Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

 

Raling-iglap para sa NDFP. Nagsagawa ng raling-iglap ang daan-daang myembro ng iba’t ibang grupo sa ilalim ng National Democratic Front of the Philippines noong Abril 19 bilang bahagi ng paggunita sa ika-50 taong anibersaryo ng alyansa. Ginanap ang mabilisang programa sa Cubao, Quezon City. Binasa rito ang pahayag ng Partido na nananawagan ng isang linggong pagparangal sa lahat ng mga martir ng rebolusyong Pilipino sa nakaraang higit limang dekada.

Itigil ang SimReg Law. Sinabayan ng protesta ng mga mamamahayag at aktibista ang pagsasampa ng petisyon para ipatigil ang implementasyon ng Sim Card Registration Law noong Abril 17. Ayon sa isinumiteng petisyon, nilalabag ng batas ang karapatan sa pribasiya ng mga Pilipino at tinatanggal nito ang rekisito na search warrant dahil inoobliga nito ang pagbibigay ng personal na impormasyon ng bawat gumagamit ng SIM. Sa kasalukuyan, halos 60% pa ng mga gumagamit ng selpon ang di nakapagparehistro at nanganganib mapagkaitan ng karapatan sa komunikasyon.

Protesta sa PUP. Nagprotesta ang mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines-Manila noong Abril 17 para obligahin ang administrasyon ng unibersidad na resolbahin ang kawalang-kuryente sa Mabini campus nito. Ginamit ng administrasyon ang kawalang-kuryente para isuspinde ang limitadong face-to-face na mga klase.

 

 

Mga protesta