Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Isang Akda ng Dalawang Taksil



Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

("This essay originally appeared in the Ang Bayan special issue of November 1, 1971.")

Ang librong Born of the People ay isang sabwatan ng dalawang taksil na sina Luis M. Taruc at William J. Pomeroy. Bagaman pinalalabas na iyon ay talambuhay ni Luis Taruc, si Pomeroy, ang bayarang ahente ng imperyalismong Amerikano, ang tunay na may-akda niyon para pansamantala siyang makapasok hindi lamang sa hanay ng rebolusyonaryong kilusang masa sa Pilipinas kundi pati sa liderato mismo ng nagsanib na lumang Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Sosyalista.

Mapatutunayan ng mga matatandang kasama na pagkatapos ni Pomeroy makapaglikom ng mga datos para sa kanyang aklat sa Gitnang Luzon noong 1949, nakapagsagawa ang mga kaaway ng mga mata gumpay na pagsalakay sa mga lugar na binisita niya. Dahil na rin sa ilang suspetsa sa kanya ng mismong mga Lava kaya napagpasyahang "patigilin siya sa kampo" sa Timog Luzon noong 1950.

Matutuklasan sa pagbabasa ng Born of the People ang mga ugat pang-ideolohiya ng pagiging pusakal na anti-komunista ni Taruc at ang kontra-rebolusyonaryong papel ni Pomeroy bago pa man niya isinulat ang mga sumunod niyang mga garapal na rebisyunistang akda.

Ang Born of the People ay tinanggihan ng "may-akda" nitong si Luis Taruc. Mas nagustuhan niya ang librong He Who Rides the Tiger, isa pang "sariling talambuhay" na isinulat para sa kanya ng bayarang ahente ng C.I.A. na si Douglas Hyde. Naiwan si Pomeroy na halukipkip ang kanyang basurang aklat. Kaya, hindi na ipinagtaka ninuman ang patuloy niyang paggigiit na ang akdang iyon ay "kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan" at hindi lamang basta talambuhay ng isang tao, para makapagbangong-puri.

Wala din namang saysay ang ganoong paliwanag. Mababasa mismo sa aklat ang sinabi ng pangunahing tauhang si Luis Taruc:

Ang kasaysayan lamang ng Huk ang maaari kong maging talambuhay, at kung may makakabasa nito sa aking mga kasamahan, alam kong masasabi nila; "Aba, talambuhay ko rin ito, a!"

Talaga namang inilarawan ni Pomeroy si Taruc sa buong aklat bilang ang "modelo" ng HUKBALAHAP at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas. Anong tinding paglapastangan sa mga Pulang mandirigma at sa mga rebolusyonaryong masa!

Hindi kailanman maitatatwa ni Pomeroy na siya ay bayaran ni Taruc. Hanggang 1963, patuloy ang sagadsagarang papuri niya kay Taruc sa kanyang aklat na The Forest:

Sa halip na isang kasaysayan, ang kanyang "personal na talambuhay ang isinulat ko na pinamagatan kong Born of the People. Sinikap kong maisama sa aklat na ito hindi lamang si Luis kundi pati na rin ang mga magsasakang Pilipino at ang buong sambayanang Pilipinong nakibaka para sa ganap na paglaya sa kolonyalismo. Sapagkat ang taong gaya ni Luis, ang lider na gaya ni Luis, ay talagang nagmula sa sinapupunan at pakikibaka ng mga magbubukid sa Pampanga, at nakita kong isa siyang simbolo.

Layunin ng pag-aaral na ito na maipakitang sa pagsusulat pa lamang ng Born of the People ang tunay na sumulat at ang palsipikadong awtor ay parehong patungo na sa pagpapalaganap ng mga maling kaisipang pipinsala sa rebolusyonaryong liderato ng proletaryado at sa rebolusyonaryong kilusang masa. Malinaw na malinaw ang pagkakasulat ng mga maling kaisipang ito sa naturang aklat.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.