Pinakamataas na parangal para kina Kasamang Benito Tiamzon at Wilma Austria

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Bilang pinakamataas na pagsaludo sa mga pinuno ng Partido na sila Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon, ipinag-utos ng Pambansang Kumand sa Operasyon ng Bagong Hukbong Bayan at Komite Sentral na magpormasyon at tahimik na isagawa ang 21-gun salute sa pagputok ng araw sa Abril 24, sa okasyon ng ika-50 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines.

Babasahin at tatalakayin ng lahat sa gagawing mga pagtitipon-parangal ang pahayag ng Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral na nagbibigay pugay kina Kasamang Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon (Kasamang Laan at Kasamang Bagong Tao) na inilabas bilang espesyal na isyu ng Ang Bayan noong Abril 20.

Inianunsyo ng Kawanihan sa Pulitika ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Abril 20 ang brutal na pagpaslang ng Armed Forces of the Philippines, sa suporta ng militar ng US, kina Kasamang Benito at Wilma Tiamzon. Sa mahabang panahon, si Ka Benito ay nagsilbing pangulo ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral, habang si Ka Wilma ang pangkalahatang kalihim ng Partido.

Ang mag-asawa, kasama ang walong iba pa, ay karumal-dumal at buong karuwagang pinaslang ng mga mersenaryong tropa sa ilalim ng Joint Task Force Storm at Task Force Trident noong Agosto 21, 2022. Nadakip sila sa Samar habang bumibyahe sakay ng dalawang van sa pagitan ng alas-12 ng tanghali at ala-1 ng hapon.

Sila ay brutal na pinahirapan bago pinaslang. Sa kasunod na araw, isinakay ang mga walang buhay nilang katawan sa isang motorboat at pinahila sa gitna ng dagat sa pagitan ng Catbalogan City at Tarangnan island. Doon ay pinasabog ang bangka para palabasing nagkaroon ng engkwentro sa dagat at pagtakpan ang karumal-dumal na krimen.

Pinakamataas na parangal para kina Kasamang Benito Tiamzon at Wilma Austria