Mataas ang presyo ng bigas pero lugi ang mga magsasaka sa palayan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Hindi na magkandaugaga ang mamamayang Pilipino sa pagsirit tungong ₱60-₱70 kada kilo ng bigas, na animo’y isinabay sa pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin. Nag-utos si Marcos ng price control (maksimum na presyo) sa dalawang klase ng bigas noong Setyembre, pero itinago lamang ng malalaking komersyante ang suplay ng kanilang bigas at nanatiling mahal ang karaniwang presyo nito sa merkado.

Matapos salungatin ng sarili niyang mga upisyal, unti-unti nang iniaatras ni Marcos ang price control. Ibinida niya ang plano para diumano palaguin ang lokal na produksyon na mistulang pagbubuhay-muli sa programang Masagana 99 ng kanyang amang diktador. Sa dekada 1970, ibinaon ng programang ito ang daan-daanlibong pamilya sa pagkalugi at utang.

Pabidang nagpahayag si Marcos na “hindi nakabubuti” na nakaasa ang bansa sa importasyon. Pero ilang araw paglipas, inianunsyo ng kanyang mga upisyal ang planong bawasan hanggang tanggalin ang taripa sa imported na bigas para diumano’y “ibaba ang presyo” nito sa merkado. Kasabay nito, lumabas ang balitang malalagpasan na ng Pilipinas ang China bilang pinakamalaking importer ng bigas sa mundo.

Wala sa mga hakbang na ito ang tumutugon sa tunay na dahilan kung bakit mahal ang bigas sa bansa, at lalong wala rito ang tumutumbok sa batayang mga problema ng mga magsasaka sa palayan.


Pagkalugi ng mga magsasaka

Kabalintunaan na habang nagtataasan ang presyo, sumasadsad naman ang kalagayan ng mga magsasaka sa palayan. Lugi ang karamihan sa kanila dahil sa mataas na gastos sa produksyon, pangunahin ang upa sa lupa at pataba. Nananatiling maliitan at hiwa-hiwalay ang produksyon, di mekanisado at sa malaking bahagi ay nakaasa sa ulan. Lumala pang lalo ang kanilang kalagayan sa pagbaha ng imported na bigas na humila sa presyo ng bentahan ng palay. Walang pakundangan ang manipulasyon sa presyo at suplay ng malalaking komersyante at importer.

Sa mga palayan sa Laguna at Mindoro, umaabot sa ₱50,000 hanggang ₱100,000 ang gastos ng magsasaka sa isang siklo ng taniman, depende sa lawak ng lupa. Maaaring makabenta ang isang magsasaka ng mahigit ₱100,000 pagsapit ng anihan kung nasa presyong ₱14-₱17 kada kilo ang bilihan ng palay. Pero pagkatapos ibawas ang lahat ng gastos sa produksyon, swerte na kung may matira sa kanyang ₱6,000, katumbas ng ₱74 kada araw para sa apat na buwan na trabaho. May mga kaso sa Mindoro kung saan umaabot lamang sa ₱968 ang netong kita ng magsasaka sa apat na buwan, katumbas ng ₱12 kada araw. Sa relatibong malalaking parsela ng lupa, maaaring umabot sa ₱27,000 ang kanilang netong kita. Gayunpaman, katumbas lamang din ito nang ₱337 kada araw sa kwentang limang araw kada linggo na pagtatrabaho.

Isa sa pinakamalaking isahang gastos ng magsasaka sa palayan ang bayad sa upa ng lupa. Deka-dekada na nilang tinitiis ang mga kaayusang “porsyentuhan” o “buwisan” na 70-30 o 60-40, pabor sa panginoong maylupa. Kahit sa mga kasong pabor ang porsyentuhan sa magsasaka, nananatili itong mataas at di makatarungan dahil walang anumang ambag ang may-ari ng lupa sa produksyon.

Ganito ang sa kaso ni Mang Nilo, 59, na “buwisan” ang lupang sinasaka. Noong nakaraang anihan, ibinayad niya ang 15 kaban (o 825 kilo) mula sa kabuuang aning 90 kaban sa mga may-ari ng lupa. Katumbas nito ang ₱12,375 na upa sa lupa sa bilihang ₱15/kilo ng palay. Binubuo nito ang 22% ng kabuuang gastos niya sa produksyon.

Mas malala sa mga palayan na sagot ng panginoong maylupa ang gastos. Kapalit ng kapital, 10% lamang ng pangkabuuang ani ang napupunta sa magsasaka. Ganito ang sitwasyon ni Mang Teroy na nagsasaka ng 1.2-ektaryang palayan. Kapalit ng kanyang pagtatrabaho, “isinahod” sa kanya ng may-ari ang 17 kaban sa 167 kabang naaning palay, katumbas ng ₱15,895 o ₱198.68 kada araw. Ang 10 kaban ay ibinenta niya sa nakakontratang bumili na kumpanya sa agribisnes na siya ring binibilhan ng abono at pestisidyo. Pilit niyang ipinagkasya ang pitong natitirang kaban para sa konsumo ng kanyang pamilya pero dahil sadyang kulang, kailangan niyang bumili ng bigas sa palengke sa presyong ₱50 kada kilo.

Dahil sa taas ng gastos sa produksyon, napipilitan ang mga magsasaka na umutang sa mga bangko o microlending agency para makapagtanim. (Tingnan ang talaan para sa gastos sa ilang farm input.) Sa kaso ni Aling Lea na taga-Laguna, kinailangan niyang mangutang ng ₱25,000 noong nakaraang taniman para punan ang kanyang pangangailangan sa pagtatanim. May interes itong ₱850 kada buwan na babayaran sa loob ng apat na buwan. Kapag naantala sa pagbayad, may multa siyang ₱1,000 bawat araw.

Sa Mindoro, binibili ng mga komersyante ang palay sa presyong ₱14-15 kada kilo. Para sa 130 sako ng palay (7,150 kilo), gumagastos ang isang komersyante ng ₱100,100. Dagdag niyang gastos ang pagsasabigas (pagbilad, paggiling, paghahakot at transportasyon) na kadalasang umaabot sa ₱27,000. Ibinibenta niya ang bagong-giling na bigas sa presyong ₱50 sa mga manininda o kabuuang ₱232,000 sa isang siklo ng anihan.

Sa gayon, kumita siya ng ₱105,105 o ₱22.62 kada kilo ng bigas na naibenta niya sa merkado. Kung tutuusin, nasa ₱27.38 lamang kada kilo ang aktwal na presyo ng bigas kung ibabatay ito sa gastos sa produksyon at pagsasabigas bago ito maibenta sa merkado.

Mataas ang presyo ng bigas pero lugi ang mga magsasaka sa palayan