Kasong Impeachment, tumitibay
TUMIBAY ANG MGA batayan para patalsikin si Rodrigo Duterte bilang presidente sa pamamagitan ng impeachment dulot ng pagpapahintulot niya sa China na mangisda sa teritoryong dagat ng bansa.
Idinadahilan ni Duterte ang “berbal na kasunduan” nila ni Xi Jinping, presidente ng China, na nabuo nang bumisita siya sa China noong 2016. Napagkasunduan diumano nila na papayagan ang mga mangingisdang Chinese na mangisda sa karagatan ng Pilipinas.
Sa “berbal” na pakikipagkasundo ni Duterte, muli niyang ipinamalas ang pag-abuso sa kapangyarihan at pagdedesisyon. Malinaw itong paglabag sa konstitusyong 1987 at matibay na batayan para sa kanyang impeachment. Ginagamit niyang dahilan ang “usapan” para bigyang-matwid ang pagtangging pagbawalan ang China na dambungin ang rekursong dagat ng Pilipinas at itaguyod ang kautusan ng konstitusyong 1987 na proteksyunan ang mga rekurso ng Pilipinas na nasa loob ng eksklusibong sonang pang-ekonomya nito.
Ngayon pa lamang, mabilis nang nasasaid ng mga barkong pangisda ng China ang mga rekurso sa Recto Bank dahil sa kanilang modernong mga kagamitan, kumpara sa mababang uri na mga bangkang pangisda ng mga Pilipino.
Sinusubsidyuhan ng China, at maging ng Vietnam, ang kanilang mga mangingisda para pumalaot sa South China Sea.