Hawiin ang nakalukob na karimlan ng batas militar

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishWarayIlocoBisayaHiligaynon

Mahigit limang dekada na ang nakaraan, subalit nananatili pa ring nakalukob sa buong bansa ang karimlan ng batas militar na ipinataw ni Ferdinand Marcos Sr noong Setyembre 21, 1972. Lalo pa ngayong kumakapal ang karimlang ito sa harap ng walang pakundangang pasismo at korapsyon ng gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr, anak ng diktador, habang sagad-sagad ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino, pagsadsad ng kanilang kabuhayan at pagyurak sa kanilang mga karapatan.

Garapalan ngayon ang korapsyon ng nangungunang mga upisyal ng rehimeng Marcos-Duterte. Walang silang kinikilalang pananagutan sa taumbayan. Tahasan ang kanilang paghamak, pagbalewala, o pagbabaluktot sa umiiral na batas ng reaksyunaryong sistema. Tulad sa ilalim noon ng diktadurang Marcos, ang “demokrasya” sa ilalim ni Marcos Jr ay isa lang mumurahing palamuti sa kanyang kapangyarihang walang kinikilalang hangganan.

Hawak ngayon ng pangkating Marcos-Duterte ang buong makinarya ng gubyerno. Ginagamit nilang pangunahing instrumento ng pagkontrol sa lipunan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) at ang mga brutal, madudugo at tahasang iligal na taktika ng paninindak at panunupil sa taumbayan. Ginagamit nito ang National Task Force-Elcac, na unang itinatag ni Rodrigo Duterte, upang ipailalim sa mahigpit na kontrol ang lahat ng ahensya ng gubyerno, gamit ang bantang maakusahan na tumutulong sa “terorismo.”

Lahat ng sangay at ahensya ng reaksyunaryong gubyernong Marcos ay tagasunod lamang sa kanyang mga dikta. Sakmal ng supermayoryang maka-Marcos at maka-Duterte ang kongreso, kapwa ang senado at ang mababang kapulungan. Ang boses ng sandakot na minoryang mga oposisyunista ay pilit na nilulunod ng mga utusan ni Marcos at Duterte, upang isagasa anuman ang gusto ni Marcos at ni Duterte.

Mula nang maupo sa poder, may ilang kaso na laban sa mga Marcos ang ibinasura ng Korte Suprema at ibang korte na kasangkot ang halos ₱1.7 bilyong nakaw na yaman.

Sa ilalim ng paghahari-harian ng anak ng diktador na si Marcos Jr, sagad-sagaran ang paggamit ng kapangyarihan at kaban ng bayan. Kwestyunable man, imoral o tahasang iligal and isang patakaran, programa o hakbangin, pinagtitibay ito at ibinibigay kina Marcos at Duterte. Ganitong “katapatan” ang ibinibigay ng mga alipures nila sa mga kampon ng diktador at pasista, kapalit siyempre ng pondo, pabor o pwesto. Matingkad itong ipinakikita ngayon sa usapin ng “confidential and intelligence funds” (CIF) na nakatakdang muling ilaan sa tanggapan ni Marcos (halos ₱5 bilyon) at ni Sara Duterte (₱650 milyon). Ito ay pera ng taumbayan na sikretong ginagastos ni Marcos at Duterte na walang pananagutan sa mamamayan. Sa ganitong paraan din sinagasa ng mga alipures ni Marcos ang pagtatayo ng ₱500-bilyong Maharlika Investment Fund mula sa pondo ng bayan na ipahahawak kay Marcos para ilagay sa negosyo ng kanyang pinapaburang mga kroni na malalaking kapitalista.

Habang araw-araw ang pagdurusa at paghihirap ng masang anakpawis na pagdugtungin ang kanilang maliit na kita para pakainin ang kanilang mga pamilya, maya’t maya ang pagliliwaliw at pagpapasarap-buhay ni Marcos at kanyang pamilya at upisyal sa ibang bansa, sa tabing ng diumano’y pagyayakag sa mga kapitalistang dayuhan na mamuhunan o mamasyal sa Pilipinas. Ang aabot sa isa’t kalahating bilyong pisong badyet ni Marcos sa pagbyahe sa 2024 ay halos tatlong ulit na mas malaki kaysa noong 2022, at 5,000% kumpara sa badyet para dito noong 2021.

Ang mahigit ₱5-trilyon ipinapanukalang badyet ni Marcos para sa 2024 ay isang dambuhalang badyet para sa korapsyon. Pinakamalaking bahagi nito ay nakalaan sa mga proyektong pang-imprastruktura (mga tulay, kalsada, riles, at iba pa) na pinanggagalingan ng daan-daang milyong pisong kikbak na ibinubulsa ng mga burukratang kapitalista, kasabwat ang malalaking negosyante, at mga dayuhang bangko at korporasyon. Marami sa mga proyektong ito ay nagpapalayas sa masa sa kanilang lupang sinasaka o pinaninirahan, dumadambong at sumisira sa kalikasan at nagdadala ng lalong malalaking sakuna.

Kaakibat ng garapalang korapsyon at pandarambong sa pondo ng bayan, walang pakundangan ang pampulitikang paniniil at paggamit ng maruruming taktika ng estado, upang patahimikin ang mga kritiko ng rehimeng Marcos at alisin ang lahat ng hadlang sa korapsyon at sa mga programang kontra-mahirap at kontra-mamamayan. Patindi nang patindi ang mga pag-atake at paghahamlet sa mga komunidad sa kanayunan, pambobomba at pangiistraping, pwersahang pagpapasurender sa mga sibilyan, mga kaso ng pagpatay at mga masaker. Dumarami ang kaso ng pagdukot, pagtortyur at pagwawala sa mga aktibistang nagsisilbi sa kapakanan ng masa.

Animo’y walang hangganan ang karimlan at lagim ng paghahari ni Marcos Jr, ng kapangyarihang tiraniko at paghaharing terorista ng estado. Subalit ang totoo, ang pagbaling sa todong pasistang kabangisan at walang pakundangang korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos ay palatandaan ng higit na pagkabulok ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang mga ito’y lalong nagpapabilis sa pagkaagnas ng naghaharing sistema, at nagkikintal sa kamalayan ng taumbayan na dapat silang kumilos upang ipagtanggol ang kanilang interes at mga karapatan, at isulong ang adhikain para sa rebolusyonaryong pagbabago ng lipunan.

Ngayon, higit kailanman, kailangan kumilos ng sambayanang Pilipino upang hawiin ang karimlang inilulukob ni Marcos sa buong bansa. Dapat bunutin at iwaksi ang takot na pilit itinatarak ng teroristang estado sa dibdib ng taumbayan. Tulad sa panahon ng batas militar, nais ng mga pasistang reaksyunaryo na manaig ang pangamba at takot sa taumbayan, upang gupuin ang kanilang paglaban.

Sa gayon, kailangan ang tapang, determinasyon at nag-aalab na militansya para bagtasin ang landas ng paglaban, sa kalunsuran man o kanayunan, sa lansangan o sa landas ng armadong paglaban. Upang hindi manaig ang kabuktutan ng rehimeng Marcos, dapat tumindig at tumutol ang lahat ng demokratikong uri at pwersa.

Ang batas militar noong 1972 ay deklarasyon ng gera ng papet na estado ng US laban sa sambayanang Pilipino. Tulad ng paglaban noon sa pasistang diktadura, armadong pakikibaka ang pinakasandata ngayon ng bayan para labanan ang terorismo ng estado, kaakibat ang lahat ng iba pang posibleng anyo at paraan ng sama-samang pagkilos para labanan ang korapsyon, pasismo at pagkapapet ni Marcos Jr.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay nagsisilbing ubod, gulugod at pinuno ng malawak na paglaban ng sambayanang Pilipino. Dapat puspusang palakasin ang Partido, kabilang ang pamumuno nito sa Bagong Hukbong Bayan, upang tiyakin ang lahatang-panig na pagsulong ng rebolusyon at pangunguna sa martsa ng sambayanan tungo sa maaliwalas na kinabukasang demokratiko at may tunay na kalayaan.

Hawiin ang nakalukob na karimlan ng batas militar