Magkasamang lumaban, panawagan ng LGBT

,

“RESIST TOGETHER!” (Magkasamang lumaban!) Ito ang tema at panawagan ng mga lesbyan, bakla, bisexual at transgender o LGBT at kanilang mga tagasuporta sa rali sa Maynila noong Hunyo 28. Itinaon ang rali sa paggunita sa ika-50 taong paglaban ng mga bakla sa tinaguriang Stonewall Riots sa New York City noong 1969 at sa unang Pride March sa bansa na pinangunahan ng organisasyong Progay noong 1994.
Pinangunahan ng grupong Bahaghari ang protesta, kasama ang mga grupo ng mga magsasaka, taong simbahan at iba pa. Nangunguna sa kanilang panawagan ang pantay na karapatan sa anumang uri, kasarian at lahi, at ang kanilang karapatang sibil na magpakasal. Dala-dala rin ng grupo ang panawagan laban sa kontraktwalisasyon, mga atake sa magsasaka sa kanayunan at para sa pambansang soberanya.
Inspirasyon ng Bahaghari ang pag-aklas ng mga aktibista ng Stonewall sa kanilang pakikibaka. Matapos ang mga labanan sa panahong iyon, nabuo ang mga organisasyon ng bakla na kumundena hindi lamang sa diskriminasyon sa kanila kundi pati sa rasismo. Aktibong sumuporta ang mga organisasyong ito sa mga pambansang kilusang mapagpalaya sa malakolonyang mga bansa.
Ang taunang martsa ay hindi lamang selebrasyon ng mga tagumpay ng mga LGBT na lumaban, kundi pagpapatuloy din ng kanilang protesta. Ang kulay na bahaghari ang simbolo ng LGBT.
Nagpahayag ng suporta si Prop. Jose Ma. Sison sa martsa. Aniya, napapanahon ang napiling tema na nagbibigay diin sa kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng LGBT, kapwa sa kasaysayan at sa kasalukuyan. Napapanahon din ito dahil kinakaharap ng mga Pilipino ang isang kontra-bakla at kontra-kababaihang rehimen.
Mahalaga ang pagkilala ng sama-samang pagkilos ng LGBT para sa kanilang mga karapatan bilang sektor at bilang bahagi ng inaaping mga uri. Ito ay para labanan ang paggamit ng mga mapagsamantalang gubyerno at estado sa lakas ng LGBT.
Sa nakaraan, kapansin-pansin ang paggamit ng mga pagdiriwang para sa komersyal na pakinabang nito sa pagpapalapad ng merkado.

Magkasamang lumaban, panawagan ng LGBT