Panukalang badyet ni Marcos Jr sa 2024: Limpak-limpak na pondo para sa pasismo at kapritso

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa gitna ng labis-labis na paghihikahos ng taumbayan bunsod ng walang tigil na taas-presyo at pagsadsad ng ekonomya, hitik na hitik ang panukalang badyet ng rehimeng US-Marcos sa trilyun-trilyong pondo para palamnan ang bulsa ng iilan, lalo na ang matataas na burukrata at heneral, kasapakat, at kapamilya.

Malaking kasinungalingan ang sinasabi ng rehimen na “makamahirap” ang ₱5.768 trilyong pambansang badyet para sa 2024. Ang totoo, patuloy na tinitipid ng rehimen ang pondo para sa serbisyo at kagalingan ng mamamayan, habang inilalaan ang dambuhalang pondo upang suportahan ang kita ng mga korporasyon at militar. Ang pira-pirasong tulong panlipunan ay pinalalabas na malalaki upang ilihis ang atensyon mula sa kung gaano ito kaliit kumpara sa laki at saklaw ng mga problema sa kasalukuyan.


Badyet para sa todong pasismo

Habang ipinangangalandakan ng rehimen na pinakamalaking bahagi ng panukalang badyet ay mapupunta sa batayang serbisyo, hindi nito maikukubli kung gaano kalaki ang pondong idinagdag sa badyet ng militar.

Pinakamataas ang pagtaas sa badyet sa depensa, na may pagtaas na 21.6% tungong ₱282.7 bilyon mula sa kasalukuyang ₱232.5 bilyon.

Bahagi sa badyet na ito ang ₱50 bilyon para sa “modernisasyon” ng Armed Forces of the Philippines, na may pagtaas na 82% mula sa nakaraang taon. Popondohan nito ang pagbili ng mga gamit-militar, mayorya mga lumang kagamitan mula sa US, tulad ng mga multi-role fighter, radar, barko, sistema ng misayl, helikopter, drone at mga bomba sa susunod na limang taon. Malaking bahagi sa mga ito ay ginagamit laban sa mga sibilyan at kanilang mga komunidad sa kontra-rebolusyonaryong gera ng AFP sa kanayunan.

Laman din ng panukalang badyet ang ₱9.7 bilyong pondo para sa NTF-Elcac, kung saan ang ₱1.08 bilyon ay nakalaan sa pulis at ₱8.64 bilyon ay para sa “Barangay Development Program.” Matagal nang nalantad na ang pondong ito ay dumidiretso sa bulsa ng mga upisyal ng AFP at PNP, at ginagamit din para todong maghasik ng lagim sa masang magsasaka at minorya.

Liban sa mga ito, patuloy na sinisipsip ng mga parasitong retiradong sundalo at pulis ang pondo ng bayan. Para sa 2024, mas malaki ang inilaang pensyon para sa kanila na ₱129.82 bilyon, kumpara sa buong badyet para sa agrikultura na ₱108.5 bilyon lamang.


Pagtitipid sa serbisyong 
panlipunan

Habang binubundat ng estado ang pulis at militar, todo naman ang pagtitipid nito sa pondo para sa serbisyong panlipunan.

Sa susunod na taon, kabi-kabila ang budget cut sa mga batayang serbisyo. Habang sinasabing isa ang Department of Education (DepEd) sa mga tatanggap ng pinakamalalaking taas-badyet, tanging ang mga upisina na direktang nasa ilalim ni Sara Duterte ang makikinabang mula sa dagdag na pondo. Lahat ng iba pang ahensyang nakakabit sa DepEd ay kakaltasan, kabilang na ang National Book Development Board, National Council for Children’s Television, National Museum of the Philippines, Philippine High School for the Arts, Early Childhood Care and Development Council, at National Academy of Sports.

Malalaki rin ang kaltas ng iba pang mga ahensyang nagbibigay ng mga serbisyong pang-ekonomya at panlipunan. Kabilang dito ang Department of Agrarian Reform, Department of Labor and Employment, Department of Health at Department of Migrant Workers.

Malaking dagok ang mararanasan ng sektor ng kalusugan sa 2024, dahil halos ₱10 bilyon ang nakaambang budget cut sa mismong Department of Health pa lamang. Sa kabuuan, umaabot lamang sa ₱481 bilyon ang badyet para sa kalusugan, o 8% ng kabuuang pambansang badyet.

Kabilang sa babawasan ng pondo ang Philippine General Hospital, Lung Center of the Philippines, National Kidney & Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, at Philippine Heart Center.

Maging ang mga “emergency assistance program” ng Department of Social Work and Development na dapat sana’y ayuda sa mga nagigipit na Pilipino ay nakatakdang kaltasan nang halos ₱28 bilyon.

Umaabot din sa 30 state universities and colleges ang may budget cut sa 2024.


Trilyones na pondong pansarili

Mistulang sariling bangko ni Marcos Jr ang pambansang badyet dahil halos kalahati, o 43%, nito ay tuwirang hawak niya. Ibig sabihin, napakadali para sa kanya na ilipat-lipat ang umaabot sa ₱2.5 trilyon sa susunod na taon, kailanman o para sa kahit anumang dahilan.

Matuturing na “pork barrel” ng pangulo ang mga pondong nasa “automatic appropriations,” “special purpose funds” at CIF, dahil una sa lahat, walang kontrol ang Kongreso sa mga pondong ito.

Isang malaking bahagi ng pork barrel ni Marcos ang tinatawag na “Special Purpose Funds” (SPF) o mga bahagi ng budyet na kadalasan ay “lump sum” o buu-buo at walang eksaktong paglalaanan. Para sa 2024, aabot sa ₱733 bilyon ang SPF. Isang malaking maaaring paglaanan ng SPF ang “Miscellaneous Personnel Benefits Fund” (MPBF), na dadagdagan nang tumataginting na 409% mula sa kasalukuyang ₱26.6 bilyon tungong ₱135.7 bilyon sa susunod na taon.

Ayon sa espesyal na probisyon kaugnay sa paggamit ng MPBF, ang naturang pondo ay maaaring gamitin para sa “kakulangan sa mga awtorisadong sahod, bonus, alawans, kaugnay na primyum, at iba pang katulad na mga benepisyo ng mga empleyado ng gubyerno, kabilang na ang mga kinakailangang serbisyo para sa pagpuno at paglikha ng mga pusisyon, at mga pag-aayos sa kumpensasyon, kung maaaring awtorisado ng batas, ng Pangulo ng Pilipinas, o ng DBM.”

Sa todong pagbundat sa MPBF, tinitiyak ni Marcos ang mga sweldo at bonus ng pinakamatataas na upisyal at alipures ng kanyang rehimen, kabilang ang kanyang sarili.

Liban dito, tiba-tiba rin ang mga kasapakat at kaalyado ni Marcos Jr. sa pagpapataba sa panukalang badyet. Nilaanan ng ₱1.418 trilyon ang nakasusuklam na “Build Better More,” ang program para sa imprastruktura na pinaglalawayan ng mga bilyunaryong kasapakat ng kanyang pamilya dahil sa malalaking kikbak mula rito.

Limpak-limpak na pondo para sa pasismo at kapritso