Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Isang Akda ng Dalawang Taksil

I. Ang pananaw nina Taruc at Pomeroy sa Daigdig

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

April 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

I. Ang pananaw nina Taruc at Pomeroy sa Daigdig

Ang Born of the People ay nagtatampok ng mga anekdotang naglalantad at nagpapatotoo sa anti-Marxista at anti-Leninistang pananaw nina Taruc at Pomeroy. Ganito ang pagkakasulat ng isa sa mga iyon:

Sabi niya (ni Lope dela Rosa) sa akin, ang manggagawa at magbubukid ang lilikha ng bagong lipunan. "Kapag nagtagumpay kayo," tanong ko naman, "paano ninyo itatayo ang bagong lipunan?" Akala ko maganda ang layunin nila, pero namangha ako sa taong iyon at sa mga kasama niya. Nangungusap sila ng pagtatayo ng bagong lipunan, pero karamihan sa kanila ay ni hindi marunong sumulat at bumasa. Meron silang isang kopya ng akda ni Marx na Kapital, pero wala ni isa man sa kanila ang makabasa niyon, kaya ibinaon na lamang nila sa lupa.

Ang dalawang taksil, si Taruc at si Pomeroy, ay tuwang-tuwang lait-laitin ang mga manggagawa at magbubukid at ang "ibaon ang Marxismo." Nakalimutan nila, na kaya nga may Partido Komunista, na binubuo ng pinakaabanteng elemento ng proletaryo, ay para isalin sa lingguwahe ng masa ang Marxismo, at higit sa lahat, sa kongkretong rebolusyonaryong praktika. Ano ba talaga ang gustong palabasin ng dalawang buhong na ito? Hinayaan ni Pomeroy na si Taruc ang sumagot:

Hindi ko pa nababasa si Marx, o anuman tungkol sa Marxismo, kaya nga mga berso ng Bibliya ang ginagamit ko para ipagtanggol ang aking posisyon. Hubarin mo mula sa mga kaisipan at pangaral ni Kristo ang kapa ng mistisismo na ibninabalabal ng simbahan dito at marami kang makikitang mga kaisipan tungkol sa sosyalismo.

Maging noong mga araw na matino pa si Taruc, lihim na siyang disipulo ng "Kristiyano Sosyalismo" sa loob ng nagsanib na lumang partido! Mas ginusto niyang isalin ang Marxismo sa banal na lingguwahe ng Bibliya at ni Kristo. At nakatagpo siya ng kasangga sa katauhan ni Pomeroy sa pagpapalaganap ng mga makamandag na kaisipang taliwas sa Marxismo-Leninismo.

Tungkol sa teorya, itinuturo sa atin ni Tagapangulong Mao: "kailangang magpakadalubhasa sa teorya ng Marxismo at isapraktika ito, magpakadalubhasa rito para lamang sa pagsasapraktika nito." At itinuturo din sa atin ni Tagapangulong Mao kung paano titingnan ang masa:

Ang masa ang tunay na bayani, samantalang tayo mismo ay madalas na isip-bata at mangmang, at kung wala ang ganitong pag-unawa imposible tayong magtamo kahit ng pinakamababaw na kaalaman.

Ang palabasing tunggak ang masa dahil hindi nila mabasa ang akdang Kapital ay isa mismong katunggakan sa pinakamasahol na anyo. Ito ay isang pagtanggi sa kahalagahan ng rebolusyonaryong teorya sa isang rebolusyonaryong kilusan at pati sa mahalagang papel ng liderato na ginagampanan ng Partido.

The bourgeois egocentrism of Luis Taruc is irrepressible. Pomeroy plays on it as he picks out for special mention the incedent when even as a small boy Luis Taruc wrote his name on a train only "so that it would ride across the country for every one to see". His desire is not for revolution but for fame.

Hindi mapigilan ang burgis na kapalaluan ni Luis Taruc. Nilaro iyon ni Pomeroy nang pinili niya ang pangyayari sa buhay ni Luis Taruc noong bata pa iyon na isinulat sa tren ang pangalan "para sa pag-andar nito ay makarating ang kanyang pangalan sa buong bansa at mabasa ng lahat." Hindi rebolusyon ang kanyang hangarin kundi katanyagan. Likas kay Taruc ang pagkamuhi sa masang magbubukid. kahit isa ring magbubukid ang ama niya, naisumpa niya sa sariling tatalikuran ang pagiging magbubukid at sasama sa burgesya sa pamamagitan ng paaralan. Salaysay ni Taruc: "Sinabi ko sa aking ama na hindi ko kaya ang buhay-magbubukid... at gusto kong magpatuloy ng pag-aaral." Sapagkat, pagmamalaki niya: "Ang titulo ang sukatan ng tao, ang kahulugan ng dangal; iniaangat nito ang tao mula sa katayuang anakpawis." Mukhang natupad na nga ang pangarap ng kanyang kamusmusan ngayong isa na siyang bayarang propagandista ng anti-komunismo. Kahit sinasabi niya sa kanyang aklat na dati na siyang "nananalig na ang aking uri ang pinakamahalaga," bukambibig pa rin niya ang pananaw na puwedeng magkasundo ang mga uri na ehemplo ang kuwento ng kanyang pag-ibig na nakapangasawa siya ng isang mayamang babae sa kabila ng kanyang pagiging anak-dalita. Paulit-ulit niyang sinasambit ang mga nakasusukang katagang may isang pag-ibig na nangingibabaw sa tunggalian ng uri at sa makauring pagkamuhi.

Tuwang-tuwa rin siyang masabing isa siyang babaero. Kaya nga, ikinuwento pa niya kung paano sila ni Castro Alejandrino magdamag na nagpasasa sa kandungan ng dalawang batang babaing parang mga anak na lamang nila ang edad. Pinalalabas ni Pomeroy ang mga pangyayaring ito na isang "pagrirelax" ng kanyang bayani sa panahon ng krisis--sa panahon ng mga masaker na inilunsad ng mga kaaway. Ginamit iyong tiyempo para makahingi si Taruc ng "bakasyon"--"para makapagpalipas-oras sa mga katutubong kagandahan ng kanyang bayan."

Paghahambog pa ni Taruc:

Iba ang dating sa akin ng nagbabadyang panganib sa buong Gitnang Luzon: higit kong nadarama ang panatag na kagandahan ng kanayunan at ang buhay ng mamamayan.

Sa harap ng kamatayan sa loob ng kulungan, isinaalang-alang ni Taruc ang pag-ibig sa kanyang asawa nang higit sa anumang bagay. Nang mamamatay sa karamdaman ang kanyang asawa, itinuring niya ang kamatayan nito na "mas matinding personal na trahedya kaysa sa digmaan at sa lahat ng sindak na idinulot nito sa akin."

Itinuring ni Taruc na isang kapuri-puring "pag-iingat" ang pagiging sunudsunuran ni Jesus Lava sa mga kawal Hapones na nakabihag sa kanya sa isang raid noong Marso, 1943 at itinuring naman, kumpara dito, na "kawalang pag-iingat" ang pag-almang ipinakita ng dalawang magiting na kasama na tumutol sa gusto ng mga pasistang bumihag sa kanila. Palibhasa'y sampalataya sa pilosopiya ng pagligtas-sa-sarili at sa diwa ng pagsuko, pinuri niya ang pagtanggap ni Lava sa "paraan ng pagdidisiplina" ng mga pasistang Hapones at ang pagtuturo nito sa isang opisyal na Hapones kung paano tumugtog ng piyano. Walang maipakitang ehemplo si Taruc kung paano puwedeng malansi ng mga rebolusyonaryo ang mga kaaway.

Kinukondena ng Born of the People ang mga collaborator ng Hapon. Pero hindi nito makita iyong masayang pagkukuwento ni Taruc kung paanong ang lider ng HUKBALAHAP na si Castro Alejandrino ay siyang-siya sa pakikipagsugal sa mga pangunahing collaborator ng mga Hapon sa iwahig Penal Colony na tinatalo niya ng malaking pera. Nakakatulong ba sa pagbubuo ng wasto at matatag na pagtingin sa pakikibaka ang pagkukuwento ng mga ganitong pangyayari sa rebolusyonaryong kilusan.

Gayon na lamang ang pagpupunyagi ni Pomeroy na gawing "bayani" si Taruc kahit maalipusta man ang masa. Nagyabang si Taruc kaugnay ng kampanyang "pagkubkob at pagsupil" ng kaaway sa Bundok Arayat noong 1947:

Buong suyo kong kinausap ang mga nawalan na ng pag-asa at halos handa nang sumuko, kahit ako mismo'y uhaw na uhaw at lupaypay na sa init ng araw. Ipinaalala ko sa kanila ang ating mga simulain. Ipinangako ko sa kanila ang lahat ng malamig na inuming magugustuhan nila at ang isang masaganang piging sa baryo kapag sila'y nanindigan.

Sa aklat, siguradong-segurado si Taruc na nagsisuko na sana ang mga nauuhaw niyang tauhan kung hindi siya nangaral tungkol sa simulain at kung hindi siya nangako ng malamig na inumin at ng isang masaganang piging.

Ipinagkapuri ni Taruc ang istilong pagiging masyadong mapaghinala sa mga panloob na relasyon sa Partido at ang istilong laging ipinalalagay na nagsisinungaling ang lahat ng tao. Pinapurihan niya si Castro Alejandrino ng pagpasok nito ng ideya sa nagsanib na lumang partido ng "paraan niya ng pagsisiyasat sa mga motibo ng isang gawi o tindig." Sinasabing laging itinatanong ni Alejandrino tuwing magsasagawa ng pamumuna at pagpuna sa sarili ang: "Narinig ko ang iyong magandang katwiran, ngayon ano ang tunay mong katwiran?" Talagang kahit na sinong matinong tao ay mabablangko ang utak sa istilong ito at hahayaan niyang igiit na lamang ng sinungaling ang kanyang mga kasinungalingan. Ang burges na sistema ng sikolohiya ay hindi maaaring ipalit sa Marxista-Leninistang paraan na alamin muna ang mga bagay-bagay bago magsagawa ng pag-aanalisa sa mga iyon. Pero, buong pagbubunying ibinulalas ni Taruc: "Ang magandang katwiran at ang tunay na katwiran ang naging sukatan ng pamumuna at pagpuna sa sarili na pinaunlad namin sa Huk." Palibhasa'y mahilig ang mga Lava, Taruc at Alejandrino sa panloloko, sa "linya ng propagandang" baligtad sa "tunay na linya" nila, kaya lagi silang nagdududa na nanloloko lamang ang iba pang kasapi ng nagsanib na lumang partido.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.