Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

A Work of Two Renegades

II. Ang "militar na liderato" ni Luis Taruc

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Isang pangyayari ang malinaw na sinasalamin ng pagkakasulat ng Born of the People. Sa panahong sistematikong ibinabando ng mga imperyalistang Amerikano at mga lokal na reaksiyonaryo sa kanilang pahayagan na si Luis taruc ang "Supremo," gumapang naman si William Pomeroy sa nagsanib na lumang partido para palaganapin ang imbing kaisipang si Luis Taruc ang namumuno at kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusang masa. Pinalabnaw ang papel ng Partido at nababanggit lamang sa mga pagninilay-nilay ng "pinunong militar" na siyang pinaksa ng aklat. Sa pagposturang lider komunista at teoretisyan, nagtagumpay si Pomeroy na maipalaganap ang imperyalistang intriga at burges na kaisipan na ang pampulitikang liderato ng isang rebolusyonaryong partido ng proletaryo ay pumapangalawa sa "militar na liderato."

Na ang baril ang nagpapakilos sa Partido, sinabi ni Pomeroy: "ang hukbong bayan ang ubod ng pakikibaka ng mamamayan" na taliwas sa turo ni tagapangulong Mao na "ang Partido Komunista ang puwersa sa ubod na nagsusulong ng ating simulain."

Subalit sa paglulunsad ng armadong pakikibaka, walang maipakita si Taruc na anumang pruweba ng kanyang "militar na liderato." Ang naging gawain niya'y siraan ang pandaigdigang kahalagahan ng mga aral ni Tagapangulong Mao tungkol sa digmaang bayan na nakabatay sa malawak na rebolusyonaryong karanasan sa ilalim ng pamamatnubay ng Marxismo-Leninismo. Katyang ng palsipikadong bayaning si Pomeroy: Gusto naming lumaban, ngunit hindi malinaw kung paano ito sisimulan. Alam naming talagang naging matagumpay ang kilusang gerilya ng Tsina, kasi naman, mas angkop sa digmaang gerilya ng Tsina. Napakalawak na bansa ng Tsina kaya mahusay na makapagtatago at makapagmamaniobra ang hukbo. Puwedeng maglunsad ng malawakang labanan at mapalaya ang mga bayan at ang buu-buong rehiyon; samantalang napakaliit ng ating kinikilusang lugar na napakadaling marating ng mga puwersang panaklolo ng mga Hapones. Sa Tsina ay may nakatayong base na lunsaran ng puwersang gerilya, samantalang wala tayo ni isang base man lamang.

Ang talagang punto ng sinasabi ni Taruc na mas angkop sa digmaang gerilya ang Tsina dahil sa ito'y malawak ay ang pagiging hindi angkop ng Pilipinas para sa digmaang gerilya dahil ito'y maliit. Kaya nga inaangal niya ang kaliitan ng espasyo na mapagmamaniobrahan ng HUKBALAHAP laban sa malaking puwersa militar na Hapones. Isinasalaysay niya ang matagumpay na salasalabat na pag-atake ng mga tropang Hapones sa maliit na espasyo ng Bundok Arayat para maipakita lamang kung gaano "kawalang kahihinatnan" at "kadesperado" ang digmaang gerilya sa Pilipinas. Hindi ang ipakita ang mga kaibhan o naiibang taktika ng digmaang gerilya sa Pilipinas ang kanyang motibo kundi ang palabnawin ang mga batayang prinsipyo na subok at napatunayan nang wasto ng rebolusyonaryong karanasan ng mamamayang Tsino.

Walang anumang karapatan si Taruc na ireklamong napakaliit ng Pilipinas para sa pakikipaglaban ng rebolusyonaryong puwersa laban sa mas malaking puwersang militar ng kaaway dahil una pa man, siya at sampu ng kanyang mga kampon, ay hindi nagpadala ng mga kadre at mandirigma sa labas ng maliit na larangan sa Gitnang Luzon at sa mas lalong maliit na larangan sa Timog Katagalugan para pamunuan at itaguyod ang pambansang digmaang gerilyang umuunlad noong panahon ng pakikidigma laban sa Hapon. Resulta nang hindi pagkilos ng pangkating Lava at Taruc, napamunuan ng kontra-rebolusyonaryong gerilyang USAFFE ang digmaang gerilya sa labas ng Gitnang Luzon. Sa isang bansang malapiyudal, gaya ng Pilipinas, obligado ang mga rebolusyonaryo na gamitin ang digmaang gerilya sa paglulunsad ng armadong pakikibaka laban sa kaaway na ibayong malakas ang puwersa. Sa umpisa ng digmaang bayan, katunggakan ang maglunsad ng digmaang regular na nakapuwesto o mga istratehikong mapagpasiyang sagupaan na nakataya ang buong rebolusyonaryong kilusan o maglunsad ng pag-aalsa sa kalunsuran na walang sinasandigang base sa kanayunan. Sa kanayunan lamang mapauunlad ang digmaang gerilya at mabubuo ang hukbong bayan nang yugtu-yugto at may sapat na espasyo para sa maniobra habang nag-iipon ng lakas. Ang katotohanang maliit lamang ang bansa, pulu-pulo, makipot at inihihiwalay ng dagat sa mga kaibigang bansa, ay lalong nagpapatibay ng linyang kailangang paunlarin at palawakin ang digmaang gerilya sa buong bansa.

Taliwas sa idealistang palagay ni Taruc na ang Pulang Hukbo at ang mga base sa Tsina ay hulog ng langit o kusang nabuo mula sa malawak na lupain ng Tsina, ang mga ito ay nagsimula sa maliit hanggang sa lumaki at yumabong sa mahabang panahon ng pakikibaka sa ilalim ng wastong pamumuno ng Partido Komunista at ni Tagapangulong Mao. Sa umpisa ng digmaang agraryo o sa umpisa ng digmaan laban sa mga pasistang Hapones, dehadong-dehado ang Pulang Hukbo kumpara sa kumpleto-sa-armas at milyun-milyong tropang kaaway, at laging mas maliit ang mga baseng Pulang purok kaysa mga Puting purok. Kailangan ninuman ang magkaroon ng wastong makauring paninindigan at gayundin ng matalas na kalkulasyon para makita ang kaangkupan ng pandaigdigang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo sa mga kongkretong kalagayan ng Pilipinas. Ang lakas at kakayahang magmaniobra ng Pulang hukbo sa kanayunan ay laging nakasalalay sa kung gaano na napukaw at napakilos ng rebolusyonaryong proletaryadong partido ang masang magbubukid. Dapat laging itanim sa isip na hindi kailanman nagawa ng nagsanib na lumang partido bago pa man o maging sa panahon ng digmaan laban sa Hapon na maglunsad ng rebolusyong agraryo o ng malawakang reporma sa lupa upang mahamig ang pinakamainit na suporta ng masang magbubukid. Pangalawang usapin lamang ang pisikal na katangian ng bansa at mas mahalaga ang usapin ng rebolusyonaryong pulitika. sa harap ng mga kampanyang "pagkubkob at pagsupil" ng mga kaaway, ang tindi ng armadong pakikibaka sa isang maliit na bansang gaya ng Pilipinas ay maihahambing sa nagaganap sa isang partikular na bahagi ng malaking bansang gaya ng Tsina. Kasabay nito, palaging mahirap, maging sa isang malaking puwersa ng kaaway, ang suyurin ang kanayunan ng isang malakolonyal at malapiyudal na bansa.

Inamin ni Taruc na rebeldeng lagalag ang pananaw niya at ng kanyang mga kampon nang ipagyabang niyang: "Ni wala nga kaming base." Maaaring maituring na "base" ang bundok Arayat subalit hindi iyon mainam at ni hindi napatatag bago ang pagsalakay ng mga Hapon noong Marso, 1943. Matapos ang pagsalakay noong Marso, nawala na sa isip ng mga Taruc at Lava ang pagbubuo ng mga baseng purok. Tnilad-tilad nila ang mga "iskuwardon" (ang isang iskuwadron ay may isang daan o higit pang mandirigma) sa maliliit na pangkat na may tatlo hanggang limang kasapi at ipinag-utos ang kanilang ganap na pagwawatak-watak; lumabas sa pagtatapos ng 1943 na iyon lamang mga mandirigmang yunit na hindi sumunod sa tagubilin ang natirang buhay. Hanggang sa ngayon, pinagpipilitan pa rin ng mga lava na hindi puwedeng magtayo ng mga baseng purok sa Pilipinas. Kung totoo ang ganito, anong saysay ng pagsisikap at pag-asang palayain ang buong bansa sa mga reaksiyonaryo at patatagin ito bilang isang rebolusyonaryong base? Lahat ng tunay na rebolusyonaryo ay determinadong gawin ang buong bansa na base ng rebolusyon. Sa paghahanda para sa pambansang tagumpay, hindi natin maiiwasang paunlarin ang mga baseng purok sa kanayunan bilang binhi ng kapangyarihang pampulitika na ipatutupad natin sa buong bansa. Sa yugtong ito, hindi tayo makapagbubukas ng sonang gerilya at matagumpay na lumaban sa loob ng mga iyon nang hindi nagpapaunlad ng mga baseng purok gerilya. Ang ibig lamang nating sabihin ay hindi tayo makapagtatagal sa mga mabuway at hindi pa napatatatag na purok. Ang mga baseng gerilya ang matatag na likuran ng sonang gerilya. Pareho ang relasyon ng dalawang ito sa relasyon ng pagpapatatag at pagpapalawak ng puwersa.

Batay sa siping hinango natin sa kutsabahang akda nina Pomeroy at Taruc, madali nating makikita kung bakit nabigo ang mga Taruc at Lava na talagang paunlarin ang armadong puwersa ng mamamayan sa panahon ng pakikidigma laban sa mga Hapon at kung bakit patuloy silang nananalig sa pagbabalik ng mga Amerikano para "palayain" ang sambayanang Pilipino sa mga pasistang Hapones. Madali na nating makikita kung bakit noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nilansag ng mga Lava at Taruc ang hukbong bayan sa ilalim ng itim na bandila ng "Pagkamakaka- nan" na nauwi naman sa "Makakaliwang" linya nang mabigo ang kanilang burges na ambisyong pampulitika. Nang magapi sa larangang militar, muling naging palasuko ang pangkating Lava-taruc at nilansag ang hukbong bayan, kaya sumibol naman ang bandidong pangkating Taruc-Sumulong para ipagpatuloy ang mga lagalag na rebeldeng pagkilos at ang panunulisan.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.