Pakikibaka para sa lupa sa Tarlac at Negros

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Daan-daang residente sa Negros at Tarlac ang nakikibaka para sa kanilang mga karapatan sa lupa at kagalingan. Sa Tarlac, nagprotesta sa harap ng munisipyo ng Capas ang mga myembro ng Nagkakaisang Mamamayan ng Santa Lucia para sa Lupa, Kabuhayan, at Paninirahan laban noong Abril 13. Nilalabanan nila ang pangangamkam ng lupa na isinasagawa ng Armed Forces of the Philippines at pagsira sa kanilang mga sakahan.

Ginagamit ng AFP ang Bases Conversion Law para agawin ang produktibong mga sakahan at gawin itong bahagi ng firing range ng Camp O’Donell. Noong una’y hanggang 10 ektarya lamang ang sinabing sasaklawin ng ekspansyon ng firing range pero sa loob ng isang linggo, umabot sa 20 ektarya ang hinawan ng mga sundalo. Hinarap ng mga residente ang daan-daang sundalo na ipinadala ng Installation Management Battalion noong Abril 12. Nangangamba silang mapalayas kahit sa kanilang mga tirahan.

Dati nang inirereklamo ng mga residente ang sobrang lapit sa kanilang mga sakahan na firing range. Sa nakaraan, isang kambing at isang kalabaw ang namatay dahil sa ligaw na bala mula rito.

Panawagan ng mga magsasaka sa lokal na gubyerno ng Capas: itigil ang pangangamkam ng lupa, paninira ng mga pananim, bigyan ng kumpensasyon ang sinirang mga pananim at ari-arian at imbestigahan ang mga paglabag ng mga sundalo sa karapatan ng mga residene.

Sa Negros Oriental, daan-daang residente ng Barangay San Francisico, Sta. Catalina, kasama ang meyor ng bayan, mga katutubong Bukidnon, at progresibong organisasyon, ang nagprotesta noong Abril 12 laban sa kumpanya ng mina sa Sityo Tarug ng naturang barangay.

Giit nilang itigil ng Midan Corporation ang mining exploration para sa mga depositong ginto na sumasaklaw sa 1,000 ektaryang lupa sa nabanggit na sityo. Anila, walang pahintulot ang meyor sa mga operasyon nito, at sa aktwal, tutol ang meyor dito na si Mayor Peve Obaniana-Ligan.

Binatikos rin ng mga grupong katutubo ang hindi pagkuha ng kanilang pahintulot sa proyekto. Giit ng Santa Catalina Bukidnon Tribe Association, bahagi ang kagubatan na sasaklawin ng mina sa kanilang lupang ninuno. Dito nabuhay ang kanilang tribu mula sa unang kinilala nilang lider na nagngangalang Tolong. Alinsunod sa batas, dapat ibinigay muna ng mga katutubo ang kanilang Free, Prior, and Informed Consent.

Nagpasa naman ng resolusyon ang mga konseho ng mga barangay na apektado ng mina laban sa mga operasyon nito.

Pakikibaka para sa lupa sa Tarlac at Negros