Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Anti-Marxismo at Eklektisismo

I. Marxismo-Leninismo at ang Usapin ng Armadong Pakikibaka

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Para mapabulaanan ang rebolusyonaryong diwa ng Marxismo-Leninismo, ibig sabihin, ang armadong pagpapabagsak sa reaksiyunaryong estado at pagtatayo ng diktadura ng proletaryo, sinabi ng kontra-rebolusyonaryong rebisyunistang si Pomeroy na isang "katawa-tawang paninira" kung sasabihing ang Marxismo-Leninismo ay "nangangahulugan" ng mga marahas at armadong paraan.

Para maidipensa ang kanyang pananaw na sa esensiya ang Marxismo-Leninismo ay isang mapayapang pagpupunyaging mabago ang lipunan, ilang tauhan ang nilkha niya sa kanyang guniguni at pagkatapos ay kanyang inaway at inakusahang nag-aarmas na walang suporta ng masa at walang "rebolusyonaryong kalagayan." Para bang iginigiit niya ang suporta ng masa para sa armadong rebolusyon. Totoo na bawat rebolusyonaryong pakikibaka ay dapat na maging pakikibakang masa upang magtagumpay; tinututulan namin ang adbenturismo tulad ng pagtutol namin sa pagiging palasuko. Subalit ang talagang gustong ibando ni Pomeroy sa buong mundo ay isang matagalang legal na pakikibaka na nangingilag sa armadong pakikibaka hanggang "pinahihintulutan ng mga reaksiyunaryo ang gayong legal na pakikibaka." Sa ubod ng reaksiyunaryong linyang ito ay ang posisyon na mapayapa ang transisyon mula kapitalismo tungong sosyalismo at nagbabago ang mabangis na katangian ng imperyalismo. Paulit-ulit rin niyang iginiit ang mapanlinlang na puntong ang paglulunsad ng armadong pakikibaka sa alinmang bansa ay pagkontra at pagtalikod sa mga gawaing pampulitika na humahatak ng suportang masa. Dapat nating sabihin sa kanya na sa kongkretong kalagayang malakolonyal at malapiyudal ng Pilipinas, napakilos at natamo ang suportang masa sa mga kanayunan sa pagsulong ng armadong pakikibaka. Ngayon pa lamang nakapagsasagawa ng mga gawaing pampulitika na sakop ang pagbubuo ng Partido, ng hukbong bayan, ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa. Imposible para sa proletaryadong Pilipino ang pamunuan ang mga magbubukid at hatakin sila bilang ang pangunahing puwersa para sa pagpapabagsak sa reaksiyunaryong estado nang hindi naglulunsad ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng mga base.[16]

Ang talagang layunin ni Pomeroy sa kanyang pangkalahatang pambungad at mga pambungad sa bawat seksiyon ng aklat ay ang palabnawin ang rebolusyonaryong diwa ng Marxismo-Leninismo; mapabulaanan ang pagsulong ng Marxismo-Leninismo sa bago at mas mataas na yugto ng kaisipang Mao Tsetung; palabuin ang mga batayang katangian ng kasalukuyang panahon; lantarang tutulan ang teorya ng digmaang bayan kapag hindi na niya ito kayang palabuin; tumangging magbigay nang buhay na paglalarawan ng rebolusyonaryong kalagayan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lalo na tungkol sa mga bansa sa kanayunan ng daigdig; at kondenahin sa tuwina, alinsunod sa kanyang rebisyunistang linya, ang anumang lantad o kubling armadong pakikibaka ng mga binubusabos na mamamayan.

Sa pagbaluktot sa Marxismo-Leninismo bilang isang anyo ng pasipismong burges, umabot si Pomeroy na sukdulang sabihing hindi malinaw ang pagkakaintindi nina Marx at Engels sa salitang "dahas" nang sabihin nila sa Communist Manifesto noong 1847 na "makakamtan lamang ng mga Komunista ang kanilang layunin sa pamamagitan ng marahas na pagpapabagsak sa lahat ng umiiral na kalagayang panlipunan." Ani Pomeroy:

Sa tingin nila--gayundin ng mga nangungunang Marxistang sumunod sa kanila--ang dahas ay tumutuhog sa samutsaring anyo ng pakikibaka ng uring manggagawa gaya ng kilos masa, pangkalahatang welga, at maging sa may pagkapasibong boykot, pati sa armadong pag-aaklas, (lalo na sa isang pagkilos na kasanib ang lahat ng ito).

Dahil baon sa kumunoy ng ideyalismong burges, hindi abot ng taksil na rebisyunistang ito ang Marxistang pagsusuri at ugaling "pagsanibin ang dalawa" sa pamamagitan ng pagngawa ng misteryosong "samutsaring anyo" at "kumbinasyon ng lahat ng ito."

Tulad ng lahat ng taksil na rebisyunista, sinadyang iwasan ni Pomeroy ang paglalatag at ganap na pagsasaalang-alang sa dalawang pangunahing aspeto ng rebolusyonaryong pakikibaka, ang armadong pakikibaka at ang parliyamentaryo o mapayapang pakikibaka. Dapat sabay na gamitin ang dalawang aspetong ito ng rebolusyonaryong pakikibaka na wasto lamang mapagkakawing sa pamamagitan ng pagtukoy kung ano ang prinsipal o pangunahing anyo at ano naman ang sekundaryo o pumapangalawang anyo ng, halimbawa, rebolusyong Pilipino. Ugali ni Pomeroy ang ibasura ang importansiya ng armadong pakikibaka (na may iba't ibang partikular na anyo) sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagbanggit ng samutsaring anyo ng parliyamentaryong pakikibaka o sa pamamagitan ng pag-atake sa mga gawagawa niyang tauhan na ipinalalagay niyang naglulunsad ng armadong pakikibaka na di-gumagamit ng samutsaring anyo ng parliyamentaryong pakikibaka.

Ipaabot natin kay Pomeroy na naglulunsad tayo ng armadong pakikibaka sa Pilipinas bilang prinsipal na anyo ng pakikibaka at kasabay nito ay ginagamit natin ang parliyamentaryong anyo bilang sekundaryo. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ang siya ngayong namumuno sa paglulunsad ng parehong anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka samantalang ang mga taksil na rebisyunistang Lava na pinamamalita ni Pomeroy sa ibang bansa ay atrasadong-atrasado sa rebolusyonaryong pagkilos sa kalunsuran at kanayunan at laging dinuduro at inaalipusta ang mamamayan tulad ng ginagawa ng imperyalistang Amerikano at mga reaksiyunaryo.

Kinikilala nating mga Komunistang Pilipino tulad ng pagkilala ng mga tunay na Marxista, na para sa binubusabos na mamamayan, ang armadong pakikibaka ang pinakamahalagang anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka sa bandang huli, at talagang mas importante kaysa parliyamentaryong pakikibaka. Kailangan nating ipaalaala kay Pomeroy na sa karanasan ng Paris Commune noong 1872 mas malinaw na nakita nina Marx at Engels ang importansiya ng pagdurog at pagwasak sa makinarya ng burges na estado at ang pagtatatag ng diktadura ng proletaryo.

Ang kaibhan ng siyentipikong sosyalismo sa sosyalismong utopian at palsipikadong sosyalismo ay ang teorya ni Marx ng diktadura ng proletaryo. Inialay nina Marx at Engels ang kanilang buhay para sa paglilinaw ng teoryang ito at sa mahirap na pagpupunyaging maisakatuparan ang teoryang ito.

Noong 1852, sinabi ni Marx:

Matagal pa bago ako isilang sa mundo, inilarawan na ng mga burges na historyador ang kasaysayan ng tunggalian ng uri at ng mga ekonomistang burges naman ang balangkas pangkabuhayan ng mga uri. Ang nagawa ko lamang na bago ay ang patunayang: 1)nakakabit ang pag-iral ng mga uri sa isang yugto ng pag-unlad ng produksyon; 2) na hahantong sa diktadura ng proletaryo ang tunggalian ng mga uri; at, 3) na mismong ang diktadurang ito ay kumakatawan lamang ng transisyon tungo sa paglalaho ng lahat ng uri at tungo sa isang lipunang walang uri.

Nang pumanaw sina Marx at Engels, isinulong ng dakilang si Lenin ang Marxismo sa mas mataas at bagong yugto sa pamamagitan ng ibayong pagpapaunlad sa teorya at praktika ng rebolusyong proletaryo at diktadura ng proletaryo sa panahon ng imperyalismo. Matagumpay niyang pinamunuan ang armadong pag-agaw ng mga Bolshevik sa kapangyarihang pampulitika sa Rebolusyong Oktubre noong 1917 at itinatag ang unang sosyalistang estado. Dahil sa malinaw na paggagap sa rebolusyonaryong diwa ng Marxismo, nagawang gamitin ni Lenin ang mga paborableng kalagayang iniluwal ng unang digmaan ng mga imperyalista para sa armadong rebolusyon. Malinaw na sumibol ang Leninismo mula sa mapait na pagtatanggol sa Marxismo laban sa rebisyunismo ng mga ninuno ni Pomeroy sa Ikalawang Internasyunal na higit pang nabulok noong ibayong maging mabangis ang imperyalismo.

Sinagisag ng rebolusyong Oktubre ang tagumpay at katumpakan ng Leninismo bilang isang yugto ng pagsulong ng Marxismo. Ganap na binago nito ang pandaigdigang rebolusyon sa pagbibigay dito ng katangiang proletaryo at nilinaw at ipinakitang matatamo ang sosyalistang layunin ng mga armadong rebolusyon ng lahat ng binubusabos na mamamayan sa pamumuno ng proletaryo. Nabutasan nang malaki ang imperyalistang prente sa Kanluran. Kaagad na pumailalim ang diktadura ng proletaryo sa Unyon Sobyet sa malupit na pagsubok ng Digmaang Sibil o ng Digmaan Laban sa Panghihimasok ng ibang bansa na sinundan ng anti-pasistang Digmaan para sa Pagtatanggol sa Inang Bayan na pinamunuan ni Kasamang Stalin. Sa matitinding digmaang ito, ipinagtanggol ng mamamayang Sobyet sa pamumuno ng Partido ni Lenin ang sosyalistang Inang Bayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng armadong pakikipaglaban sa pananalakay ng mga imperyalista.

Sa pagtahak sa landas na inilatag ng Paris Commune na ibayong hinawan ng Rebolusyong Oktubre, ang proletaryo at mamamayang Tsino sa pamumuno ni kasamang Mao Tsetung ay naglunsad ng matgalang digmaang bayan, ginapi ang kanilang kaaway at lumikha ng malaking butas sa imperyalistang prente sa Silangan. Ang wastong teorya at matagumpay na praktika ni Kasamang Mao sa digmaang bayan ay nakapagdulot ng panibagong dakilang ambag sa kabang-yaman ng Marxismo-Leninismo. Sa pamamagitan ng ambag na ito, lalong yumaman ang Marxista-Leninistang teorya ng diktadura ng proletaryo at sumulong sa bago at mas mataas na antas. Sa lahat ng binubusabos na bansa, malaki man o maliit, sa kanayunan ng daigdig, ipinakita ni Kasamang Mao Tsetung kung paano maisasagawa ang digmaang bayan laban sa malalaking imperyalistang puwersa.

Ibayong binago ng rebolusyong Tsino ang katangian ng pandaigdigang rebolusyon sa pamamagitan ng ibayong pagpapatingkad sa proletaryadong katangian nito. Kung paano ikinawing ni Lenin ang sosyalistang rebolusyon sa Kanluran sa pambansang demokratikong rebolusyon sa Silangan, gayon naman ikinawing ni kasamag Mao Tsetung ang pambansang demokratikong rebolusyon sa Silangan sa sosyalistang rebolusyon sa Kanluran. Ang mga paraan nina Lenin at Mao sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika sa kanikanilang bansa ay naging kapupunang bahagi nang isa't isa. Sa pagdurog sa kaaway, ang una ay kumilos mula sa kalunsuran tungong kanayunan at ang pangalawa ay kumilos naman mula sa kanayunan tungong kalunsuran.

Nagbago nang malaki ang pandaigdigang kalagayan bunga ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Resulta ng pagkasalantang dinanas ng pandaigdigang kapitalismo at nang sunud-sunod na pagsulpot ng mga sosyalistang bansa, naging posible para sa maliliit at mahihinang bansa na pagpasiyahan nila ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng paghihimagsik, lalo na sa kanayunan ng daigdig sa Asya, Aprika, at Latin Amerika. Obligadong harapin ng mga imperyalistang bansa sa pangunguna ng imperyalismong Amerikano ang walang humpay na lumalaking bilang ng mga binubusabos na mamamayan na handang lumaban sa kanila. Matatag na sumusulong ang armadong pakikibaka ng Asya, Aprika at Latin Amerika dahil sa ibayong pagkapit ng kanilang mga lider sa teorya ni tagapangulong Mao ng digmaang bayan at istratehikong linyang kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan.

Parami nang paraming mga binubusabos na mamamayan ng Asya, Aprika, at Latin Amerika ang nakagagagap sa teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao kaya napaliligiran na ngayon ng kanayunan ng daigdig ang kalunsuran ng daigdig, kahit umiihip pa rin ang mabahong hangin ng modernong rebisyunismo na sinisikap mailayo ang mga binubusabos na mamamayan ng daigdig sa armadong rebolusyon. Sa posturang inaatake ang isang tao, ang dakilang Marxista-Leninistang si Stalin, ipinagkanulo at binanatan ni Kruschov ang Partido ni Lenin, inilagay ang Unyon Sobyet sa kapitalistang landas, winasak ang pandaigdigang kilusang komunista, binago ang pulang kulay ng ilang bansa at ibinenta ang mga prinsipyo sa imperyalismong Amerikano. Pagkatapos ni Kruschov, sumige naman ang tropa ni Breshnev para palaganapin ang makabagong rebisyunismo at isagawa ang pinakamalupit na hakbang ng sosyal-pasismo at sosyal-imperyalismo.

Sa pagkakaharap sa problemang pigilan ang panunumbalik ng kapitalismo sa isang sosyalistang lipunan, isinulong ni Kasamang Mao Tsetung ang teorya ng patuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryo at personal niyang inilunsad at pinamunuan ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura. Sa takbo ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura, naging malinaw sa mga Marxista-Leninista sa buong daigdig na ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ay ang malinaw na linyang naghihiwalay sa tunay na Marxista-Leninista at palsipikadong Marxista-Leninista. Ang kaisipang Mao Tsetung ay kinikilala bilang ang Marxismo-Leninismo ng kasalukuyang panahon na ang imperyalismo ay patungo sa ganap na pagbagsak at sumusulong ang sosyalismo tungo sa pandaigdigang tagumpay.

Ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura ay isang mapait na pakikibakang masa na inilunsad ng proletaryo laban sa burgesya sa isang sosyalistang lipunan. Nagbunga ito ng pagtibay ng diktadura ng proletaryo at ng pagbagsak ng mga buhong na lider na kapitalista ang tunguhin sa pamumuno ng Kruschov ng Tsina, si Liu Shao Chi. Naging pinakamalakas na moog ng sosyalismo ang Tsina, na nagtitiyak ng ganap na pagbagsak ng imperyalismo at ng pandaigdigang tagumpay ng sosyalismo. Nagbigay ito ng malakas na suporta sa lahat ng armadong rebolusyong inilunsad ng mga busabos na bansa at mamamayan. Itinataguyod nito ang pangunahing tunguhin ng daigdig ngayon na walang iba kundi rebolusyon. Napakalaki ng importansiya ng sosyalismo sa Tsina hindi lamang para sa mamamayang Tsino kundi pati sa mamamayan ng buong daigdig. Ang daan-daang milyung mamamayang Tsino ay handa ngayon higit kailanman sa anumang magiging kaganapan habang ibayo silang nagbibigay ng malakas na suporta sa armadong rebolusyon ng mga binubusabos na mamamayan.

Matibay na naninindigan ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung sa rebolusyonaryong dahas. Sa mahigit na isandaang taong pagitan nina Marx at Mao Tsetung, buhay na diwa ng Marxismo ang rebolusyonaryong dahas sa teorya at sa praktika.

Itinuturo sa atin ni Tagapangulong Mao:

Ang pag-agaw sa kapangyarihan sa pamamagitan ng armadong lakas, ang paglutas ng mga usapin sa pamamagitan ng digmaan, ay ang sentral na tungkulin at pinakamataas na antas ng rebolusyon. Nananangan ang Marxista-Leninistang prinsipyong ito ng rebolusyon sa lahat ng lupalop ng Tsina at sa lahat ng bansa.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.