Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Anti-Marxismo at Eklektisismo

II. Ang Pandaigdigang Importansiya ng Teorya ng Digmaang Bayan ni Tagapangulong Mao

Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Ang teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao ay nilagom mula sa tuluy-tuloy na dalawampu't dalawang taon ng digmaang bayan sa isang malawak na bnsang tulad ng Tsina. Ito'y isang digmaang nagdaan sa Rebolusynaryong Digmaang Agraryo, sa Digmaan Laban sa Hapon, at sa Digmaang Mapagpalaya ng Bayan laban sa pangkating Amerikano-Chiang Kai Tsek. Sa buong kasaysayan ng sangkatauhan at ng pandaigdigang kilusang komunista hindi pa nangyari ang gayon katagal at gayon kalawak na digmaang bayan laban sa pinakamakapangyarihang imperyalista at papet na hukbo na tigib ng mga pangkalahatan at partikular na pangyayari. Hindi matatawaran ang mga batas na nalagom mula sa digmaang ito. Ang buong saklaw ng istratehiya at taktika ng digmaang bayan na binalangkas ni Tagapangulong Mao ay nagpatunay sa sapantaha ni Engels na: "Ang paglulunsad ng pagpapalaya sa proletaryo ay magkakaroon ng partikular na katangiang militar at lilikha ng partikular at bagong paraang militar."

Kontra-rebolusyonaryong ideyalista lamang ang hindi makakakita sa pandaigdigang importansiya ng tagumpay ng digmaang bayan sa Tsina at sa katunayang malalim ang epekto nito sa kalagayan ng daigdig. Hindi puwedeng sabihin na iba ang laki ng Tsina kaya iba rin ang rebolusyong Tsino sa iba pang rebolusyonaryong pakikibaka pagdating sa teorya at praktika. May ilang makitid ang utak na nagaakalang angkop lamang ang teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao sa isang malawak na bansang gaya ng Tsina at nagngangangakngak na para bang ang bansang ito ay hindi binubuo ng iba't ibang bahagi, kung saan sumusulpot ang pinakamasalimuot na problema at nilutas ni Tagapangulong Mao. Dapat nating kilalanin ang pandaigdigang kawastuhan ng teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao at ang mayamang praktika ng karanasang batayan nito. Tinanggap ito ng mga tunay na Marxista-Leninista sa buong daigdig bilang isang mahalagang sangkap ng kasalukuyang Marxismo-Leninismo at ginagamit itong gabay sa paglulunsad ng rebolusyon.

Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, patuloy na nanahak ang mga binubusabos na mamamayan ng Asya, Aprika at Latin Amerika sa landas ng matagalang armadong rebolusyon. Karamihan sa mga naglulunsad ng armadong pakikibaka sa kanayunan ng daigdig ay gumagamit sa istratehikong linya ni Tagapangulong Mao na pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan. Ang suma total ng mga pakikibaka ng mga bansang lumalaban para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa mga kolonya at malakolonya ay nakakatulong sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mga proletaryo sa kalunsuran ng daigdig. Mula sa pangunahing larangan ng pandaigdigang pakikibaka laban sa imperyalismo, tumutulong ang mamamayang Vietnamese, Cambodian at Lao sa paglikha ng kalagayan sa Estados Unidos at iba pang kapitalistang bansa kung saan parami nang paraming mamamayan ang bumabangon laban sa kasamaan ng imperyalismong Amerikano. Ang krisis ng imperyalismo, lalo na nang punong haligi nitong Estados Unidos, ay bunga sa kalakhan ng mga tagumpay ng digmaang bayan.

Na maaaring makapaglunsad ng armadong pakikibaka ang mga mamamayan ng Asya, Aprika at Latin Amerika na hindi na maghihintay pa ng "rebolusyonaryong kalagayang" angkop sa insureksiyong lungsod sa mga kapitalistang bansa ay isang patotoo sa teorya ni Lenin na hindi parepareho ang antas ng pag-unlad ng imperyalismo at wasto namang pinaunlad ni Tagapangulong Mao sa teorya at praktika. Ang pinakamahinang kawing ng imperyalistang kapangyarihan ay nasa kanayunan ng daigdig gaya ng nasa kanayunan din ng isang malakolonyal at malapiyudal na bansa ang mga ito. Ang kanayunang ito ay nagbibigay sa mamamayan ng malawak na lugar ng maniobrahan at hindi ito lubus-lubusang masasakop ng kaaway gaya ng pagsakop nito sa kalunsuran, lalo na sa yugto ng istratehikong opensiba. Hangga't hindi pa hinog ang kalagayan para sa pag-igpaw sa mga lungsod, ang mga ito ang pinakaligtas na sentro ng kapangyarihang pampulitika at pangkabuhayan ng kaaway.

Itinuturo sa atin ni Tagapangulong Mao:

Yayamang ang mga pangunahing lungsod ng Tsina ay matagal nanghawak ng mga makapangyarihang imperyalista at ng mga kaalyadonilang reaksiyunaryong Tsino, obligado ang mga rebolusyonaryongpuwersa na gawing maunlad at konsolidadong baseng pook ang mgaatrasadong nayon, ang gawin ang mga iyon bilang tanggulang militar,pampulitika. pangkabuhayan at pangkultura ng rebolusyon sapakikipaglaban sa mga buhong nilang kaaway na ginagamit angkalunsuran sa pag-atake sa distrito sa kanayunan, at unti-untingipagwagi sa ganitong paraan ang ganap na tagumpay ng rebolusyon sapamamagitan ng matagalang pakikibaka; kailangan natin itong gawinkung ayaw nating makipagkutsabahan sa imperyalismo at sa mgaalipuris nito, manapa'y determinadong patuloy na makibaka, at kunggusto nating palakasin at hasain ang ating puwersa at umiwas sa mgamapagpasiyang pakikipagsagupa sa malakas na kaaway samantalangmahina pa ang ating lakas.

Ang lakas ng loob ng pipitsuging rebisyunistang si Pomeroy na sabihing walang pandaigdigang importansiya ang teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao at ang rebolusyong Tsino ay hindi man lamang maaaring gawing "modelo para sa Asya." Tahasan niyang sinabi:

Sa katunayan, bihira sa mga nagtagumpay na pakikibakang gerillyaang sumunod sa gayong paraan (ng pagtatayo ng mga napalayang purokat pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan), taliwas sa malaganapna paniniwala at sa sinasabi ng mga lider Tsino mismo na ito angmodelo.

Nilibak rin niya ang teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao na umano'y "taliwas" sa pundamental na konsepto ng internasyunalismo ayon sa Marxista-Leninistang teorya dahil, aniya, hindi nito kinikilala ang "alyansa ng mga sosyalistang bansa at uring manggagawa" at ng mga rebolusynaryong puwersa sa mga kapitalistang bansa at mga pambansang kilusang mapagpalaya sa mga kolonya at malakolonyang bansa. Sa lalong pag-uulol ng kanyang pang-aalipusta, sinabi niyang lalong "nagiging matingkad" ang "di-Marxistang paglalahat" ng teorya at istratehiya ni Tagapangulong Mao kapag inilalapat iyon sa pandaigdigang prinsipyo. Buong kasinungalingan niyang ibinando na "ibinasura" sa Vietnam ang teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao ng "tatlong-panig na pagkakaisa ng mga kilusang mapagpalaya, mga sosyalistang bansa at mga rebolusyonaryo at progresibong kilusan sa mga kapitalistang bansa."

Sa paggigiit na walang pandaigdigang importansiya ang rebolusyong Tsino, sinamba ni Pomeroy ang Rebolusyong Oktubre bilang ang tanging pandaigdigang modelo ng armadong rebolusyon. Umabot pa siya na sukdulang pagsabungin ang Rebolusyong Oktubre at ang Rebolusyong Tsino, si Lenin at si Mao Tsetung, at ang Leinismo at ang Kaisipang Mao Tsetung, imbes na kilalanin ang pagpapatuloy ng kaunlaran at ang iba-ibang yugto ng pag-unlad. Baka bumangon si Lenin sa kanyang libingan dahil sa pagkaladkad ng isang buhong na rebisyunista sa kanyang pangalan laban sa Marxismo-Leninismo.

Gustong patayin ng anti-Marxista at anti-Leninistang si Pomeroy ang sigla ng Marxismo-Leninismo at ang patuloy na pag-unlad ng teorya at praktika nito. Sa pagpapakitid sa kahulugan ng "rebolusyonaryong kalagayan," na pinalalabas niyang iyon lamang mga kalagayang kinapalooban ng Rebolusyong Oktubre, ang mga kalagayang nagpahintulot sa kagyat na pagsakop ng kalunsuran sa isang imperyalistang bansa pagkatapos ng matagal na pakikibakang legal, ganap niyang tinalikuran ang katotohanang ang pandaigdigang rebolusyong proletaryo ay ipinaglaban sa iba't ibang kalagayan, nagdaan sa iba't ibang yugto ng pag-unlad at nagdulot ng pagbabago sa daigdig kung kaya umiiral na ang isang rebolusyonaryong kalagayan sa buong kontinente ng Asya, Aprika at Latin Amerika pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at higit na mainam na ngayon ang pandaigdigang rebolusyonaryong kalagayan. Gayon na lamang ang pagsulpot ng mga paborableng kalagayan para sa rebolusyon sa mga kanayunan ng daigdig na puwede nang makapaglunsad at makaabante sa matagalang digmaang bayan ang maliliit at mahihinang bansa rito hanggang sinusunod nila ang teorya at istratehikong linya ni Tagapangulong Mao.

May isang batayang pagkakaiba na dapat kilalanin sa pagsasaalang-alang sa mga rebolusyonaryong puwersa. Dito ang tagal ng legal na pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka ay kailangan at wasto basta may desisyon ang mga puwersa na maglunsad ng armadong pakikibaka; malaking kapinsalaan ang ibubunga sa rebolusyonaryong puwersa kapag hindi nila naagaw kaagad ang mga lungsod. Dito kailangan at wasto ang matagalang pakikibakang legal bilang pangunahing anyo ng pakikibaka hanggang naglulunsad ng gawaing pang-idolohiya at pampulitika para ihanda ang proletaryo sa armadong pag-agaw sa kapangyarihan. Subalit, sa kanayu- nan ng daigdig kung saan ang mamamayan ay duaranas ng sapin-saping pambubusabos ng imperyalismo at ng lokal na reaksiyon, mas mainam para sa rebolusyonaryong puwersa ang maglunsad ng matagalang digmang bayan sa malawak na teritoryo ng kanayunan. Ito ay pagsunod sa teorya ni Lenin na hindi parepareho ang antas ng pag-unlad ng imperyalismo at sa Marxista-Leninistang paraan ng pag-atake sa kaaway sa pinakamahinang parte nito. Ang rebolusyong proletaryo sa kalunsuran ng daigdig ay nakasalalay sa pambansang demokratikong rebolusyon sa kanayunan ng daigdig sa puntong ang armadong pakikibaka sa kanayunan ng daigdig ay tiyak na makatutulong na mapabilis ang pagkahinog ng rebolusyonaryong kalagayan sa kalunsuran ng daigdig.

Nag-uulol ang galit ni Pomeroy sa pandaigdigang importansiya ng rebolusyong Tsino na itinanggi niya ang kahalagahan kahit para sa mga mamamayang Asyano. Ibinatbat niya na ni hindi "huwaran ng mga Asyano" (isang terminong pinauso ng mga akademistang burges) ang rebolusyong Tsino sa pamamagitan ng pagtalakay sa "mga partikular na kalagayan" at sa "iba't ibang anyo" ng armadong pakikibaka sa Asya upang paghiwahiwalayin ang mga ito at ganap na maibukod sa rebolusyong Tsino. Sa paggamit sa empirisistang paraan ng pagsusuri, tinangka ng kontra-rebolusyonaryong ideyalistang ito na alisan ng kanikanilang pandaigdigang importansiya ang iba't ibang armadong pakikibaka sa labas ng Tsina. Sa pagpupumilit na maihiwalay ang rebolusyong Tsino, pinaghiwahiwalay din ni Pomeroy ang mga rebolusyonaryong kilusan ng bawat bansa at itinaas ang itim na bandila ng pagmamalaki sa sarili sa halip na itaguyod ang pagsasanib ng Marxista-Leninistang teorya at kongkretong kalagayan ng isang bansa. Palsipikado ang anumang pagpuna sa dogmatismo kapag ginagamit lamang itong kasangkapan para maisulong ang empirisismo. Ang empirisismo ni Pomeroy ay madaling nauwi sa pagpupunyaging alisan ng pandaigdigang importansiya maging ang Rebolusyong Oktubre bagaman minsan ay pomupustura siyang dogmatikong iginigiit na gawing prinsipal na anyo ng armadong pakikibaka sa Asya, Aprika at Latin Amerika ang mga pag-aalsa sa kalunsuran.

Walang lubay sa kanyang kontra-rebolusyonaryong rebisyunistang pananaw, binaluktot ni Pomeroy ang kasaysayan ng Vietnam. Hinabi niya ang alamat na ang pambansang kilusang mapagpalaya ng mamamayang Vietnamese na pinamunuan ni Kasamang Ho Chi Minh ay bigla na lamang nahulog mula sa langit at bumaba sa Hanoi upang itatag ang Demokratikong Republika ng Vietnam sa pamamagitan ng aklasang lungsod. Ang totoo niyan, kinailangan ng mga rebolusyonaryong puwersang ito na maglikom ng lakas mula sa mamamayan ng kanayunan bago sila nakapaglunsad ng anumang pagbabangon sa kalunsurang kontrolado ng mga pasistang Hapones. Sa kalakhan, ang lakas na iyon na nahubog mula sa masang magbubukid ay kinailangan pang dumaan sa pagsubok ng armadong pagsalakay ng kolonya- listang Pranses at mga kaalyado, pagkatapos mapalaya ang Hanoi. Kahit ngayon ang mamamayang Vietnamese at ang mga mamamayan ng buong Indotsina ay higit na umaasa sa kanilang lakas sa kanayunan para bakahin ang imperyalismong Amerikano, ang pinakamalakas at pinakamabangis na imperyalistang mananalakay.

Malinaw na makikita ang impluwensiya ni tagapangulong Mao sa pahayag na ito ni Vo Hguyen Giap:

Samantalang ang uring manggagawa ang uring namumuno sarebolusyon, ang uring magbubukid ang pangunahing puwersa ngrebolusyon, na tigib ng diwang anti-imperyalista at anti-piyudal.Higit pa rito, sa paglulunsad ng Digmaang Laban sa Pananalakay, sakanayunan kami umasa sa pagtatayo ng aming mga base na siya naminglunsaran ng aming pakikidigmang gerilya para makubkob ang mga kaaway sa kabisera hanggang sa mapalaya ang mga kabisera.

Sa pagtatangkang mapalabas na "isa lamang sa gayong bagay" ang teorya at istratehikong linya ni Tagapangulong Mao at walang halaga para sa buong Asya, Aprika at Latin Amerika, kung anu-anong kabulastugan ang pinalaganap ni Pomeroy, kung anu-anong mga tahasang anti-komunistang pahayag ang kanyang binitiwan at tulad ng isang intrigero, itinuring niya na mas superyor ang mga kasalukuyang inilulunsad na armadong pakikibaka, na sa katunayan naman ay ginagabayan ng istratehikong linya ni Tagapangulong Mao na pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan, kaysa doon sa mga nagtagumpay at napatatag na.

Ikinalulugod ni Pomeroy ang hindi paggamit sa mga tagubilin ni Tagapangulong Mao hinggil sa digmaang bayan ng lideratong Jose-Jesus Lava noong 1950 kahit inamin niya (ano pa ba ang magagawa kundi aminin) na nabigo ang "kaliwang" oportunistang lideratong ito. Kaya lang, dahil gago nga, ipinalalagay niyang dapat na sagadsarang nilabag ng armadong pakikibakang iyon ang teorya ng Digmang Bayan ni Tagapangulong Mao upang nagwagi sana. Ibinatbat pa niya na nanalo sana ang lideratong Jose-Jesus Lava kung hindi gumampan ng pangunahing papel sa armadong pakikibaka ang Partido Komunista. Inihalimbawa niya ang pangyayaring hindi ang Marxismo-Leninismo at ang Partido Komunista ang namuno sa armadong pakikibaka sa Algeria at sa Cuba.

Tungkol sa Aprika, ani Pomeroy:

Kasaysayan sa nakararaming bansang Aprikano ang pagtatayo ngpartido ng uring manggagawa, na walang proletaryo at alyansangmanggagawa-magbubukid o mga radikal na grupog petiburges salideratong hindi naman mula sa mga kalagayang ito.

Isang Aprikang ganap na hiwalay sa makabagong sibilisasyon ang gustong mailarawan ni Pomeroy, na hindi alintana ang mahabang panahong pagiging kolonya ng kontinenteng ito ng mga imperyalistang kapangyarihan. Ang isa pang bagay na ginawa niya para maibasura ang rebolusyong Tsino at si Tagapangulong Mao ay ang ipahiwatig na walang matututuhan sa kanila ang mamamayang Aprikano. Sa katunayan, mas nagpupugay siya ngayon kina Amilcar Cabral ng Partido Africano da Independencia da Guine e Cabo Verde at Eduardo Mondlane ng FRELIMO kaysa sa mga lider ng mga matagumpay na rebolusyon at patungo na sa sosyalistang rebolusyon sa ilalim ng isang malinaw na lideratong Marxista-Leninista.

Sinikap ni Pomeroy na mabansagang "di-Marxista" ang wastong mga ideya ni Tagapangulong Mao na pumatnubay sa rebolusyong Tsino sa bawat tagumpay. Kontra-rebolusyonaryong ideyalista lamang ang magtatakwil sa mga tagumpay ng pambansang demokrtikong rebolusyon at sosyalistang rebolusyon sa Tsina sa ilalim ng pamumuno ni Tagapangulong Mao. Suriin natin nang bahagya ang pinaggagawang kabulastugan ng ulol na rebisyunistang ito sa kasaysayan ng Tsina. Sa hangaring mabaligtad ang mga kaganapang hinusgahan na ng kasaysayan ng Tsina, sinabi ni Pomeroy tungkol sa mga insureksiyon sa kalunsuran noong 1927 sa Tsina:

Nabigo ang mga ito hindi dahil sa hindi angkop sa Tsina ang mga prinsipyo ng isang rebolusyon na ang insureksiyon sa kalunsuran ay gumaganap ng pangunahing papel kundi dahil sa hindi pareparehong antas ng pag-unlad ng rebolusyong Tsino at ng alyansang manggagawa-magbubukid nito at dahil sa pagtaliwas sa mga insureksiyunaryong prisipyo (ang Canton Commune, halimbawa, ay mas hawig sa Paris Commune kaysa sa insureksiyong Oktubre sa Petrograd at Moscow).

Ganap na binalewala ng tunggak na rebisyunistang ito ang malakolonyal at malapiyudal na kalagayan ng Tsina na sakop din ng batas na hindi pantay na pag-unlad ng mga rebolusynaryong puwersa. Ipinagpipilitan niya na angkop din noon sa Tsina ang mga insureksiyong lungsod kung dogmatiko lamang kinopya ang Rebolusyong Oktubre, at hindi ang Paris Commune. Subalit, hindi siya nag-abalang ipaliwanag pa kung ano ang mga pagkakaiba ng Paris Commune at ng insureksiyong Oktubre, kung alin-aling pagkakaiba ang sa palagay niya ay mas mahalaga kaysa sa pagkakaiba ng mga kapitalistang bansa sa mga malapiyudal na bansa. Ang pagkakamali ng mga pag-aalsang lungsod sa Tsina noong 1927 ay ang paglaban hanggang kamatayan sa mga siyudad at ang pagsandig sa suporta ng ibang bansa. Tumama lamang sila sa puntong inihudyat nila ang armadong paglaban sa mga reaksiyunaryong Kuomintang. Ang landas tungo sa kanayunan at sa mga kabundukan ng Chingkang ay wastong ipinakita ni Tagapangulong Mao.

Para mamaliit ang umaasa-sa-sariling mga rebolusyonaryong pagpupunyagi ng mamamayang Tsino sa paggapi sa imperyalismong Hapones at sa mga reaksiyunaryong Kuomintang kasunod niyon, itinuring niyang "mahalagang salik" sa panghuling matagumpay na opensibang inilunsad ng Pulang Hukbong Tsino ang mga kagamitang militar na umano'y inintrega ng Pulang Hukbong Sobyet galing sa mga imperyalistang Hapon sa Manchuria. Pero ganap niyang binalewala ang katotohanang bagaman mayroong koordinasyon ang Pulang Hukbong Tsino at Pulang Hukbong Sobyet, ang pangunahing suporta ng mga tagumpay militar ay ang matiyagang paggampan ng gawaing masa at ang matagalang armadong pakikibakang inilunsad ng Partido Kumunista ng Tsina at ng mamamayang Tsino sa pook na iyon. Dapat ding ipagdiinan na ang mga sandatang nasamsam sa mga imperyalistang Hapones ay higit na naintrega sa Kuomintang. Sa ilalim ng wastong pamumuno ni Tagapangulong Mao, parehong nagawang palayain ng sambayanang Tsino ang hilaga at ang timog na bahagi ng kanilang bansa sa sarili nilang pagpupunyagi at pagsisikhay.

Sapagkat ipinalalagay niyang dapat umasa nang malaki ang bawat mamamayang nakikibaka para sa pambansang kalayaan sa materyal na tulong ng ibang bansa, ibinatbat ni Pomeroly na walang diwa ng internasyunalismo ang teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao. Ang pagpapalaganap ng wastong teorya at ang pagbaluktot sa mg anti-imperyalistang patakaran at pagkilos ng isang sosyalistang bansang tulad ng Tsina ay isang mahalagang suporta sa mga binubusabos na mamamayan ng daigdig. Mahusay ding ginampanan ng Tsina ang tungkulin nitong magkaloob ng materyal na suporta sa iba't ibang rebolusyonaryong kilusan at mga anti-imperyalistang bansa. Gayunman, matibay na pinanghawakan ng Tsina ang prinsipyong kayang palayain ng mamamayan ang kanilang bansa nang higit na umaasa sa sarili. Tungkol sa rebolusyonar- yong pakikibaka ng mga Vietnamese laban sa pananalakay ng imper- yalistang Amerikano, nagsilbing isang maaasahang likurang base ang Tsina at puspusan itong nagkaloob ng malaking kailangang suporta para sa mamamayang Vietnamese. Sa kabilang banda, pakitang-taong suporta lamang ang ibinigay ng mga taksil na rebisyunistang Sobyet sa Vietnam para magamit lamang iyon bilang kartada sa pakikipagtawaran sa imperyalismong Amerikano sa ngalan ng mamamayang Vietnamese, sa pagsabotahe sa rebolusyong Vietnamese at sa paghahasik ng intriga sa mga rebolusyonaryong puwersa. Hindi nakisali ang Tsina sa tinatawag ni Pomeroy na "alyansa ng mga sosyalistang bansa," isang pagsasanib ng mga tunay na sosyalistang bansa at palsipikadong sosyalistang bansa, para sumuporta sa pakikibaka ng mamamayang Vietnamese. Sapat na ang bilateral na ugnayan ng Tsina at Vietnam para magampanan nang isa't isa ang kanikanilang internasyunalistang tungkulin.

Ngayong ang digmaang pananalakay ng Amerikano sa Vietnam ay lumalaganap na sa buong Indotsina, ang nakita nating ganap na nalusaw ay ang mga pagpapanggap ng sosyal-imperyalismong Sobyet, hindi ang teorya ng digmaang bayan ni Tagapangulong Mao at ang istratehikong linyang pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan. Garapal na sinuportahan ng sosyal-imperyalismong Sobyet ang reaksiyunaryong pangkating U.S.-Lon Nol sa Cambodia, kinatigan ang pananalakay ng Amerikano sa mamamayang Lao at patuloy na pakitang tao at huwad na suporta lamang ang ipinagkaloob sa Demokratikong Republika ng Vietnam. Gaya nang naipakita na, talagang gustong magamit ng sosyal-imperyalismong Sobyet ang pakikibaka ng mamamayan ng Indotsina laban sa pananalakay ng Estados Unidos at para sa pambansang katubusan para makakuha ng pabor sa imperyalismong Amerikano. Subalit ibayong nananatiling matatag na nagkakaisa ang mamamayang Indotsino sa pakikibaka para kanilang paglaya sa mga mananalakay na imperyalistang Amerikan o at mga reaksiyunaryong alipuris nila.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.