Totoo pa rin hanggang ngayon ang siyentipikong pananaw na ito. Napakakontra-rebolusyonaryo ni Pomeroy na ipaggiitang ang transisyon mula kapitalismo tungong sosyalismo ay mapayapa.

Ang akdang Guerilla and Counter-Guerilla Warfare ni Pomeroy ay isang pumpon ng mga rebisyunistang kasinungalingan na papuntang lahat sa kontra-rebolusyonaryong kaisipang kailangan ng mga rebolusyonaryong puwersa na makipagsabwatan sa imperyalismong Amerikano. Pinakamalinaw na ipinapahayag ang kaisipang ito sa huling talata ng aklat:

Ang pag-angkop ng imperyalismo sa mga realidad na kinakaharap nito sa lahat ng dako ng mundong dumaranas ng pagbabagong kaakibat ng transisyon mula kapitalismo tungong sosyalismo ay makapagpapalaki sa posibilidad na maging mapayapa ang kaganapan ng transisyon. Ang tunggalian ng mga kolonyalista at anti-kolonyalista, imperyalista at anti-imperyalista, imperyalismo at mga puwersa ng sosyalismo ay mapait na magpapatuloy sa lahat ng larangan subalit malaki ang posibilidad na magkaroon ito ng iba pang kalakip na anyo ng pakikibaka, na mas maliit ang kabayaran at mas mapayapa kaysa sa digmaang gerilya na siyang larawan ng kasalukuyang panahon.

Ang dapat na naging pamagat ng aklat ni Pomeroy ay "Ang mga kontra-gerilyang pananaw ng isang taksil na rebisyunista. "Kontra si Pomeroy sa digmaang gerilya at pabor sa "ibang anyo ng pakikibaka na mas mura at mas mapayapa."

Naniniwala si Pomeroy na mapahihinuhod ang imperyalismong Amerikano na kumilos laban sa katangian at interes nito batay sa mga "realidad." Sinabi niya na sa nakaraang dalawampung taon (mula 1944) iginawad ng kasaysayan sa imperyalismo "ang lahat ng kailangang leksiyon tungkol sa mga kilusang mapagpalaya sa mga bansang kolonya" para ito maging mapayapa. Inihalimbawa niya ng Pransiya at Britanya na "napilitang lunukin ang mapait na katotohanang ito at kung ilang beses na tinalikdan ang mga pagtatangkang supilin ang mga kilusang mapagpalaya nang maging masyadong malaki ang magiging kabayaran at malamang na mas matalo nang malaki."

Ibig sabihin, gusto ni Pomeroy gayahin ng imperyalismong Amerikano ang ginawa ng Pransiya at ng Britanya. Kaya lang, napaglabu-labo niya ang kanyang mga gusto at ang kalikasan ng mga bagay. Likas ba sa imperyalismong Amerikano na makipagkomptensiya sa Pransiya at sa Britanya sa pagiging mapayapa? At dapat bang kilalanin na hindi na marahas ang katangian ng dalawang dating imperyalistang bansang ito? Tiyak na tututol sa palagay na ito ni Pomeroy ang mga mamamayang tuwirang binusabos ng mga bansang iyon. Tungkol naman sa imperyalismong Amerikano, alam na alam na lahat na ito ang pumalit sa Nazismo ng Alemanya at sa Pasistang Hapones pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang paggigiit ni Pomeroy na nagbago na ang ang mabangis na katangian ng imperyalismong Amerikano o kaya'y hindi na ito ang numero unong kaaway ng mamamayan ng daigdig at ang pangunahing haligi ng pandaigdigang kapitalismo at pandaigdigang reaksiyon ay pag-atake sa lahat ng positibong laman ng Deklarasyon sa Moscow noong 1957 at sa Pahayag ng Moscow noong 1960 (dalawang dokumentong kaya niya pinagsisipi ay para mapabango ang ilang pahina ng kanyang aklat).

Walang ibig sabihin ang pagkukumpara ni Pomeroy ng "malakolonyal na taktikang panunuhol ng dolyar" at ng "mabangis na patakarang diplomasyang barko de-gera" para maigilgil ang katarantaduhang ideyang may "mapayapang katangian" ang imperyalismong Amerikano. Inutil ding magngangakngak siya ng pag-unlad ng isang "maliwanag na pagkakaiba ng patakaran sa loob ng mataas na sirkulong pampulitika ng pamunuang Amerikano" para mapagtakpan ang mahalagang katangian ng imperyalismong Amerikano. Ang mga Fulbright, Mansfield at ang "dumaraming bilang ng mga imperyalistang kinakatawan nila" ay hindi makapananakip sa mabangis na katangian ng imperyalistang Amerikano. Sa paggamit ng iba-ibang taktika, laging nagsisimula ang mga reaksiyunaryo sa kanilang kontra-rebolusyonaryong katangian at pangangailangan. Dapat makita ng mga rebolusyonaryo ang doble-karang kontra-rebolusyonaryong taktika ng kaaway, ang labanan iyon nang ngipin sa ngipin, at gamitn ang mga kontradiksyon sa hanay nito para maisulong ang mga pundamental na rebolusyonaryong simulain. Ang pakikipagsabwatan sa imperyalismong Amerikano sa ilalim ng mga rebisyunistang layunin ay maaari lamang humantong sa pagbibenta ng mga prinsipyo.

Talagang mali at kataksilan ang igiit ni Pomeroy ang sumusunod:

Anuman ang oryentasyon ng mga "realistikong" sektor ng mga imperyalista, anumang pagpaling mula armadong panunupil at panghihimasok tungo sa pakikipag-areglo at pakikipagsabwatan sa mga kilusang mapagpalaya ay talagang maituturing na pagkagapi para sa marahas na imperyalismo at sa pagtatangka niyong paatrasin ang rebolusyonaryong pagbabago sa daigdig sa pamamagitan ng dahas. Ito'y mangangahulugan, na sa pagpupusirgi nilang masagip ang sarili sa ganap na pagbagsak, ang mga imperyalista ay nauobliga na gamitin ang ilan sa mga posisyong iminumungkahi ng kasalukuyang kilusang pangkapayapaan, isang tunguhing makapagpapalakas sa kilusan para sa kapayapaan at demokrasya sa Estados Unidos at magpapahina nang malaki sa ultra-reaksiyunaryong mapandigmang bagwis ng imperyalismo.

Ang paghahambing ng mga makabagong rebisyunista sa"realistiko" at "mapandigmang" bagwis ng imperyalismong Amerikano ay laging lumilikha ng kaguluhan. Matagal nang alam ng mga rebolusyonaryo sa buong daigdig na ang pagbubusising ito ay isa lamang taktika para mapagtakpan ang mabangis na katangian ng imperyalismong Amerikano at palabnawin ang pangunahing pandaigdigang kontradiksyon ng busabos na mamamayan at imperyalismo. Masyadong binibigyan ng importansiya ni Pomeroy ang kanyang "kasalukuyang kilusang pangkapayapaan" para maipakita kung gaano "kamatuwid" ang imperyalismong Amerikano at hindi makatwiran ang mga armadong rebolusyonaryo. Ang uri ng pakikipag-areglo at pakikipagsabwatan sa imperyalismong Amerikano na gustong mangyari ni Pomeroy ay kataksilan sa rebolusyonaryong masa.

Sa ganang amin, araw-araw na pinatitindi ng imperyalismong Amerikano ang armadong pagpapalawak at paghahanda nito sa digmaan at hindi ito kailanman tumigil sa pananalakay, panghihimasok, subersiyon at pananabotahe.

Inilantad ni Pomeroy ang pagiging ahente niya ng imperyalismong Amerikano nang sabihin niya ang sumusunod:

Nakadepende nang malaki sa ikikilos ng mga imperyalista, lalo na sa imperyalistang Amerikano, ang usapin kung ang mga mamamayan ng daigdig na matagal nang nagdurusa sa ilalim ng mga kolonyal na kalagayan ay makapagtatamo ng kalayaan at mapananatili nila iyon sa mapayapang paraan.

Ang mga rebisyunistang ahente lamang ng imperyalismong Amerikano ang "didepende nang malaki" sa ikikilos ng imperyalismong Amerikano hinggil sa usapin ng pagtatamo ng kalayaan. Dapat laging nasa mga kamay ng rebolusyonaryong kilusan ang buong inisyatiba. Dapat maging determinado ang masa na gumamit ng rebolusyonaryong dahas para maigupo ang mga nang-aapi at nagsasamantala sa kanila. Hindi mapapalaya ng "mapayapang paraan" sa kuko ng imperyalismo ang alinmang busabos na bansa.

Ang pagtingin ng mga mamamayan at ng lahat ng rebolusyonaryo sa imperyalismong Amerikano at sa lahat ng reaksiyunaryo at pinakamatalas na ipinahayag ni tagapangulong Mao:

Ang lahat ng reaksiyunaryo ay tigreng papel. Nakakatakot sila sa itsura, ngunit hindi sila masyadong malakas sa totoo. Kung sa pangmatagalang panahon titingnan, hindi ang mga reaksiyunaryo kundi ang mamamayan ang tunay na malakas.

Dagdag pa ni Tagapangulong Mao:

Dahil sa malupit na palakad ng imperyalismong Amerikano, nagiging kaaway ito ng mamamayan ng daigdig na lalo at lalong kinasusuklaman. Silang mga ayaw magpaalipin ay hindi kailanman masisindak ng mga bomba atomika at hydrogen bombs ng mga imperyalistang Amrikano. Hindi mapipigilan ang rumaragasang ngitngit ng mamamayan ng daigdig laban sa mananalakay na Amerikano. Tiyak na magtatamo ng ibayong malalaking tagumpay ang kanilang mg pakikibaka laban sa imperyalismong Amerikano at sa mga alipuris nito.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.