Aktibistang organisador, dinukot sa Negros; kasamang drayber natagpuang patay

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Dinukot ng mga ahente ng estado si Bea Lopez, organisador ng magsasaka, at ang drayber ng sinakyan niyang traysikel na si Peter Agravante sa Sipalay City, Negros Occidental noong Setyembre 15. Ayon sa mga ulat, bumibyahe papuntang Barangay Gil Montilla ang dalawa nang hinarang at sapilitan silang isinakay ng armadong kalalakihan sa isang puting van. Isinakay din sa isang pick-up truck ang sinakyang traysikel ng mga biktima.

Kinabukasan, natagpuan ng residente ang bangkay ni Agravante na itinapon sa tabi ng daan sa Satori Cliff sa Barangay Nagbo-alao, Basay, Negros Oriental. Nakatali ang kanyang mga kamay at paa gamit ang duct tape. Binusalan din ang biktima gamit ang duct tape. Mayroon itong tama ng bala sa ulo.

Samantala, isang abugado at isa pang magsasaka ay naiulat na pinaslang sa nakaraang dalawang linggo.

Sa Abra, binaril sa harap ng kanyang bahay sa Bangued noong Setyembre 14 si Atty. Maria Saniata Alzate, isa sa mga abugado na nagbibigay ng libreng ligal na serbisyo sa mahihirap na may kaso. Pangatlo na siyang abugado na pinatay sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Kinilala si Alzate bilang abugado ng isang kliyenteng nagsampa ng petisyon para sa writ of amparo. Ang kliyenteng ito ay dinukot, tinortyur at iligal na dinetine ng mga pulis sa Bangued, Abra ngayong taon. Sinang-ayunan ng korte ang petisyon at ipinailalim sa imbestigasyon ang anim sa walong pulis na sangkot sa kaso.

Sa Masbate, pinaslang ng tatlong elemento ng estado ang 67-anyos na magsasakang si Naldo Canama sa Sityo Angkay, Barangay Tubog sa bayan ng Cawayan noong Setyembre 7. Ayon sa ulat, lulan ng motorsiklo ang tatlong salarin na bumaril at pumatay kay Canama. Si Canama ang ika-19 na biktima ng pampulitikang pamamaslang sa prubinsya sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Pag-aresto. Inaresto ng mga pulis at sundalo sa gawa-gawang kaso ng pagpatay at tangkang pagpatay ang mga magsasakang sina Judy Blazer, 61, at Junjie Camanso, 30, sa Sityo Mainit, Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental noong Setyembre 10. Pinararatangan silang may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan. Inaresto si Blazer kahit halos hindi na makakita at makapaglakad dahil sa katandaan.

Pambobomba. Labing-isang beses na nanganyon ang 82nd IB at 12th IB sa Barangay Cabatangan, Lambunao, Iloilo noong Setyembre 15. Tumagal ang panganganyon nang dalawang oras kung saan bumagsak ang ibang bala ng kanyon sa halos 100 metro lamang lalaking sa mga kabahayan.

Liban dito, mahigit 200 tropa ng militar ang patuloy na nanghahalughog at naghahasik ng takot sa mga komunidad ng katutubo at magsasaka mula pa noong Setyembre 3 sa mga bayan ng Calinog at Lambunao, Iloilo.

Pamamaril. Naghasik ng takot ang 94th IB sa pagpapaputok nito ng M203 at pagpapaulan ng bala sa Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Agosto 17.

Limang bala ng M203 ang pinaputok ng mga sundalo sa Sityo Cantupa-Pisok, Barangay Buenavista. Naapektuhan nito ang pamilyang Martinez at Mariano sa komunidad, kabilang na ang 11 menor de edad.

Matapos nito, niransak ng mga sundalo ang bahay ng pamilyang Martinez at inokupa ito nang ilang oras. Habang umiiyak ang mga bata sa bahay, sumisigaw ang mga sundalo at nagpaputok pa ng baril. Pinahirapan at tinakot din ng mga sundalo ang mga myembro ng pamilyang Mariano.

Aktibistang organisador, dinukot sa Negros; kasamang drayber natagpuang patay