Konteksto ng G20 Osaka

,

Pandaigdigang produksyon, bumabagal

Ginanap ang kumperensyang G20, ang taunang pagpupulong ng mga imperyalista at kapitalistang bansa, sa Osaka, Japan noong huling mga araw ng Hunyo. Inilunsad ito sa gitna ng istagnasyon ng sistemang kapitalista at papaigting na gera sa kalakalan sa pagitan ng US at China.
Nagtapos ang pagpupulong nang walang malinaw na naabot ang mga lider ng kapitalistang bansa para pasikarin ang sumasadsad na pandaigdigang ekonomya at mabigyan ng solusyon ang matumal na produksyong industriyal sa gitna ng sobrang produksyon ng mga batayang materyal.
Hindi rin umusad ang pagresolba sa gera sa kalakalan. Sa hiwalay na pagpupulong, nagkasundo lamang sina Donald Trump, presidente ng US, at Xi Jinping, presidente ng China, na pansamantalang itigil ang palitan ng mga sangksyon at muling pabweluhin ang negosasyon. Ito ay matapos magpahayag si Trump ng intensyong magpataw ng dagdag na taripa sa mga produktong Chinese na nagkakahalaga ng $300 bilyon.
Sa gayon, patuloy na sisidhi ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang bansa habang lalupang nababaon sa papatinding krisis ang mundo.

“Slowbalisasyon”
Noong Abril 2019, naglabas ng ulat ang World Bank na nagsabing “bumabagal” ang paglaki ng pandaigdigang ekonomya. Tinawag itong “slowbalisasyon” ng ilang ekonomistang burges para idiin ang diumano’y pagsadsad ng globalisasyon mula pa 2008. Sa aktwal, inilalarawan lamang nito ang istagnasyon ng sistemang kapitalista.
Hindi naabot ang tinataya ng World Bank na paglawak ng pandaigdigang ekonomya nang 3.9% sa taong 2018 at 2019. Mula sa 4% na pag-unlad noong 2017, bumagal ito tungong 3.6% noong 2018 at inaasahang bababa pa tungong 3.3% ngayong taon. Tataas pero hindi na ulit lalampas sa 3.6% ang pandaigdigang ekonomya sa 2020.
Kabilang sa mga ibinigay na dahilan ng World Bank ang pagsadsad ng ekonomya ng China dulot ng kinakailangang mga patakaran sa pinansya, kabilang ang pagrenda sa walang regulasyong pagbabangko, gera sa kalakalan sa pagitan nito at US, paghina ng kalakalan at pamumuhunan sa loob ng European Union, at pangkalahatang pagtumal ng demand, laluna sa Asia.
Liban sa US, bumaba ang industriyal na produksyon, pangunahin sa mabibigat na industriya. Matarik ang pagbagsak ng tantos ng kalakalan laluna matapos patawan ng US ng matataas na taripa ang mga kalakal mula sa China.

Sobrang produksyon
Ang pagtumal ng produksyon ay nagdulot ng pagbagsak ng presyo ng mga batayang komoditi tulad ng langis, batayang metal at pagkain—mga komoditi na dati nang sobra ang produksyon.
Mula sa $81/bariles noong Oktubre 2018 (pinakamataas sa apat na taon), bumagsak tungong $61/bariles ang presyo ng krudong langis pagsapit ng Enero. Sandaling tumaas ang presyo nito noong Oktubre 2018 dulot ng pagbabawal ng US sa pag-angkat ng langis mula sa Iran. Mabilis itong bumaba sa parehong buwan dulot ng sobrang produksyon ng langis sa US at pagsuway ng mga bansa sa panggigipit ng US sa Iran.
Tanging Venezuela lamang ang nabawasan ang produksyon dulot ng mabibigat na sangksyon ng US laban dito at tuluy-tuloy na pakikialam sa pulitika. Sobra rin ang suplay ng natural gas at karbon dala ng matumal na demand at mas mababang presyo ng langis.
Sa kaso ng mga batayang metal, sobra-sobra ang produksyong ng iron, tanso, aluminum, nickel at cobalt. Nahahatak lamang pataas ang presyo ng iron dulot ng mga aksidente at trahedya sa pagmimina nito na nakaantala ng suplay (o supply disruptions, ayon sa World Bank.) Sa kaso ng nickel, isa ang Pilipinas sa nagtala ng sobra sa inaasahang produksyon noong nakaraang taon. Bumaba ang produksyon ng bansa sa 2017-2018 dulot ng pagbabawal ng noo’y kalihim ng Department of Environment and Natural Resources na si Gina Lopez sa open-pit mining sa rehiyon ng Caraga. China ang pinakamalaking tagakonsumo ng mga metal.
Sa kaso ng pagkain, sobra-sobra ang produksyon ng mga butil (bigas, trigo, soya at iba pa) sa US at Russia kung saan parehong malaki ang subsidyong ibinibigay sa sektor ng agrikultura.

Pagbagal sa mga sentro ng kapitalismo
Bumagal ang pag-unlad ng mga ekonomya ng malalaking sentro ng kapitalismo. Sa US, isa sa mga idinadahilan sa pagbagal ang matumal na paggasta ng gubyerno dulot ng ilang beses na pagkaantala ng pagpapasa sa pambansang badyet.
Nasa sentro ng labanan sa badyet ang pagtanggi ng partidong Democrat (kalaban ng mga Republican na partido naman ni Trump) na paglaanan ng pondo ang konstruksyon ng higanteng pader sa pagitan ng US at Mexico. Ipinangako ni Trump sa kanyang kampanya para pigilan diumano ang walang sagkang migrasyon ng mga Mexican at iba pang nasyunalidad gamit ang lagusang ito.
Sa Europe, patuloy na iniinda ng ekonomya ng United Kingdom ang kawalang-katiyakan ng pamumuhunan at mga negosyo paglabas ng bansa sa European Union, may kasunduan man para sa Brexit o wala. Sa Germany, tumumal ang benta ng mga produktong pangkonsumo, humina ang produksyong industriyal at bumaba ang demand para sa mga iniaangkat nito. Noong Hunyo, nagbanta ang US na patawan ng taripa ang iniluluwas nitong mga sasakyan, ang pangunahing eksport ng bansa. Sa France, tumirik ang ekonomya matapos mapaatras ng mamamayan ang panukalang itaas ang buwis sa langis sa mga protestang tinaguriang “Yellow Vest.”
Nananatili namang nasa resesyon ang Japan sa kabila ng naitalang bahagyang pag-unlad (1%) sa GDP nito dulot ng mga hakbang sa pinansya na isinasagawa ng gubyerno.

Konteksto ng G20 Osaka