Ulat sa karapatang-tao sa pangalawang kwarto ng 2019
Ang ulat na ito ay halaw sa mga ibinalita ng Ang Bayan na mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at iba pang mga armadong elemento ng reaksyunaryong rehimeng US-Duterte sa buong bansa nitong ikalawang kwarto ng 2019.
SA INISYAL NA tala ng Ang Bayan, umaabot sa 191 o dalawa kada araw ang naging biktima sa iba’t ibang tipo ng paglabag ng rehimeng Duterte sa karapatang-tao mula Abril 1 hanggang Hunyo 31.
Sa abereyds, may isang pinapatay at tatlo ang iligal na inaaresto kada limang araw. Kada araw naman ay may isang pinagbabantaan, ginigipit o tinatakot.
Pagpaslang, bigong pagpaslang at tortyur. Umabot na sa 19 ang mga sibilyang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa buong bansa sa nakalipas na tatlong buwan. Sampu ang pinaslang sa Luzon, anim sa Visayas at lima sa Mindanao. Pinakamarami ang pinaslang sa rehiyon ng Bicol (10 biktima). Samantala, nakapagtala rin ang Ang Bayan ng tatlong kaso ng bigong pagpaslang at isang kaso ng tortyur.
Iligal na pag-aresto at arbitraryong detensyon. Sa parehong panahon, umabot na sa 63 ang naging biktima ng iligal na pag-aresto at arbitraryong detensyon. Apatnapu’t isa ang inaresto sa Luzon, 15 sa Visayas at pito sa Mindanao. Pinakamaraming inaresto sa Negros (14) na sinundan naman ng Bicol (13). Samantala, isang sibilyan ang dinukot ng mga pwersa ng estado at hindi pa inililitaw.
Pambobomba, istraping at militarisasyon. Hindi bababa sa limang kaso ng istraping at pambobomba ang naiulat sa ikalawang kwarto ng taon. Dagdag dito ang 39 insidente ng okupasyon at pang-aatakeng militar sa mga komunidad kung saan 26 ang naiulat sa Luzon, 10 sa Visayas at tatlo sa Mindanao. (Nota: Lubhang napakababa ng datos na nakalap sa Mindanao dulot ng panggigipit at masasaklaw na operasyong militar ng AFP sa isla.) Pinakamarami ang naiulat na kaso ng militarisasyon sa Southern Tagalog (18 kaso) na sinundan naman ng Negros at Bicol (8 kaso).
Pagbabakwit. Nagresulta ang mga pang-aatakeng ito sa pagbabakwit ng hindi bababa sa 3,530 indibidwal. Pinakamarami ang mga biktima sa Negros kung saan mahigit 2,000 ang nagbakwit dahil sa panliligalig ng mga sundalo at pulis sa kani-kanilang mga komunidad.
Pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Nakapagtala ng 99 biktima ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Pinakamarami ang naitalang kaso sa Eastern Visayas (63) na sinundan naman ng Bicol (24).