Labanan at pagbayarin ang pagtataksil ni Duterte sa bayan
Habang nagtatagal, lalong nababawasan ang mga karapatan at kalayaan ng Pilipinas sa karagatan at mga likas na kayamanan nito sanhi ng pagmamanikluhod ni Duterte sa China at pagtatraydor sa bayan. Kailangang kailangan na kaagad kumilos ang buong bayan. Bawat araw na lumipas, lalong lumalawak at humihigpit ang kontrol ng China na nagsasamantala sa pagkakataong nakaupo sa poder ang sunud-sunurang si Duterte. Dapat gamitin ng bayan ang lahat ng anyo ng paglaban, mula diplomatiko hanggang armado, para igiit ang angking karapatan ng mga Pilipino.
Hindi lamang walang ginawa si Duterte para bawiin ang mga karagatan ng bansa, pinahintulutan pa niya ang China na itayo ang mahigit pitong malaking pasilidad militar, wasakin ang mga yamang bahura, samsamin ang yamang karagatan at magpakat ng mga armadong sasakyang pandagat at pandigma. Tahasan niyang idineklara na hindi siya tutol sa pangingisda ng China sa West Philippine Sea at nagbulag-bulagan kung paanong ang mga mangingisdang Pilipino ay pinagkakaitan ng huli at itinataboy mula sa dati nilang lugar na pinangingisdaan.
Sa ngalan ng “pagkakaibigan,” nilukot at isinaisantabi ni Duterte ang desisyon ng International Arbitral Tribunal ng Hulyo 2016 na nagpawalang-saysay sa “9-dash line” ng China at kumilala sa mga teritoryong pandagat at exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas alinsunod sa United Nations Convention on the Laws of the Seas. Nilustay niya ang pagkakataong kabigin ang internasyunal na komunidad para labanan ang pang-aapak ng higanteng China sa soberanya ng Pilipinas.
Kasabay ng walang rendang pagyurak sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, ang China ang isa sa dambuhalang nasa likod ng walang habas na pandarambong sa likas na yamang mineral ng bansa. Kinakamkam ng China ang tone-toneladang buhanging may magnetite mula sa mga aplaya at malawak na karagatan at barko-barkong lupang may nickel at iba pang mineral mula sa kabundukan upang isubo sa industriya nito ng asero. Kabilang ang malalaking kapitalista ng China sa pangunahing makikinabang sa Executive Order 130 ni Duterte na nagbibigay-daan sa pagbubukas ng bagong mga minahan na tiyak na maghahatid ng lalong malawak na pagkawasak sa mga bundok, ilog at lupang agrikultural ng Pilipinas.
Sa harap ng tahasang pangyuyurak ng China, itinitikom ni Duterte ang palamura niyang bunganga dahil ayaw niya diumanong sirain ang aniya’y “magandang turingan” ng Pilipinas at China. Gusto niyang lunukin ng mga Pilipino ang panggagahis ng China sa Pilipinas sa pangangatwirang nagbigay naman daw ang China ng bakuna para sa Covid-19. Ang totoo, nakakontrata ang Pilipinas na bumili ng 25 milyong dosis ng Sinovac sa hindi malinaw na presyo.
Naririndi na ang sambayanan sa sirang-plakang linyang palasuko ni Duterte na “wala akong magawa” at sa panakot niyang “wala tayong laban kung gerahin ng China.” Ginagamit niya ang panlolokong ito upang itali sa likod ang kamay ng Pilipinas at pigilan ang bansa na ipagtanggol ang kanyang mga karapatan. Kung tutuusin, dambuhala man at makapangyarihan sa pambabraso sa maliliit na bansa, alangan din ang China na tuluyang gamitin ang armadong dahas laban sa Pilipinas sa takot na iudyok nito at bigyang-matwid ang internasyunal na komunidad na tumulong sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpakat ng mas malalaking barko at kagamitang pandigma sa karagatang nasa bakuran lamang ng China.
Ang palasukong patakaran ni Duterte ay nagpapawalang-saysay sa ginagawang “araw-araw na protesta” at pagpahayag “ipaglalaban ang soberanya” ng ilan niyang upisyal. Siya mismo ang dahilan kung bakit walang hakbang para kunin ang suporta ng United Nations sa hinaing ng Pilipinas. Siya rin ang dahilan kung bakit kalakhan ng pwersa at mga sandata ng AFP ay nakatutok sa kanyang mga kalaban sa pulitika sa halip na sa pagtatanggol ng soberanyang karagatan.
Hindi katanggap-tanggap sa mamamayang Pilipino ang pagyukod ni Duterte sa China. Walang dili’t iba kundi pambansang pagtataksil ang pagpayag niyang angkinin ng China ang teritoryong karagatan ng Pilipinas, at sirain at dambungin ang likas na yaman ng bansa. Tinalikuran niya, sa partikular, ang kapakanan ng mga mangingisdang Pilipino. Tinalikdan niya, sa kalakhan, ang pambansang interes ng buong Pilipinas.
Sa harap ng pambansang pagtataksil ni Duterte, dapat magkaisa at kumilos ang buong bayang Pilipinas bago kamkamin ng China ang mas malaki pang bahagi ng ating karagatan at likas na kayamanan. Dapat buuin ang pinakamalapad na nagkakaisang prenteng patriyotiko para ipagtanggol ang soberanya at patrimonya ng Pilipinas. Dapat batikusin, singilin, patalsikin at pagbayarin si Duterte sa kanyang pagtatraydor. Dapat labanan ang anumang pagtatangka ng China na manghimasok sa pulitika at sa darating na halalan upang tulungan ang pangkating Duterte na manatili sa poder.
Handang makipagkaisa ang Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa lahat ng iba pang nais magtanggol sa interes ng bansa laban sa pangangamkam ng China. Nananawagan ang Partido sa sambayanang Pilipino na ipamalas sa iba’t ibang anyo ng pagkilos ang pagkakaisa at paninindigan na bawiin at ipagtanggol ang karagatan ng bansa laban sa imperyalistang pangangamkam ng China. Dapat ipamalas sa lansangan at iba’t ibang larangan ang determinasyon ng sambayanan na ipagtanggol ang soberanya at yaman ng bansa.
Dapat patuloy na paigtingin ng Bagong Hukbong Bayan ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga armadong pwersa ng estado na inuunang supilin ang mga pwersang patriyotiko at demokratiko subalit nagpapaka-inutil sa harap ng dayong pangangamkam. Dapat patamaan ng mga ambus, reyd at iba pang armadong aksyon ang mga yunit ng AFP na ubod nang lupit sa paniniil sa taumbayan sa kanilang masugid na pagtatanggol sa katrayduran ng gubyernong Duterte.
Ang pagtatanggol sa karagatan at yaman ng Pilipinas laban sa pangangamkam at pandarambong ng China ay bahagi ng nagpapatuloy na pakikibaka ng sambayanan laban sa imperyalistang dominasyon, para wakasan ang katayuang neokolonya ng Pilipinas at kamtin ang tunay na pambansang kalayaan.