Inilathala ng Pulang Silangan 55 Taong Sumusulong! Hindi magugupo ang Partidong malalim na nakaugat sa masa!

,

Mula ng itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968, patuloy itong lumalakas at sumusulong. Ang bawat taon ay ibayong pagpupunyagi sa harap ng mga hamon ng pag-abante. Nabigo nito ang sama’t saring pakana ng diktadurang US-Marcos Sr na kitlin ito sa ubod noong ito’y bagong tatag pa lang sa maagang bahagi ng dekada 70. Nakapagpalawak sa buong bansa at malalim na nakaugat sa masa. May panahong dumanas man ng pag-atras, pagkabalaho, at mabagal na pag-abante, ito’y panadalian lamang. Dahil ang Partido ay kritikal sa sarili, nilalagom nito ang karanasan. Matapat na tinutukoy ang kamalian. Nag-aaral. Nagwawasto. Puspusang nakikibaka para sa mithiin ng sambayanang Pilipino para sa tunay na malaya at demokratikong lipunan. Minamahal at tinataguyod ng masang anakpawis. Kung kaya, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay hindi kailanman magugupo.

Hindi magugupo ang Partido Komunista ng Pilipinas. Binubuo ito na mga kadre at kasapi na walang takot sa kahirapan, sakripisyo at kamatayan. Nakatitiyak sila na matatamo ang sosyalistang bukas at ang katuparan ng lipunang walang pagsasamantala. “Buhay man ay ialay kung kinakailangan,” ang kanilang sinumpaan sa pagsapi sa Partido. Para sa kanila, ang kamatayan na naglilingkod sa mamamayan ay simbigat ng bundok Sierra Madre habang ang buhay na naninilbihan sa uring panginoong maylupa, malaking burgesya kumprador at dayuhang kapangyarihan ay mas magaan pa sa balahibo ng manok. Para sa kanila ang paghahandog ng buhay para sa proletaryong adhikain ang kaganapan ng pagiging Komunista.

Sa ika-55 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, ibinibigay natin ang kataas-taasang pagpupugay sa lahat ng martir ng rebolusyong Pilipino! Ang kanilang kabayanihan ay walang kamatayan!

Hindi magugupo ang Partido Komunista ng Pilipinas. Mayroon itong Pulang Hukbo, ang New People’s Army (NPA) o Bagong Hukbong Bayan (BHB) na tuwiran nitong pinamumunuan at pinamamatnugutan. Binubuo ito mga kadre at kasapi ng Partido na puspusang ipinapatupad ang linya at programa ng Partido sa malawak na kanayunan ng bansa. Ito ang bag-as at tipunan ng armadong paglaban ng mamamayan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Hakbang-hakbang na Isinusulong nito ang digmang bayan, kasama at suportado ng malawak na masa. Ito ang pangunahing instrumento ng Partido sa pagpapatupad sa linya at programa ng demokratikong rebolusyong bayan.

Hindi magugupo ang Partido Komunista ng Pilipinas. Malalim na nakaugat ito sa masang magsasaka sa malawak na kanayunan. Mayorya sa masang kasapian nito ay galing sa uring magsasaka at mga pambansang minorya. Kumikilos sila sa mga Sangay ng Partido sa baryo, sa mga samahan ng magsasaka, sa sentrong bayan at gumagampan ng mga espesyal na tungkulin sa pagbubuo ng larangang gerilya at suportang kombat sa Hukbo. Sa pamumuno ng Partido, isinusulong ng mga magsasaka ang rebolusyong agraryo at iba pang anti-pyudal na pakikibaka. Kinokompronta nila ang uring panginoong maylupa sa pakikibakang pulitikal at pang-ekonomya. Sila ang pinakamarami sa kasapian ng NPA. Sa hanay nila nagmumula ang mahuhusay na kumander na bihasa sa kalupaan at sa gerilyang pakikidigma. Sila ang pangunahing pwersa ng rebolusyon.

Hindi magugupo ang Partido Komunista ng Pilipinas. May solidong bag-as ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente na nagtataguyod sa pampulitikang pamumuno nito, ang National Democratic Front of the Philippines. Tinitipon nito ang adhikain ng 99 porsyento ng mamamayan laban sa isang porsyentong nasa estado poder. Tinataguyod nito ang linya, patakaran at programa ng demokratikong rebolusyong bayan.

Binibigkis nito ang pagkakaisa ng iba’t ibang uri ar sektor sa lipunan sa pagsusulong ng digmang bayan: ang uring manggagawa sa bandila ng Revolutionary Congress of Trade Unions (RCTU); uring magsasaka sa bandila ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM); ang sektor ng kabataan sa bandila ng Kabataang Makabayan (KM) at sa Samahan ng Kabataang Makabayan (SKM); sektor ng kababaihan sa bandila ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA); mga mala-manggagawa sa bandila ng Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (KASAMA); mga artista at manunulat sa bandila ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS); mga taong simbahan at mananampalataya, anuman ang relihiyon sa bandila ng Christians for National Liberation (CNL), mga manggagawang pangkalusugan at mga propesyunal sa bandila ng Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP); mga siyentista sa bandila ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB); mga guro sa bandila ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA); mga empleyado at kawani ng gubyerno sa bandila ng Makabayang Kawaning Pilipino (MKP), mga migranteng Pilipino sa labas ng bansa sa bandila ng Compatriots; mga pambansang minorya sa bandila ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF), Moro Revolutionary Liberation Organization (MRLO), Rebolusyonaryong Organisasyong Lumad (ROL), Rebolusyunaryong Organisasyong Ayta (ROA), KADUMAGUETAN; at mga rebolusyunaryong samahan ng mga mangingisda, tsuper, at marami pang iba.

Ito ang malapad at matibay na kalasag ng nakikidigmang mamamayan.

Hindi magugupo ang Partido Komunista ng Pilipinas. Isinasabuhay nito ang teoretikong gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. May solidong pang-ideolohiyang pundasyon na balangkas ng paninindigan, pananaw at paraan ng paggawa ng mga Kadre at kasapian nito. Dinamikong pinag-aaralan at mahigpit na pinag-uugnay ang rebolusyunaryong teorya at praktika ng masikhay na pagsusulong ng armadong pakikibaka sa piling ng masa. Naglalagom ng karanasan, nagpupuna sa sarili at nagwawasto sa mga naging kamalian at kahinaan.

Hindi magugupo ang Partido Komunista ng Pilipinas. Binubuo ito ng mga Kadre at kasapi na kusang loob na pumapaloob at nagtataguyod sa demokratikong sentralismo, ang linya sa organisasyon ng Partido. Isinasabuhay ang kolektibong pamumuno, pamumuhay at pakikibaka. May tiyak at depinidong Alituntunin, mga patakaran at polisiyang pang-organisasyon na produkto ng malusog na tunggalian at pagkakaisa sa loob ng Partido. Ito ang nagtitiyak sa tuloy-tuloy na linya ng pamumuno, magkaron man ng dislokasyon dulot ng pinsala ng gera, pagkakasakit o pagkaka-edad ng mga pangunahing kadre.

Hindi magugupo ang Partido Komunista ng Pilipinas. Hanggang ninanais ng mamamayan ang tunay na kalayaan at demokrasya, ang Partido’y patuloy na magpupunyagi sa pakikibaka, hanggang sa tagumpay!

Sa Gitnang Luzon, tuloy-tuloy na nagpupunyagi ang mga rebolusyonaryong pwersa at masa sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Bagamat kumaharap sa malalaking hamon ng pagsulong sa nakaraang mga taon, bigo ang pangarap ng estado na durugin ang rebolusyunaryong kilusan sa rehiyon.

Hindi magugupo ang rebolusyunaryong kilusan na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Susi ang pagpapalakas sa pamumuno ng Partido para makaalpas sa mga limitasyon at nakapagpanibagong sigla. Nasa ubod nito ang pagsagawa ng paglalagom ng rebolusyunaryong karanasan saklaw ng 2016-2021 alinsunod sa panawagan ng sentrong pamunuan ng Partido, at ang pagdaos ng mga partikular pang paglalagom sa iba’t ibang antas at saklaw ng rebolusyunaryong gawain.

Sa mga larangang gerilya, nagdulot ng ibayong katatagan at rebolusyunaryong optimismo sa mga Kadre at kasapi ng Partido, sa mga Pulang Kumander at mandirigma ang mga dinaos na paglalagom sa nakaraan. Higit na nalinang ang pagiging kritikal sa sarili at ang obhetibong pag-aaral sa partikular na sitwasyong kinaharap ng rehiyon at ng mga pwersa sa larangan. Nakahanda silang batahin ang mga kinakailangang kahirapan at sakripisyo na hinihingi ng mapanghamong sitwasyon para sa higit pang pagsulong.

Napanday at lalo pang tumining ang pwersang Hukbo sa matatag na pakikihamok sa pinatinding atake ng estado. Anuman ang lakas nito sa kasalukuyan, may malinaw itong direksyon sa pagkilos at mataas na positibong diwa na maisasakatuparan ang mga ito. Sa kabila ng walang puknat na operasyong militar at paghahasik ng terorismo ng AFP sa larangan, hindi nahadlangan ang NPA sa pag-abot sa masa at pagpapakilos sa kanila para sa kanilang demokratikong adhikain ng paggiiit ng karapatan sa lupa at paglaban sa iba’t ibang anyo ng pyudal na pagsasamantala.

Lalong napanday ang NPA sa nakaraang mga labanan sa pwersa ng AFP. Sa nagdaang tatlong magkakasunod na labanan sa Silangan, nagtamo ng maraming kaswalti ang AFP habang wala namang pinsala sa panig ng NPA. Agad na nalalagom ang karanasan at nahahalaw ang mga aral kung paanong higit na makapagpunyagi sa pagsasakatuparan sa mga rebolusyonaryong tungkulin sa gitna ng pinatinding atake ng kaaway.

Pursigidong makaalpas sa pasibidad militar at konserbatismo sa gawaing masa sa kanayunan, ang mga pwersang Hukbo ay tuloy-tuloy na nagpupunyagi na isulong ang integral na tungkulin sa pagsusulong ng digmang bayan—paglulunsad ng armadong pakikibaka, pagbubuo ng baseng masa at pagsusulong ng rebolusyong agraryo. Pinahihigpit nito ang disiplina. Naglulunsad ng mga pagsasanay na tumutugon sa kagyat at praktikal na pangangailangan ng arawang gawain at sitwasyong militar, sa paraang nakalangkap sa arawang paggampan ng gawain ng mga kumander at mandirigma. Nagpupursige na abutin ang kakapalan ng populasyon ng masang magsasaka na dapat maorganisa at nagmimintina ng mahigpit na ugnayan sa kanila sa sekreto at ligtas na paraan. Pinamumunuan at ginagabayan ang pagkilos ng masa para organisahin ang sariling hanay, ipagtanggol ang mga dati ng napagtagumpayang mga pakikibakang masa at isulong ang iba pang anyo ng pakikibakang anti-pyudal.

Samantala, bigo ang AFP na isandal sa mapagpasyang labanan ang mga pwersang Hukbo sa Kanluran. Patuloy na tinatamasa ng NPA ang malawak na suporta ng masa sa kabila ng panggigipit at okupasyon ng militar sa mga baryo.

Hindi magugupo ang sambayanang lumalaban na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa harap ng pinatinding pandarahas ng estado, higit na napanday ang mga rebolusyunaryong pwersa sa lokalidad sa puspusang pakikibaka. May ilan mang nasindak, nalinlang at pwersahang napasurender o napapirma sa ECLIP, hindi ito nangangahulugan ng pagsuko ng paninindigan. May ilan mang nakaramdam ng panlulumo at panghihina ng loob dahil sa mga nabalitaang kaswalti sa Partido at Hukbo sa nakaraang mga taon at kawalan ng komunikasyon sa mga kasama, ito ay dagli ring napawi at napalitan ng mas mataas na kapasyahang magpatuloy sa pakikibaka. Saaanman ay naghihintay ang masa sa pagdating ng Hukbo. Hinihintay nila ang pamumuno ng Partido.

Sa pagtindi ng pasismo, nasala ang mahuhusay na pwersa, mga nasasaligang masa habang nailalantad at naihihiwalay ang kakarampot na mga nagtaksil at nahamig ng estado sa kontra-rebolusyunaryong linya. Ang karahasan na dinaranas ng masa ang mismong nagtuturo sa kanila ng higit na mahusay na kaparaanan sa paglilihim at organisadong pagkilos. Tinuturuan nila ang kanilang Hukbo ng mas ligtas na ruta, mga sistema ng pabatid at pagbibigay babala kung may panganib, at iba pang anyo ng pagpapaunlad sa.gerilyang pagkilos.

Sa mga sentrong bayan at lungsod, patuloy na naggigiit ang mga rebolusyunaryong pwersa at masa para sa kanilang demokratikong karapatan , kagalingan at kalayaang sibil. Nagpapakahusay sila sa pagkukumbina ng paraang ligal, mala-ligal, ekstra-ligal at iligal sa pagsusulong ng mga pakikibakang masa na tumutugon sa demokratiko at patriyotikong adhikain ng mamamayan. Nagsisikap silang abutin ang pinakamalawak na masa at pagkaisahin sa anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasistang pakikibaka. Higit sa lahat, nilalatag nila ang malapad at malalim na lambat ng suporta para sa kilusang magsasaka at armadong pakikibaka sa kanayunan.

Ang masa ang tunay na balon na kaalaman, ng mga bagay na dapat alamin at tuklasin, at ng mga angkop na kaparaanan sa mabilis na nagbabagong sitwasyon. Pinupusta nila ang kanilang buhay para sa kanilang Hukbo at sa lahat ng rebolusyunaryong pwersa na kumikilos at nakikipamuhay sa hanay nila.

Hindi magugupo ang masang lumalaban. Sapagkat sila ang tunay na lakas, ang higanteng pwersa na bukod tanging makakapagpabagsak sa naghaharing estado.

Sa ika-55 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, higit nating pinagtitibay ang kapasyahang isulong amg digmang bayan sa mas mataas na antas.

Palakasin ang Partido Komunista ng Pilipinas. Anumang pagkabalam, pagkabalaho , pag-atras o mabagal na pagsulong ng Partido ay nangangahulugan ng paghina din ng paglaban ng masa. Sapagkat ang Partido Komunista ng Pilipinas ang tanging organisasyon na tapat sa pagsusulong ng interes ng masang anakpawis at may kakayanang bigkisin ang pinakamarami na nabibilang sa uring inaapi at pinagsasamantalahan.

Irekober at palakihin ang kasapian ng sangay ng Partido sa lokalidad. Magtayo ng mga bagong Sangay at grupo ng Partido. Sa ganon natitiyak ang tuloy-tuloy na paglapad at paglalim ng pagka-ugat ng Partido sa masa.

Isang karangalan ang maging kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa harap ng opensibang propaganda ng estado—red tagging, pagbansag na terorista, pagkriminalisa sa demokratikong pakikibaka—kailangang masikhay na ipaliwanag at ipakilala ang Partido sa malawak na masa. Ipakilala ang mga dakilang gurong Komunista—sina Karl Marx, Fredrich Engels, Vladimir Lenin, Mao Zhe Dong, Zhu De, Ho Chi Minh, Giap at marami pang iba na naging tanyag sa kasaysayan ng daigdig dahil sa kanilang dakilang ambag sa rebolusyonaryong pakikibaka ng aping mamamayan sa kanilang bansa at sa buong daigdig. Itanghal ang kabayanihan ng mga Komunistang Pilipino na walang pag-iimbot na nag-alay ng lakas, kasanayan, talino, panahon at mismong buhay para sa mapagpalayang pakikibaka.

Ang Komunista ay hind terorista. Sa katunayan, ang mga Komunista ang numero unong tutol at puspusang lumalaban sa terorismo na mismong ang naghaharing estado ang gumagawa. At ang Malacañang ang punong himpilan ng mga terorista sa Pilipinas.

Itaas ang kakayahan ng masa sa paglaban sa pandarahas ng estado. Magpunyagi sa pagbubuo ng mga rebolusyunaryong organisasyong masa at iba’t ibang anyo ng mga samahan na pwedeng maging daluyan ng pagbubuo ng pagkakaisa at pagkilos ng masa—hayag man o lihim, ligal man o iligal. Matamang makipag-aralan sa kanila sa pagbubuo ng mga pagsusuri at panawagan, at kung paano isusulong ang interes ng kanilang uri, at ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Maging mag-aaral nila.

Sa pamamagitan ng aktwal na paglahok sa mga pakikibakang masa, lalong napapanday ang paninindigan ng masa. Dumadami ang mga aktibistang masa na potensyal na maging kasapi ng Partido sa takdang panahon.

Para maitaas ang kakayahang lumaban ng masa, dapat mapaunlad ang tuwirang paglubog sa hanay nila. Ang pag-oorganisa sa hanay nila ay aktwal na pakikipamuhay sa piling nila. Dapat tuloy-tuloy na naitataas ang kanilang makauring kamalayan sa pamamagitan ng mga planado at sistematikong pag-aaral.

Susing usapin sa pagpapalakas sa paglaban sa pasismo ang pagpapahigpit ng panloob na pagkakaisa sa loob ng Partido, sa kasapian ng mga rebolusyonaryong organisasyon, sa magkakabaryo at magkaka-tribu. Tatalab lamang ang sindak at lagim ng pasismo kung kanya-kanyang diskarte, watak-watak at hiwa-hiwalay ang pagharap. Kung mahigpit ang pagkakaisa, mawawalan ng puwang ang pang-iintriga at iba’t ibang pakanang saywar ng estado. Subok na sa karanasan, na ang kolektibong pagkilos ay nagluluwal ng higit na mahusay na solusyon at kaparaanan kung oaano harapin ang atake ng estado.

Ang pagtaas ng kakayahan ng masa sa paglaban sa estado ay nangangailangan ng katumbas na pagtataas sa kakayahan ng Partido sa pamumuno. Nangyayari ito kapag mahigpit ang pagkakaisa ng Partido at masa.

Palakasin ang NPA at ang armadong pakikibaka sa rehiyon. Ang NPA ang pangunahing instrumento ng Partido sa pagpapatupad sa linya at programa ng demokratikong rebolusyong bayan. Ito ang kumakatawan sa solidong lakas ng kilusang magsasaka sa kanayunan. Ang malakas na Hukbo, malakas na armadong paglaban ng mamamayan sa estadong panginoong maylupa ay nagluluwal ng lakas sa kapangyarihang pampulitika ng mamamayan. Mayor na sangkap ito sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Kung walang NPA, imposibleng maitatayo ang gubyerno ng mamamayan.

Ang NPA ang ekspresyon ng konsentradong lakas ng kasapian at kadre ng Partido sa kanayunan. Ang paglakas ng NPA ay malaking ambag sa ligtas, at nakalubog sa masa na operasyon ng mga namumunong Komite ng Partido. Mas maraming Hukbo, mas maraming organisasyong masa na mabubuo, mas maraming sangay ng Partido ang maitatayo.

Planuhin ang pagpapasampa sa NPA. Planuhin ang Tour of Duty ng mga kasapi ng Partido sa NPA. Tumuwang sa gawaing pag-oorganisa ng NPA, lalo na sa mga militarisadong lugar at mga baryong matagal ng hindi pa nababalikan o nakikilusan ng Hukbo.

Isulong ang mga pakikibakang anti-pyudal saanman may kapasyahan at kahandaan ang masa na lumaban. Sa harap ng matinding kagutuman at pagka-inutil ng estado sa mga kahingian at karaingan ng masang magsasaka, dapat na pagkaisahin ang masang magsasaka sa bandila ng PKM. Organisahin ang kapwa magsasaka. Sama-samang kumilos para igiit ang karapatan sa lupa, magbungkal para may makain at labanan ang iba’t ibang anyo ng pyudal na pagsasamantala gaya ng mataas na interes sa utang, mataas na presyo ng mga kagamitang pansaka, pambabarat sa produktong magsasaka, pandaraya sa timbangan, mababang upa sa manggagawang bukid at panawagan para sa suporta o subsidyo sa magsasaka, lalo na sa panahon ng kalamidad. Ang pagsigla ng mga pakikibakang anti-pyudal ay paborableng kundisyon para sa masiglang pagpapasampa sa Hukbo. Mas magiging malinaw ang pangangailangan ng armadong pakikibaka para maisakatuparan ang rebolusyong agraryo na naglalayong baguhin ang mapagsamantalang relasyon sa produksyon hanggang sa maksimum na pagkumpiska sa lupa ng uring panginoong maylupa at libreng pamamahagi nito alinsunod sa Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa (RGRL).

Palakasin at palawakin ang rebolusyunaryong nagkakaisang prente. Kailangang abutin ng gawaing pag-oorganisa at rebolusyonaryong propaganda ang pinakamalawak at pinakamaraming masa sa kanayunan at kalunsuran. Buuin ang mga rebolusyunaryong samahan at mga lihim na selyula saanman may pwedeng tipunin na indibidwal na nakikiisa sa programa ng demokratikong rebolusyong bayan at nagtataguyod sa armadong pakikibaka. Mulat at sistematikong pagplanuhan kung paano mapapalakas ang Hukbo at paano makakatugon sa suportang kombat para sa operasyon at kongkretong pangangailangan sa pagsusulong ng armadong pakikibaka.

Maging malikhain sa pag-abot sa malawak na masa at pagpapakilos sa kanila sa linya at programa ng demokratikong rebolusyong bayan.

Ituon ang tulis ng sibat ng paglaban sa paghaharing militar ng rehimeng US-Bong-Bong Marcos at Sara Duterte. Maging masikhay sa paglilinaw sa terorismo ng rehimen at ang tumatalim na makauring tunggalian na malulutas lamang sa pamamagitan ng rebolusyunaryong paglaban. Ibagsak ang aghaharing estado! Iangat ang mga isyung panlipunan sa usapin ng estado at rebolusyon.

Konsolidahin ang Partido. Ang pagbubuo sa Partido, una sa lahat ay pagbubuo sa ideolohiya. Kailangang magbuo ng nagkakaisang pag-unawa at paglalapat ng MLM sa kongkretong kalagayan at sa arawang paggampan sa rebolusyunaryong tungkulin. Planuhin ang pagdaraos ng mga teoretikong pag-aaral. Ipatupad ang balangkas at kurikulum sa pag-aaral sa Tatlong Antas na Kurso ng Pag-aaral ng Partido. Pasiglahin ang kolektibong pag-aaral.

Bigyan pansin ang mga pagtatasa at paglalagom ng rebolusyonaryong karanasan ng mga organo ng Partido, karanasan ng mga indibidwal na kasapi at ng iba’t ibang linya ng gawain. Gawing gabay sa paglalagom ang mga punto sa paglalagom ng Sentro noong 2016 at ang paglalagom ng rehiyon-GL mula 2016 hanggang 2021.

Paganahin ang sistemang komite. Bigyan ng mataas na pagpapahalaga ang regularidad ng pulong ng nga yunit ng Partido at ang sistema ng pag-uulat sa nakatataas na organo. Magpakahusay sa pangangalaga sa pwersa. Pahigpitin ang superbisyon sa lahat ng kasapi, kabilang ang mga namumunong kadre. Matiyagang paksain ang mga kahirapan sa gawain. Gabayan, subaybayan at tulungan sila sa paglutas sa mga kahirapan maging sa mga usaping personal.

Isabuhay ang saligang proletaryong aktitud. Magpuna at magpuna sa sarili. Maging puspusan sa pagpapanibagong hubog.

Ang Partidong nagkakaisa sa ideolohiya at sa larangang pang-organisasyon ay higit na masigasig sa pagsasakatuparan sa mga pampulitikang tungkulin.

Patuloy na sumusulong sa loob ng 55 taon. Gaya ng matatag at mayayabong na puno sa gubat, hindi ito nahuhugot sa malalim na pagkakaugat sa lupa. Nangyayari mang may nabubuwal o humahapay sa kurso ng digmang bayan pero walang tigil itong nagpupunla ng higit na mas marami at mahuhusay na binhi na nagpapatuloy sa pagyayabong sa gubat ng digmang bayan. Ang masa ay ang lupang kinakapitan at kinapapamuhayan ng Partido. At ang masa ay hindi kailanman kayang gapiin ng estado. Sapagkat ang masa ang tunay na tagapaglikha ng kasaysayan.

Hindi magugupo ang Partido Komunista ng Pilipinas sapagkat sa lalim ng pagkaugat nito sa masa, nalilikha ang makapangyarihang pwersang tunay na makakapagbago sa lipunan. Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, hindi magugupo ang sambayanang lumalaban.

Mabuhay ang ika-55 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas! Mabuhay ang sambayanang lumalaban! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!🔥

_____
Pulang Silangan | Rebolusyonaryong pahayagan ng mamamayan ng Silangang Gitnang Luzon

55 Taong Sumusulong! Hindi magugupo ang Partidong malalim na nakaugat sa masa!