Pagtalikod ng estado sa kabataan: Kaltas-badyet sa edukasyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Malinaw na wala sa prayoridad ng reaksyunaryong gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr ang kinabukasan ng kabataang Pilipino. Sa kabila ng 9.5% na paglaki ng pondo sa panukalang pambansang badyet para sa 2024, kinaltasan ng 5.8% ang badyet ng mga pampublikong unibersidad at kolehiyo (state universities and colleges o SUC). Mula sa maliit na ₱107 bilyon ngayong 2023, nasa ₱100.9 bilyon lamang ang ipinanukalang alokasyon para sa mga ito sa 2024.

Higit na nakapanggagalit, ang panukalang badyet ay wala pa sa sangkatlo (1/3) ng kailangang ₱331.34 bilyong badyet para sa 117 SUC. Sa panukala ng rehimeng Marcos, pinakamalaki ang tinapyasan sa pondo ng SUC para sa imprastruktura (capital outlay). Sa hinihinging ₱200.4 bilyon para dito, ₱5.5 bilyon lamang, o wala pang 3%, ang inilaan.

Sa 117 SUC, 30 ang makakaltasan ng pondo. Pinakamalaki ang ₱2.9 bilyong kaltas sa badyet ng University of the Philippines (UP). Sa nagdaang taon, pababa nang pababa ang badyet na tinanggap nito—mula ₱24.29 bilyon noong 2022, ₱24.26 sa 2023 at ₱21.29 bilyon na lamang para sa 2024.

Kasunod na pinakamalaki ang tinapyas na pondo sa Mindanao State University (₱2.3 bilyon), Mariano Marcos State University (₱1.5 bilyon), Eastern Visayas State University (₱1.3 bilyon), Central Bicol State University (₱1.2 bilyon), at West Visayas State University (₱852.9 milyon).

Kulang na badyet para sa libreng matrikula

Ngayong 2023, nasa ₱18.74 bilyon lamang ang ilalaang pondo para sa libreng matrikula para sa 1.74 milyong estudyante sa mga SUC. Ayon sa ulat, kulang nang ₱4.23 bilyon ang badyet na ito para saklawin ang lahat ng mga estudyante. Sa panukalang badyet para sa 2024, tinatayang magkukulang muli nang ₱4.16 bilyon ang ₱21.7 bilyon para makatamasa ng libreng matrikula ang inaasahang higit-kumulang 1.8 milyong estudyante.

Dahil kulang sa pondo, guro at pasilidad, limitado lamang ang tinatanggap na estudyante ng mga SUC. Sa nagdaang taon, 105,000 kabataan ang pumila, pero 15,000 lamang ang tinanggap sa UP; habang sa 173,000 na nag-eksam, 20,000 lamang ang tinanggap sa Polytechnic University of the Philippines.

Wala pa sa kalahati ng 4.43 milyong estudyanteng nakapag-aaral sa kolehiyo ang nakatatamasa ng libreng matrikula. Marami ang natutulak na mag-aral sa mga pribadong kolehiyo at pamantasan dahil sa kakulangan ng pampublikong mga paaralan. Tintatayang gumagastos ang isang estudyante sa kolehiyo ng abereyds na ₱150,000 para sa bawat taon ng pag-aaral.

Kaya naman ganoon na lamang ang galit ng mga kabataan sa naging panukala ni Benjamin Diokno, kalihim sa pinansya ng rehimeng Marcos, na bawasan pa ang bilang ng mga estudyanteng bibigyan ng libreng matrikula dahil hindi umano ito “sustenable.” Dagdag pa niya, dapat rin bawasan pa ang bilang ng SUC sa bansa.

Sagot ng mga grupo ng kabataan, ang hindi sustenable ay ang ₱78,852.14 kada araw na ipinasasahod kay Diokno kumpara sa ₱64.74 kada araw na ginastos ng estado kada estudyanteng tumatamasa ng libreng matrikula.


Todo-suporta sa edukasyong militar

Habang kinakaltasan ng pondo ang SUC, todo-buhos naman ang pondo ng gubyerno para sa Philippine Military Academy (PMA). Sa nagdaang mga taon, tuluy-tuloy na lumaki ang pondo nito, mula ₱1.36 bilyon noong 2022, ₱1.47 bilyon ngayong 2023 at ₱1.58 bilyon para sa 2024.

Sobra-sobra ang pagpapalayaw sa mga kadete ng PMA. Ngayong 2023, ginastusan ng gubyerno ng ₱1.13 milyon bawat isa sa 1,300 kadete nito. Samantala, nasa lubhang malayong abereyds na ₱61,686 kada estudyante ang ginagastos ng estado para sa mag-aaral sa SUC ngayong taon. Sa madaling salita, katumbas ng 18 estudyante sa mga SUC ang pondo para sa isang kadete ng PMA.

Pagtalikod ng estado sa kabataan: Kaltas-badyet sa edukasyon