Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Isang Akda ng Dalawang Taksil

IV. Ang Linyang Palasuko ng Pangkating Lava at Taruc

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Pagbalik ng imperyalistang Amerikano at ng papet na gobyernong Komonwelt noong 1945, kusang dinisarmahan ng nagsanib na lumang partido ang HUKBALAHAP, ginawa itong isang organisasyon ng mga beterano, at isinulong ang islogang "kapayapaan at demokrasya." Bilang tugon, nagsagawa ang imperyalistang Amerikano at ang mga alipuris nito nang maramihang pag-aresto at masaker laban sa nagsanib na lumang partido at sa HUKBALAHAP. Sa kabila nang lahat ng ito, itinuloy pa rin ni Taruc at mga katoto ang linyang pagsuko at isiniksik ang sarili na mabigyan ng puwesto sa reaksiyonaryong gobyerno.

Ginamit din ng imperyalistang Amerikano ang taktikang panunuhol. Minsan, pomustura si Taruc na nagalit sa Rehimento ni Banal (isang yunit ng HUKBALAHAP) sa pagiging reaksiyonaryo niyon na kumukubra ng "backpay sa imperyalistang Amerikano at unti-unting sumasanib sa mga papet na puwersa. Pero, sa isang banda, pinagtakpan niya ang kataksilan niyon sa pamamagitan ng pagpapahayag na hindi naman mas matino sa kanila ang mga mersenaryo. Dagdag pa niya: "Sa aking paniniwala, hindi oportunista ang mga motibo ni Banal at marami sa kanyang mga tauhan ang hindi maiimpluwensiyahan ng oportunismo."

Higit pa rito, inamin ni Taruc na siya mismo ay lumalakad ng "backpay" para sa HUKBALAHAP, kaya, ibinigay niya sa kaaway ang listahan ng mga miyembro ng Huk. Nang lumaon, ang listahang ito ang ginamit na talaang itim ng mga kaaway sa pag-usig at pagpaslang sa mga kadre ng Partido at mga mandirigma ng HUKBALAHAP. Para mapangatwiranan ang kanyang kataksilan, idinaing ni Taruc: "Subalit, ngayong maraming pamilya ng mga Huk ang naghihikahos at kailangan natin ng pondo upang maitayong muli ang mga organisasyong masa para sa ating mapayapang pakikibaka legal, nagpasiya kaming humingi ng backpay." Sa ngalan ng mamamayan, ipinagkanulo ni Taruc ang mamamayan.

Inamin ng Born of the People ang hindi maipagkakailang katotohanang, kahit pinabayaan ng nagsanib na lumang partido ang mga mandirigmang HUKBALAHAP at ang masa, ang mga ito ay kusang nagtanggol sa sarili laban sa pandarambong ng mga imperyalista at mga alipuris nila. Subalit laging binabandila nina Taruc at Pomeroy ang lisyang kaisipang "pagod na sa pakikiigma" ang mamamayan at marapat lamang para sa mga lider ng nagsanib na lumang partido na tumakbo sa eleksiyon sa ilalim ng Democratic Alliance.

Nagbatay si Taruc at mga katoto sa kanilang tindig na hindi anti-gobyernong komonwelt ang Huk at "kinikilala nila si Pangulong Osmena bilang legal na pangulo ng Komonwelt at ang konstitusyong Komonwelt ng legal na konstitusyon ng Pilipinas. Pagkatapos, sobrang plinantsa ng nagsanib na lumang partido at ng Democratic Alliance ang lahat ng isyu na ang gagawin na lamang ng mga karaniwang miyembro ay ang mamili kina Osmena ng Partido Nacionalista at Roxas ng bagong tatag na Partido Liberal sa darating na halalan sa taong 1946.

Ang boto kay Osmena ay tiningnan na boto para sa "kalayaan" sa darating na Hulyo 4, 1946, at ang boto naman para kay Roxas, bilang boto para sa "pagkaantala ng kalayaan" na iminumungkahi nina MacArthur at McNutt. Kaya ibinigay ng nagsanib na lumang partido ang suporta kay Osmena. Sa ganitong linya, naging isang maliit na organisasyong elektoral na lamang ang nagsanib na lumang partido na tuwirang sumusuporta sa Partido Nacionalista sa layuning pareho nang sa Partido Liberal at sa imperyalistang Amerikano na maitayo ang kasalukuyang palsipikadong papet na republika.Isinaisantabi ang rebolusyonaryong papel ng prole- taryadong partido sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan. Sa aklat, patuloy na iginiit nina Taruc at Pomeroy na "Ang tagumpay ni Osmena ay nagdala sana sa bansa sa landas ng tunay na kalayaan at demokrasya." Anong laki ng kanilang pananalig sa isang reaksiyonaryong pulitiko! At nagtatalong naitanong nila: "Pupuwede nga kayang naiwasan ang pagtataksil?" na sila na rin ang sumagot:

Puwede, kung hinarap lang sana ni Osmena ang mga hamon at inihain ang laban sa bayan. Sa halip, sa tuwina'y pinapayagan niyang mayurakan an mga karapatan ng mamamayan at ang humina ang kanilang puwersa.

Talagang napakalaki ng ibinigay na tiwala kay Osmena ng mga paslipikadong rebolusyonaryo. Para siyang mesiyas na kanilang sinampalataya.

Ngunit pagkapanalo ni Roxas, ang pangkating Taruc at Lava ay kaagad sumuporta sa kanyang anti-komunistang "pacification plan" na dinisenyo para wasakin ang nagsanib na lumang partido at ang HUKBALAHAP. Ginawa nila iyon sa pag-asang mauuto nila si Roxas na magbigay ng ilang pampalubag-loob. Ginawa nila iyon dala ng mga pansariling interes na maibalik sa puwesto ang anim na pinatalsik na kongresista ng Democratic Alliance (kabilang sina Luis Taruc at Jesus Lava).

Nagbatay si Taruc at mga katoto sa kanilang tindig na hindi anti-gobyernong komonwelt ang Huk at "kinikilala nila si Pangulong Osmena bilang legal na pangulo ng Komonwelt at ang konstitusyong Komonwelt ng legal na konstitusyon ng Pilipinas. Pagkatapos, sobrang plinantsa ng nagsanib na lumang partido at ng Democratic Alliance ang lahat ng isyu na ang gagawin na lamang ng mga karaniwang miyembro ay ang mamili kina Osmena ng Partido Nacionalista at Roxas ng bagong tatag na Partido Liberal sa darating na halalan sa taong 1946.

Ang pangkating Lava at Taruc ay nagharap kay Roxas ng limang kahilingan para sa "demokratikong kapayapaan," na bawat isa'y nagpapahimakas ng pagtalikod sa rebolusyonaryong pakikibaka at pagkilala sa kapangyarihan ng kaaway:

  1. Kagyat na pagpapatupad ng Katipunan ng mga Karapatan, lalo na ng karapatan sa asembleya, pagbawal sa arbitraryong pag-aresto, pagtigil sa malupit at di-makatarungang pagpaparusa, paglitis ng mga walang kinikilingang huwes.
  2. Pag-alis ng lahat ng sakdal laban sa Huk, mga MP at mga guwardiya sibil na nangyari sa loob ng nakaraang limang buwan.
  3. Paghalili sa mga utak-pasistang opisyal ng pamahalaang munisipal at probinsiyal at mga kumander ng militar sa mga lalawigang apektado ng kaguluhang agraryo.
  4. Pagbabalik sa puwesto sa lahat ng kongresista ng Democratic Alliance.
  5. Implementasyon ng mismong programa ni Roxas na reporma sa lupa umpisa sa malinaw na batas hinggil sa partihan sa ani tungo sa ganap na pagkawala ng sistemang kasama.

Ang mga puntong ito ang magiging agenda ng negosasyon ng papet na rehimeng Roxas at ng nagsanib na lumang partido pagkatapos makatupad ni Taruc at mga katoto sa "pacification plan." Ginalugad ng traydor na si Taruc ang Gitnang Luzon sa pagsusumikap na sirain ang rebolusyonaryong diwa ng masa at hiniling nilang sila'y "magpakahinahon" at "panatilihin ang pasensiya at disiplina." Sa pagkahirating ipagmagaling ang kontra-rebolusyon, inamin ni Taruc sa aklat:

Ditalyado kong ipinaliwanag ang mga pangako ng gobyerno na ipatutupad nito ang mga batas at ang Konstitusyon at (kahit pa nga hindi ako nagtitiwala sa mga motibo ni Roxas) pinayuhan ko ang mamamayan na magtiwala sa mabuting kalooban ng gobyerno.

Anong kataksilan! Inamin niyang tinangka niyang linlangin ang bayan na pagtiwalaan ang demonyong siya mismo ay walang tiwala. At hiniling niyang ipatupad ang mga reaksiyunaryong batas at konstitusyon laban sa mamamayan.

Paano sinikap pagtakpan nina Taruc at Pomeroy ang malinaw na kataksilan ng mga Lava at Taruc? Ngakngak ng dalawa:

Ang pagkasira ng loob ng maraming mamamayan ay bunga ng likas na paghahangad nila ng kapayapaan at seguridad matapos ang mahirap na panahon ng pananakop ng mga Hapones. Bagaman nangangamba sila sa katusuhan ni Roxas, marami sa kanila ang gustong maniwala. Kahit pa nga isang buhay-aliping kapayapaan ay handa nilang tanggapin, basta iyon ay kapayapaan.

Pagkamanhid-manhid na pagtingin sa mga mamamayan! Pinapanawagan nila ang "likas na pagnanais sa kapayapaan at kaligtasan" at inilalarawan nila ang mamamayan bilang "handang tumanggap sa buhay-aliping kapayapaan".

Pero, hindi namamalayan nina Pomeroy at Taruc na ang sariling mukha ang kanilang sinasampal. Sa isang bahagi ng aklat ay sinabi nila:

Sa mga parang, sa mga latian, kagubatan at kabundukan, kung saan ang mga muling nabuong iskuwadron ng Huk ay nagkukubli para maiwasan ang mga engkuwentro (segun sa atas ni Taruc at mga kakutsaba) nakita ko ang matinding pighati ng mga hukbo. Ginawa silang militante ng tatlong taong karanasan nila sa pakikipaglaban sa mga Hapon at sa mga makapili at handang sumabak para ipagtanggol ang kanilang pamilya t ang kanilang mga karapatan. Sinabi nila sa akin na ayaw nilang lagi na lamang tumatakbo, na hindi sila duwag at gusto nilang lumaban.

Anong tingin ni Taruc sa lahat ng ito? Muli ay inamin niya:

Pinayuhan ko silang talikdan ang kanilang pagmamatigas, at ang sumubo lamang sa labanan kung buhay na mismo nila ang nakataya. Pinagusapan nila iyon at sinang-ayunan. Para sa akin, ang pinakamahalagang pangyayari sa buong panahong iyon ay hindi ang mga sagupaang naganap kundi ang mga hindi nangyaring sagupaan dahil sa kahanga-hangang pagtitimpi ng mga kawal ng Huk.

Malinaw na malinaw sa siping ito ang sampalataya nina Taruc at Pomeros sa linyang palasuko, sa pagpapalaganap ng lisyang kaisipan ng pasibong depensa, sa paglalarawang ang masa ay sunud-sunuran at pinalalabas na ang pagiging sunudsunuran ay isang uri ng disiplina.

Wala ring nangyari sa "pacification plan" at sa "mga negosasyon" ng papet na rehimeng Roxas at ng nagsanib na lumang partido. Mula simula hanggang dulo, walang ibang gustong mangyari si Roxas kundi ang "ganap na pagpuksa sa mga komunista," pati na sa mga Lava at Taruc. Nang mabingit na sa panganib ang kanilang buhay saka lamang pumustura ang pangkating Taruc at Lava na pamunuan ang rebolusyonaryong masa sa armadong pakikibaka. Naubliga silang bumalik sa mamamayan na pinaratangan nilang "handang tanggapin ang isang "buhay-aliping kapayapaan."

Pag-upo sa poder ng papet na si Quirino, dala ng hindi inaasahang pagkamatay ni Roxas, ito ay nagpadala ng pulyeto kay Luis Taruc at mga katoto na nagsasaad na puwede na silang pumasok sa isang negosasyon at kasunduan ng "pagsuko at amnestiya." Palibhasa'y likas na mga palasuko, tuwang-tuwang pumasok ang mga Lava at Taruc sa pampulitikang patibong ni Quirino sa kabila ng hiling ng masa na ituloy ang armadong rebolusyonaryong pakikibaka. Muling naging tampok sa katunggakan si Taruc nang pumayag siyang "pasukuin at iparehistro" ang mga mandirigmang HUKBALAHAP.

Muling kinilala ni Taruc at ng kanyang mga katoto ang otoridad at ang "superior" na pampulitikang katayuan ng kaaway. Muli silang nakipagkasundo na sariwain ang mga listahan ng kaaway. Inobliga silang iutos sa mga mandirigma ng HUKBALAHAP na sumuko at magparehistro. Hindi man lang sila natuto sa mga aral ng prinsipyo at praktika mula sa pagsumite ng mga listahan ng Huk sa U.S. Veterans Administration o mula sa "planong pangkapayapaan" ng papet nga rehimeng Roxas.

Tinangkang pagaanin ni Taruc ang kanyang kontra-rebolusyonaryong krimen sa pamamagitan ng pagkukumpisal na:

Dalawang malubhang pagkakamali ang nagawa namin sa pakikipagnegosasyon kay Quirino. hinayaan naming malagay sa katayuang tanggapin ang pagpruklama niya ng amnestiya nang hindi man lamang inisip ang implikasyon niyon na lumalabas na kami ang may-sala. Ikalawa, masyado naming isinaisantabi ang batayang prinsipyo ng pakikibaka laban sa imperyalismong Amerikano.

Sa isang tunay na rebolusyonaryo, hindi man lamang sasagi sa kanyang isipan ang ideya na siya ay may-sala sa ilalim ng mga batas ng kaaway. Sapagkat laging matuwid ang rebolusyonaryong simulain at dapat laging itaguyod hanggang sa tagumpay. Wala nang kahihinatnan ang anupaman nang ituring ng mga pumupusturang lider ng rebolusyon na ang kaaway ay mapagbigay at may mabuting kalooban.

Hinagpis ni Taruc:

Ang kapayapaan ay lubos na nasalalay sa implementasyon ni Quirino sa kanyang mga pangako na hindi naman naipatupad. Sa panahon ng pagtigil ng labanan, patuloy na nanalakay ang konstabularya at mga guwardiya sibil at maraming beses silang nanambang ng aming hukbo. Tahasang sinabihan ng mga guwardiya sibil ang mga kasipi ng Huk at PKM na: Tukoy na namin kung sino kayo. Alam na namin ang gagawin namin sa inyo sa susunod."

Muli, wala na namang nangyari sa huwad na kapayapaan. Dapat kondenahin ang papet na rehimeng Quirino sa madugong kataksilan nito. Ngunit dapat ding kondenahin ang mga Lava ang Taruc dahil sa pagiging mga pusakal na palasuko nila, sa paulit-ulit na paghahatid sa mamamayan sa kamatayan.

Sa hangarin nilang maisulong ang kanilang pansariling interes at makakuha ng mga bulok na pampalubag-loob mula sa imperyalistang Amerikano at mga reaksiyunaryo, agad nakalimutan ng mga Lava at Tarur kung paano ang sambayanang Pilipino magtatamo ng lakas at magiging isang hindi matatawarang puwersa sa pamamagitan ng HUKBALAHAP. Nakagamayan na nang mga buhong na salungatin ang mga aral ni Tagapangulong Mao na "ang kapangyarihang pampulitika ay ibinubuga ng baril."

Mahalagang pagtuunan nang masusing pansin ang oryentasyon ni Taruc sa paglahok niya sa burges na eleksiyon bilang kandidato ng papet na kongreso noong 1946. Sinabi niya na:

Mag-aaral uli ako. Kaya lang, sa pamantasan naman ngayon ng pulitika. Sa ating bansa, ito'y isang espesyal na gawain. Bata pa ang tao ay nagsasanay na para dito. Sa mga pamantasan bumubuo sila ng mga kasangga at nagpapakadalubhasa sa pansilid-aralang pulitika. Ganito ang kalakaran sa mga bansang kololnya, kung saan ang pulitika'y karaniwang daan para sa madaling pagyaman sa pamamagitan ng pagnanakaw at katiwalian, isang sistemang pinasimulan ng mga mananakop na dayuhan sapagkat sa ganitong paraan ay nabibili nila ang mga pulitiko, kaya nahahamig nila ang pampulitikang kapangyarihan ng bansa. Masyadong masama ang salitang "pulitiko" na ang ibig sabihin para sa mamamayan ay "mandaraya at manlilinlang."

Anong gandang pagsalamin ng isang "estudyante" sa kanyang sarili. Gusto niyang matuto ng "pulitika" mula sa mga reaksyunaryo. Sa katunayan, handa na niyang damputin ang diskarte ng mga reaksiyunaryong pulitiko kung hindi lamang siya, sampu ng iba pang pulitiko ng Democratic Alliance, pinatalsik sa papet na kongreso. Sa aklat, parehong nangusap sina Taruc at Pomeroy ng pulitika na para bang walang pagkakaiba ang rebolusyonaryong pulitika at reaksiyunaryong pulitika. Sa ganap na pagiging bulag sa pakikibakang pampulitika ng rebolusyonaryong masa, pinakahulugan ng dalawang buhong ang salitang pulitika bilang "isang espesyal na gawain" sa ilalim ng imperyalismo na kaakit-akit dahil sa oportunidad ng mga pulitiko na magpayaman sa pamamagitan ng katiwalian." Napakakitid ng tingin sa pulitika ng mga nakalipas na palsipikadong Marxistang ito na inihalintulad lamang nila sa kontra-rebolusyonaryong pulitika.

Dinakila ng Born of the People ang linyang palasuko. Pinabango ito bilang pagpapakita ng "mabuting kalooban" at "katapatan" ng rebolusyonaryong kilusang masa sa imperyalismong Amerikano at sa mga alipuris na reaksiyunaryo.Ito'y walang iba kundi malinaw na manipestasyon ng reaksiyunaryong idealismo ng mga palsipikadong komunista. Sumasalungat ito sa batayang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo. Ito ang kongkretong sagisag ng Kanang oportunismo na ipinamana ng mga Lava at Taruc sa mga bagong rebisyunista sa Pilipinas.

Ang Born of the People ay isang aklat ng pagtataksil sa masa mula simula hanggang dulo. Pagtatangka itong palabasig dakila ang mga taksil sa masang sina Lava at Taruc. Subalit bigo ang pagtatangkang ito. Sa halip, ang ipinakita nito ay ang tunay na mukha ng mga traydor. Dahil sa talagang hindi kumikilala sa rebolusyonaryong gawain at sa lakas ng rebolusyonaryong masa, laging lubos ang pagtitiwala ng mga Lava at Taruc sa imperyalismong Amerikano at sa mga alipuris nitong reaksiyunaryo. Nang maharap sa pasismong Hapones, lubus-lubusan silang sumandig sa imperyalismong Amerikano at sa gobyernong Komonwelt. Nang maharap sa mga pananalakay ng USAFFE, inasam-asam nila ang pagbabalik ni MacArthur o kahit ng multo ni Thorpe. Nang maharap sa papet na si Manuel Roxas, pinalagay nilang mas may maaasahan kay Osmena. Nang maging pangulo si Roxas, bumuntot sila rito hanggang sa halos bigtiin na sila nito. Nang maging pangulo si Quirino, sinunggapan agad nila ang mga patakaran nito ng pagsuko at Amnestiya.

Ang Born of the People ay isang aklat-talaan ng mga malubhang pagkakamaling pampulitika ng mga Lava at Taruc na sumabotahe at nagwasak sa rebolusyonaryong kilusang masa. Nalathala ito noong 1953, samantalang lantaran nang naging anti-komunista si Luis Taruc isang taon pa bago ito lumabas. Sa kabila nito, pinipilit pa rin magpahanggang ngayon ng rebisyunistang si Pomeroy na palabasing isa itong makatotohanang kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusang masa. Kanang oportunismo at makabagong rebisyunismo lamang ang maaari nitong palaganapin. Dapat nang buung-buong itapon ang akdang ito sa basurahan ng kasaysayan.

NOTES

* Ang AMT ay ang Aguman ding Maldang Tagapagobra (League fo Poor Laborers) samantalang ang KPMP ay ang Kapisanang Pambansa ng mga Magbubukid sa Pilipinas (National Peasant Union of the Philippines).


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.