Ayuda at umento, panawagan sa Mayo Uno
Binansagan ng mga manggagawa bilang Pambansang Pagkilos para sa Ayuda ang ika-131 na Pandaigdigang Araw ng Paggawa noong Mayo 1. Dala-dala nila at iba pang demokratikong sektor ang panawagan para sa ₱10,000 ayuda sa lahat ng nawalan ng trabaho, ₱100 kagyat na dagdag sa arawang sahod, at pagpapatupad ng ₱750 na pambansang minimum na sahod. Bitbit naman ng mga manggagawang bukid ang ₱15,000 subsidyo para sa produksyong agrikultural. Sama-sama rin ang sigaw nilang: Duterte resign!
Ang mga pagtitipon ay binahiran ng pananakot, pang-aaresto at panunupil ng mga armadong pwersa ng rehimen sa pagtatangkang pigilan ang mga ito. Kabilang sa mga inaresto sa araw na ito ang 12 indibidwal sa Zambales na kinasuhan ng paglabag sa mga protokol pangkalusugan at 34 manggaagawa at maralita sa Cebu na papunta sa mga sentro ng protesta. Lahat sila ay myembro ng mga organisasyong matagal nang ni-red-tag ng estado. Nagpyansa at napalaya sila matapos ang dalawang araw.
Sa Metro Manila, napilitan ang ilanlibong raliyista na magtipon sa Welcome Rotonda sa hangganan ng Quezon City matapos barikadahan ng mga pulis ang Liwasang Bonifacio at Mendiola sa Maynila. Hinarang din ang 150 indibidwal na papunta sa rali na galing sa Marikina at ang karaban ng Pamantik-KMU sa Calamba, Laguna.
Sa Davao, nailunsad ang kauna-unahang martsa-protesta mula nang ipataw ang mga restriksyon dulot ng Covid-19.
Sa Pampanga, nagmartsa ang mga kasapi ng Workers Alliance-Region 3 tungo sa Plaza Miranda, Angeles City. Aabot sa 1,000 manggagawa naman ang nagtipon sa Crossing, Calamba. Nagkaroon din ng piket sa Los Baños, Laguna; Antipolo, Rizal at Bacoor, Cavite. Mayroon ding mga protesta sa Cebu, Bacolod City, Naga City sa Bicol at Baguio City.
Sa Iloilo, nagtayo ng mga community pantry ang mga aktibista sa iba’t ibang bahagi ng prubinsya bilang paggunita sa Araw ng Paggawa. Sinundan ang mga ito ng mga piket-protesta.