Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Anti-Marxismo at Eklektisismo

III. Pag-aangat ng Digmaang Gerilya sa Antas ng Marxista-Leninistang Teorya at Istratehiya

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Sa maagang yugto ng Rebolusyonaryong Digmaang Agraryo o Ikalawang Rebolusyonaryong Digmaang Sibil, inilatag ni Tagapangulong Mao ang mga batayang tktika ng digmaang gerilya sa ganito: "Umatras kapag umatake ang kaaway, bulabugin kapag nagkampo; salakayin kapag nahapo; habulin kapag umatras." Ibayong umunlad ang mga taktika ng digmaang gerilya sa panahon ng pakikidigma laban sa Hapon. Sa katunayan, ang buong digmaang gerilya ay umangat sa antas ng istratehiya. Sa mahabang yugto ng istratehikong pagtatabla ng puwersa sa panahon ng pakikidigma laban sa Hapon, gumanap ng pangunahing papel ang digmaang gerilya sa pagpukaw sa malawak na masa ng mamamayan sa buong bansa at sa pakikipaglaban sa kaaway na higit na nakalalamang sa puwersa militar. Gumampan ito ng mapagpasiyang papel sa pagpaparami, pagpapatibay at paghinog ng mga panlabang yunit na pagkatapos ay puwedeng maiangat sa antas ng regular na puwersang makilos sa huling yugto ng digmaan laban sa Hapon at sa panahon ng Ikatlong Rebolusyonaryong Digmaang Sibil. Mahahalaw natin mula sa mayamang karanasan ng digmaang bayan sa Tsina ang pandaigdigang aral na ang digmaang gerilya ay hindi lamang naghahanda kundi sa tuwina'y nagsisilbi ring katuwang ng regular na digmaang makilos.

Nang ang digmaang gerilya ay maiangat sa antas ng Marxista-Leninistang teorya at istratehiya ni Tagapangulong Mao, iyon ay naging mabisang rebolusyonaryong sandata ng mga binubusabos na mamamayan na kailangang lumaban sa mas malakas at mas nasasandatahang modernong hukbo ng imperyalismo at mga reaksiyunaryo. Sa anu't anuman, ang digmaang gerilya ay hindi na ngayon parehong matagumpay na magagamit ng mga rebolusyonaryo at reaksiyunaryo.

Ang nagtatakda ngayon sa batayang katangian ng digmaang gerilya ay ang paggamit dito ng mga rebolusyonaryong puwersa sa kanayunan ng daigdig. Ang mga kontra-gerilyang taktika ng Amerikano, ang panunulisan o anumang pagtatangkang gamitin ang digmaang gerilya nang walang kasamang pagbubuo ng rebolusyonaryong partido, nagkakaisang prente, mga baseng pook sa kanayunan, organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika ay nakatakdang mabigo sa harap ng tunay na rebolusyonaryong digmaang gerilya sa tanglaw ng teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao.

Sa buong daigdig ang digmaang gerilya ay naging ang pinakamabisang sandata ng mga sinisikil na bansa at binubusabos na mamamayan sa panahon at pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Subalit, sa Pilipinas, hindi ito mahusay na nagamit ng lideratong Jose-Jesus Lava ng nagsanib na lumang partido. Sa di-pagkilala at pag-aaral sa Marxista-Leninistang katangiang iniambag ni Kasamang Mao Tsetung sa digmaang gerilya, pinagtibay ng lideratong ito noong 1950 ang "kaliwang" oportunistang linyang "kagyat na tagumpay militar" at inatasan ang maliliit na yunit gerilya na wala pang limang libo ang kabuuang puwersa, na maglunsad ng "istratehikong opensiba" laban sa kaaway. Sa pagsunod sa "todo-largang armadong pakikibaka," hindi binigyang-pansin ng lideratong ito ang hakbang-hakbang na pagbubuo ng partido, ng hukbong bayan at ng nagkakaisang prente, pati ang baytang-baytang na pag-angat ng armadong pakikibaka batay sa rebolusyong agraryo at sa pagtatatag ng mga rebolusyonaryong base.

Batay sa kaniyang maigsi at makitid na karanasan sa piling ng lideratong Jose-Jesus Lava, hindi naalis ni Pomeroy ang pagkasuklam niya sa digmaang gerilya. Ginamit pa niya ang mga pangalan nina Marx at Engels sa pagtatangkang maipuwers ang digmaang gerilya sa mg istratehiya at taktikang mapagpipilian ng mga proletaryo at ng rebolusyonaryong partido nito, lalung-lalo na sa kanayunan ng daigdig. Katsang niya:

gerilya, bilang isang anyo ng pakikibakang masa, hindi tinangka ninuman sa kanila na ikawing ito sa mga taktika ng uring manggagawa sa pagtatamo ng kapangyarihan, na tinitingnan sa punto ng insureksiyon kung saan ang mga organisadong masa ng mamamayan ay maisasabak sa mapagpasiyang pagkilos sa mga mapagpasiyang panahon.

Pinalalabas ni Pomeroy na siya ay isang saradong insureksiyunista. Subalit sa likod ng posturang ito ay ang kanyang kalkulalsyon na yayamang hindi naman kaagad makapagsasagawa ng insureksiyon sa kalunsuran ang mga mamamayan sa mga kolonya at malakolonyang bansa, maipipilit niya, kung gayon, na huwag silang sumabak sa anumang armadong pakikibaka at sa halip ay lumahok sa parliyamentaryong pakikibaka bilangang tangi o ang pangunahing anyo ng pakikibaka sa loob ng isang matagalan at walang tkdang panahon. Ito ang tinatawag nating "kaliwa" sa porma pero kanan sa esensiya. Ganap siyang nahubaran ng maskara nang kanyang ibatbat na:

Ang pagiging popular ng armadong pakikibaka sa mga kilusang mapagpalaya sa maraming bansa ay hindi dapat tumakip sa katotohanang maraming beses nang nakamit ang kalayaan mula sa imperyalistang paghahari sa ibang paraan gaya ng pangkalahatang welga, mga demonstrasyong masa, at organisasyon at ahitasyong pampulitika na malinaw na nagpapakita ng kagustuhan ng mamamayan.

Umabot siya hanggang sa pagkilala na mapayapa at tunay na naging malaya ang mga bansang iyon na ang "kalayaan" ay "iginawad" ng mga imperyalista o kaya'y bunga ng kasunduan ng mga imperyalistang bansa at lokal na burgesya, lalo na ng mga elementong komprador-burgesya o maging ng mga komprador-burukrata. Ginawang katawatawa ni Pomeroy ang sarili sa pagsisinungaling na ito at sa paglalabulabo ng mga termino: "Sa mga malayang estadong ito ang rebolusyon o proseso ng pagpapalaya ay maaaring hindi nakumpleto ng pakikibaka lamang para sa kalayaan (amin ang pagdidiin). Ipinalalagay niya na "malaking kasiyahan sa mga Marxista" ang pagkakaroon ng mga bansang nanahak sa "di-kapitalistang landas" na walang Marxista-Leninistang liderato at pinaghaharian ng imperyalismong Amerikano, sosyal-imperyalismong Sobyet at lokal na komprador-burukrata kapitalismo.

Gusto ni Pomeroy makalikha ng malaking larawan ng pagkatalo ng mga binubusabos na mamamayan ng daigdig. Sa pamamagitan lamang ng mabulaklak na pananalita, inaasahan niyang makukumbinsi ang lahat na mas tumitimbang ang pansamantalang pagkatalo ng ilan bansa kaysa sa malaki at solidong tagumpay ng mga digmaang bayan sa Tsina at iba pang bansa. Ibinasura rin niya ang katotohanang ang mga rebolusyonaryong puwersang lumasap ng pansamantalang pagkatalo ay maaaring muling magsikhay ma makabangon at ipagpatuloy ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka hanggang sa makamit ang tagumpay. Ngakngak niya:

Gustong pagtakpan ng kagilagilalas na tagumpay ng digmaang gerilya sa ilang pakikibaka--lalo na sa Tsina, Vietnam, Algeria at Cuba--ang katotohanang sa panahon ding iyon maraming prinsipal na digmaang gerilya tulad sa Malaya, Pilipinas, Gresya, Burma at Kenya ang lumasap ng pagkatalo, samantalang matinding dagok naman ang naranasan ng mga pakikibakang gerilya sa Congo, Peru, Bolivia at kung saan-saan pa. Segun dito, malinaw na makikita na ang armadong pakikibaka o mga taktikang gerilya ay hindi nasasabing epektibong pangkalahatan o pandaigdigang prinsipyo.

Ang malinaw na gustong palabasin ni Pomeroy ay mabisang prinsipyo ang armadong kontra-rebolusyon at ang pasipismong burges.

Pinalalabas ni Pomeroy na ang mga rebolusyonaryong puwersa ay pasibo, walang kusang palo at naghihintay lamang na mapilitang maglunsad ng armadong pakikibaka. Daldal niya:

Mas gusto ng alinmang kilusang mapagpalaya ang mapayapa at legal na paraan para matamo ang kalayaan. Natutulak ang mga kilusang ito ng mamamayan na gumamit ng dahas para matamo ang pangkalahatang mithiin dahil sa pagsupil sa kanila na maipahayag ang kanilang mga karaingan at pagtugon ng tumitinding karahasan ng desperado at bumabagsak na sistemang imperyalista.

Ang gusto niya ay magsagawa lamang ng "mga paghahanda para sa armadong pakikibaka" kapag "sarado na ang lahat ng pinto para sa legal at mapayapang paraan ng paghahangad ng pagbabago"--kapag "ang gayong hakbang ay hiningi ng aksiyon ng mga reaksiyunaryong puwersa."

Para ibayong masuportahan ang kanyang rebisyunistang tindig, ginamit ni Pomeroy ang matingkad na pagkatalo nina Ernesto "Che" Guevarra at Regis Debray para mapalabas na ang Rebolusyong Cubano" ang "pandaigdigang modelo" ng armadong rebolusyon na nakahihigit sa Rebolusyong Tsino. Ikinatuwa niya ang pagkabigo ng Latin American Organization of Solidarity (OLAS) na maibandila ang Rebolusyong Cuba pati ang adbentura nina Guevarra at Debray sa Bolivia na hindi maayos na pinagtuunan ang pagtatayo ng partido, nagkakaisang prente at ang gawaing masa bilang kailangang suporta sa armadong pakikibaka. Para kunwa'y matabunan ang mga sipi kina Castro, Guevarra at Debray, ang buong seksiyon tungkol sa Latin Amerika ay inilaan niya sa mga siping galing sa mga kontra-rebolusyonryong sina Juan Rodriguez, Alberto Gomez, Jose Manuel Fortuna, Jose Cuello at Asdrubal Dominguez at Luis Corvalan.

Ang mga Latinong rebisyunista at kanang oportunistang ito ay sumuporta sa ideyalista at oportunistang linya ni Pomeroy na "pagsasanib ng lahat ng anyo ng pakikibaka" nang hindi nagtutuon sa pangunahing anyo ng pakikibaka at sa istratehikong layunin ng pag-agaw sa kapangyarihan; sa pagbanat sa likhang-isip na tauhan na armadong pakikibaka o pakikibakang gerilya lamang ang gusto"; sa linyang suportahan ang "mas mabait na demonyo," na kadalasan ya ang papet na pangkating nasa poder na mabilis na kinasusuklaman ng mamamayan; at sa linyang magtuon ng pangunahing pansin sa mapayapang pakikibakang lungsod bilang paghahanda sa mg pag-aaklas sa hinaharap at pansamantalang makipagkutsabahan muna sa mga reaksiyunaryo.

Sa pag-atake sa digmaang gerilya bilang isang rebolusyonaryong paraan, ang layunin ni Pomeroy ay ang iduyan-duyan ang mga rebolusyonaryong puwersa sa kanayunan ng daigdig sa paghihintay sa walang katiyakang pagdating ng insureksiyong lungsod na batay sa iniisip na kondisyong tulad ng sa rebolusyonaryong kalagayan ng Rebolusyong Oktubre at sa paglulunsad ng digmaang gerilya batay lamang sa "rebolusyonaryong sitwasyon" na may kahiwagaang sinasabi ni Pomeroy. Anu't anuman, konsistent ang tingin ni Pomeroy na ang paglahok ng mga kilusang masa sa matagalang mapayapa at legal na pakikibaka ang tangi o pangunahing anyo ng pakikibaka. Dahil dito, sobra-sobra ang kanyang papuri sa mga rebisyunistang partido at rebisyunistang manunulat gaya ng ipinakikita ng kanyang aklat sa seksiyon tungkol sa Latin Amerika. Pinalalabas niyang sang-ayon ang mga iyon sa armadong pakikibaka, lamang at nasa yugto pa rin ng walang katiyakang mapayapang paghahanda para dito o kaya'y nasa yugto pa rin ng pagbitiw sa mga naunang armadong pakikibaka. Itinuturing niya ang mga rebisyunista niyang katoto na mas mabigat kaysa sa mga dakilang rebolusyonaryong lider gaya, halimbawa, sa mga lider ng Tsina at ng Indotsina.

Bakit ba itinataguyod ni Pomeroy ang matagalang mapayapang pakikibaka laban sa teorya ni Tagapangulong Mao na matagalang digmaang bayan sa kanayunan ng daigdig? Sa tingin niya kasi, dahil kayang makita ng imperyalismong Amerikano ang mga "realidad" (lalo na ang superpower na pagmaniobra ng Unyon Sobyet at ang mapayapang mga kilusang masa) unti-unting mababago ang mabangis na katangian nito. Katsang niya:

Ang mga kasalukuyang armadong pakikibakang masa ay hinuhubog sa kalakhan ng mga imperyalistang taktika ng karahasan at ang mga ano ng pakikibaka sa mga darating na panahon ay maapektuhan nang malaki ng tindi ng pagkaobliga ng imperyalismo na kilalanin ang mga realidad sa nagbagong balanse ng mga puwersa. Ilang rebolusyonaryo ang nagsasabing hindi kayang kilalanin ng imperyalismong Amerikano ang gayong katotohanan o ang magsagawa ng anumang hakbang para harapin ang gayon na kaiba sa ginagawa nito ngayon. Subalit ang isang Marxista-Leninista, samantalang handa sa anumang anyo ng pakikibaka, ay dapat ding maging handa sa kasalimuotan ng pagbabago.

Sa gayong "kasalimuotan ng pagbabago" (isang mahiwagang termino na nangangahulugan ng kawalang-kakayahang "hatiin ang isa sa dalawa"), iginigiit ni Pomeroy na babaguhin ng imperyalismong Amerikano ang katangian nito.

Ganap nang inilantad ni Pomeroy ang pagiging ahente niya ng imperyalismong Amerikano. Nilibak niya ang binansagan niyang "apokaliptikong pangitain" na ang imperyalismo at kapitalismo ay palibot at lukob ng lumalakas na digmaang gerilya. Ipinahihiwatig niya na iyong mga naniniwalang napakainam ng pandaigdigang rebolusyonayong kalagayan ay hindi mga Marxista-Leninista at nadadala ng "damdamin at init ng ulo." Sinabi niyang may "pagka-istatiko" ang pangkalahatang pormulasyon na nasa krisis ang imperyalismo at ang kapitalistang sistema sa kabuuan at ang pormulasyong rebolusyonaryo ang kasalukuyang panahon. Ginawaran niya ang imperyalismong Amerikano nang lahat ng puwede niyang maisip na kasiglahan at gusto niyang mangyari na ngumanga na lamang ang mga rebolusyonaryong puwersa sa harap ng naghihingalo at nanghihinang halimaw na iyon. Hindi siya sumasang-ayon sa pananaw na panahon ngayon ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, na ang imperyalismo ay patungo na sa ganap na pagbagsak at ang sosyalismo ay sumusulong tungo sa pandaigdigang tagumpay. Lagi siyang nakatuon sa mga partikularidad ng ilang bansa tulad ng gawain ng isaang empirisista na may mekanistikong layuning maihiwalay ang partikular sa pangkalahatan o unibersal.

Sa magaspang na pagpanig sa imperyalismong Amerikano, ibinatbat ni Pomeroy na kasalanan ng mga rebolusyonaryo dahil naglunsad sila ng mga armadong pakikibaka kaya gusto silang durugin ng imperyalismong Amerikano sa pamamagitan ng dahas militar. May pagbabantang idinaing niya na "iyong mga saradong naniniwala sa armadong pakikibaka" ay tiyak na madudurog o mapipilitang magsagawa ng mga mahirap na pag-atras. Ang mga imperyalistang kontra-insureksiyong operasyon ay espesyal na dinisenyo para sa ganitong uri ng pagkakamali." Sa paglalahat, itinuring niya ang armadong pakikibaka bilang ang "uri ng ganitong pagkakamali."

Ipinagmayabang niya ang maunlad na teknolohiyang militar ng imperyalismo at tinatakot ang mamamayan sa sinasapantahang bisa nito sa pagsupil sa rebolusyonaryong kilusan. Pakakak niya:

Ang mga kasalukuyang pagtatangka ng imperyalismo na masupil ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng paggamit ng pinakaabanteng teknolohiyang militar--gaya ng mga helikapter, napalm, paggamit ng kemikal sa digmaan, mga kagamitang elektroniko--ay tulad sa paggamit ng uso noong kaunlarang militar sa pagtataboy sa mga rebolusyonaryong kilusan sa mga lansangan sa panahon nina Marx at Engels, mahigit isandaang taon na ang nakararaan.

Padaplis na ipinanakot niya ang digmaang nuklear, at sinabing labis siyang "nag-aalala na baka matulak ng mga armadong rebolusyonaryong pakikibaka ang imperyalismong Amerikano na magpasimula ng digmaang nuklear. Daldal niya:

Ang mga pagbabago ay maaaring magbunga ng digmaang nuklear sa pagitan ng sosyalismo at imperyalismo--isang uri ng armadong sagupaan na sinisikap mapigilan ng mga sosyalistang bansa at ng mga kilusang komunista sa buong daigdig dahil sa lagim na idudulot niyon sa sangkatauhan.

Samantalang gustong takutin ni Pomeroy ang mamamayan sa teknolohiyang militar at armas nuklear ng imperyalismong Amerikano, gusto rin niya silang papaniwalain na di-magluluwat ay hindi na maipagtatanggol pa ng alinmang kapitalistang puweersa ang pandaigdigang kapitalistang sistema at mismong ang imperyalismong Amerikano, ang pangunahing tagapagtanggol ng gayong sistema, ay bibitiw na rin sa papel nito bilang pulis dala ng masidhing habag sa mamamayang Amerikano na nagbabayad ng buwis at sa pagdadalang-habag na rin sa mga pakikibakang masa na hindi na makita ang saysay ng armadong pakikibaka, lalung-lalo na ang digmaang gerilya. Katsang niya:

Nangyari na ito sa imperyalismong Pranses at Ingles at hindi malayong mangyari sa imperyalismong Amerikano, sa pagkakaroon ng mga pagbibiyak sa hanay nito hinggil sa usapin ng gastos sa mga digmaan ng panunupil.

Ngakngak pa niya:

Hindi makatotohanan... na sabihing ito (ang papel ng pagiging pulis ng imperyalismong Amerikano) ay hindi mapagbabago ng pakikibakang masa laban dito, at malinaw na sa bawat posibilidad ng pagbabago sa pandaigdigang sitwasyon kusang susulpot ang iba't ibang anyo ng pakikibaka ng mga rebolusyonaryong kilusan at isa na lamang sa mga ito ang digmaang gerilya.

Sa aklat, pumapangalawa kay Pomeroy bilang garapal na tagapagtanggol ng imperyalismong Amerikano si Henry Winston ng taksil na rebisyunistang Partido Komunista ng Estados Unidos ng Amerika na nangangaral sa mga Amerikanong negro na subhan ang kanilang katapangan, mahalin si Uncle Tom at mapayapang humiling ng karagdagang representasyon sa lahat ng antas ng imperyalistang estado. Tulad ni Pomeroy, binalaan ni Winston ang mga Amerikanong negro na tantanan ang kanilang "terorismo" at "paghahamon" at baka durugin tuloy sila ng mga mapagharihariang puti. Sa kanya ibinigay ni Pomeroy ang pribilehiyong magtapos ng kanyang aklat.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.