Krisis sa trabaho: Lumalaking bilang ng trabahong impormal

,

Taliwas sa pinalalabas ng rehimeng Marcos Jr at mga ekonomista nito, hindi sumisikad ang ekonomya ng Pilipinas matapos ang muli itong buksan noong nakaraang taon. Kasabay ng pagbaba ng tantos ng empleyo ang pagbagsak ng bilang mga manggagawang may pultaym na trabaho. Sa gayon, paparami ang natutulak sa tinatawag na impormal na sektor ng paggawa.

Binubuo ito ng mga self-employed (nag-eempleyo sa sarili), mga nagtatrabaho sa maliliit na sakahan o negosyo, mga katulong, at hindi bayad na mga trabaho sa pamilya. Ang mga manggagawa sa sektor na ito ang tumatanggap ng wala o napakababang sahod, walang katiyakan at walang mga benepisyo. Hindi sila saklaw sa mga batas na namamahala sa lakas paggawa at ipinagkakait sa kanila ang karapatan sa asosasyon at pag-unyon.

Wala silang boses sa mga empresa o subsektor na pinagtatrabahuan nila. Wala silang mga proteksyon sa mga lugar ng trabaho at sa gayon ay bulnerable sa di ligtas at di makataong mga kundisyon sa paggawa, pang-aabuso at sobra-sobrang pagsasamantala at pang-aapi. Di kataka-taka na maraming bata at inaaliping manggagawa ang matatagpuan sa sektor na ito. Sa depinisyon ng International Labor Organization, malayo ang mga trabahong ito sa maituturing na pormal o disenteng trabaho.

Noong Enero, tinatayang nasa 20 milyon o 42.2% ng kabuuang bilang ng mga manggagawang Pilipino ang nasa sektor na ito. Lubhang mas malaki ito kumpara sa bilang noong Enero 2020 na 16.8 milyon. Kung isasama sa bilang na ito ang mga manggagawang iregular sa mga pribadong establisimyento, maaaring umabot pa sa 34.5 milyon o 73% ng kabuuang empleyo sa bansa ang impormal. Ibig sabihin, walang disenteng trabaho ang pito sa bawat 10 manggagawang Pilipino.

Pumapasok ang mga manggagawang ito sa impormal na ekonomya hindi dahil sa kagustuhan nila kundi dahil wala silang mapagpipilian kung gusto nilang sumahod o kumita. Ilan sa kanila ang kumikita nang mas malaki kumpara sa mga regular na manggagawa, tulad ng mga prupesyunal at nakapagtapos ng kolehiyo. Gayunpaman, ang malaking mayorya sa kanila ay lubog sa kahirapan, nakatira sa siksikang mga komundad, walang akses sa disenteng serbisyong panlipunan, walang akses sa dagdag na kapital at madalas na target ng pang-aabuso ng mga awtoridad.

Malaking bahagi ng mga trabahong impormal ay lubos na nakadepende sa kliyente, suki o pamilyang nag-eempleyo. Noong Enero, lumiit nang 746,000 ang bilang ng mga self-employed. Nabawasan din nang 433,000 ang bilang ng unpaid family worker o hindi bayad na mga trabaho sa pamilya. Sa kaso ng huli, madalas na buong nakaasa ang manggagawa sa pamilyang pinagtatrabahuan niya para sa kanyang pagkain at tirahan.

Nagaganap ang paglaki ng impormal na sektor habang lumiliit ang kapasidad ng ekonomya na lumikha ng disente o regular na trabaho. Noong Enero, umabot sa 1.7 milyon ang nawalang trabaho dulot pangunahin ng pagbabawas ng mga empresa at negosyo ng mga manggagawa matapos ang panahon ng Pasko. Kasabay nito, tumaas ang bilang ng mga walang trabaho nang 153,000 at ang mga kulang ng trabaho ng 458,000.

Liban dito, bumaba rin ang bilang ng kalahok sa pwersa ng paggawa mula 51.2 milyon tungong 49.7 milyon (1.5 milyong pagliit). Paliwanag ng Ibon Foundation, sinasalamin ng pagbaba ng bilang ang lumalaking tantos ng mga manggagawang nawalan na ng pag-asang makahanap ng trabaho pero hindi ikinakategorisa na walang trabaho.

Pinakamalaking bilang ng nawalan ng trabaho ang mga nasa sektor ng agrikultura (1.2 milyon), na kinakatangian ng pana-panahong trabaho. Lumiit naman nang 375,000 ang trabaho sa bentahang bultuhan at tingian tungong 10.6 milyon; sa konstruksyon, nabawasan nang 288,000 ang empleyo tungong apat na milyon.

Dagdag dito, pumapatong sa bilang ng mga walang trabaho ang mga gradweyt ng K-12 na hindi tinatanggap bunsod ng kakulangan sa mga rekisitong hinahanap ng mga kumpanya.

Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), lumitaw sa kanilang pag-aaral na ilan sa dahilan ay ang kakulangan ng mga bagong gradweyt sa “soft skills” o abilidad sa pakikipag-kapwa-tao, komunikasyon at emosyon.

Krisis sa trabaho: Lumalaking bilang ng trabahong impormal