Kasamang Basavaraju, bayani ng rebolusyong Indian at pandaigdigang proletaryo

,

Nagbigay-pugay ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) kay Kasamang Basavaraju (Nambala Keshava Rao), pangkalahatang kalihim ng Communist Party of India (Maoist), na namartir kasama ang 27 iba pa noong Mayo 21. Pinatay sila ng mga pwersa ng estado ng India sa tinaguriang Masaker sa Gundekote, sa Abhujmad sa distrito ng Narayanpur sa Chhattisgarh, India.

Nagniningning ngayon ang pangalan ni Kasamang Basavaraju sa hanay ng mga imortal na bayani ng epikong digmang bayan sa India at ng mga rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang paglaya at sosyalismo sa buong mundo. Tinanganan niya ang sulo ng armadong pakikibaka sa India at nagsilbing tanglaw sa landas ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo, lalo na sa mga nagdaang dekada ng mga kabiguan at pagkatalo ng mga pwersang sosyalista sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sino si Kasamang Basavaraju?

Ipinanganak si Kasamang Basavaraju noong 1955 sa pamilya ng mga magsasaka sa komunidad ng Jiyannapetta sa distrito ng Srikakulam, Andhra Pradesh na nasa timog silangan ng India. Nag-aral siya ng elementarya at hayskul sa kanilang distrito at tumungo sa syudad ng Warangal sa katabing estado ng Telangana para mag-aral ng inhinyeriya sa kolehiyo.

Habang nasa kolehiyo, namulat siya sa kalagayan at pakikibaka ng mamamayang Indian dahilan para lumahok siya sa kilusang estudyante. Noong dekada 1980, naging bahagi at gumampan siya ng susing tungkulin sa CPI (Marxist-Leninist) People’s War. Naging kasapi siya ng komite sentral ng partido noong 1992.

Noong 2004, kabilang siya sa mga nanguna sa pagsasanib ng CPI (ML) People’s War at ng Maoist Communist Centre of India (MCCI) para buuin ang CPI (Maoist). Isa siya sa mga nagtatag sa hukbong bayan ng India na People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) noong 2000. Pinamunuan niya ito sa matagal na panahon at nanguna sa maraming tagumpay sa pagbubuo ng mga rebolusyonaryong base at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga pwersang pasista.

Nagsilbi siyang kasapi ng Komite Sentral sa loob ng 33 taon at ng Politburo sa loob ng 25 taon. Pinamunuan niya sa matagal na panahon ang Sentral na Komisyong Militar ng CPI (Maoist). Noong huling bahagi ng 2018, inihalal siya ng Komite Sentral bilang pangkalahatang kalihim ng CPI (Maoist) at humalili sa pamumuno ni Kasamang Ganapathy.

Panawagan para sa hustisya

Hustisya ang nagkakaisang sigaw ng mamamayang Indian at mga internasyunal na partido at organisasyon sa pagpaslang kay Kasamang Basavaraju at 27 iba pang mga kasama. Naitala sa Masaker sa Gundekote ang mga paglabag sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin sa digma.

Ayon sa ulat ng Dandakaranya Special Zonal Committee ng CPI (Maoist), ang 27 mga kasama na mga kasapi ng CPI (Maoist) at mandirigma ng PLGA ay napatay sa pagkubkob ng libu-libong militar at pulis ng reaksyunaryong estado sa kanilang kampo. Isiniwalat ng komite na matapos ang mga labanan ay buhay na nadakip si Kasamang Basavaraju at sadyang pinaslang ng mga berdugong tauhan ng rehimeng Modi.

Ang brutal na Masaker sa Gundekote ay bahagi ng teroristang kampanyang Operation Kagaar. Sinimulan ang operasyon noong Enero 2024 kung saan gumamit ng libu-libong armadong pwersa ang reaksyunaryong estado, nagtayo ng daan-daang detatsment militar at nagpatupad ng kampanya ng pagpaslang at terorismo laban pangunahin sa mga Adivasi, o katutubo ng India.

Sa kasalukuyan, tinutulak ng iba’t ibang demokratikong organisasyon sa India ang imbestigasyon sa Masaker sa Gundekote. Nais nilang panagutin ang rehimeng Modi at mga upisyal militar nito sa napakatinding mga krimen.

Samantala, ipinahayag ng Komite Sentral ng PKP ang lubos na tiwala sa Komite Sentral ng CPI (Maoist) na kaagad itong pipili ng isang pinunong simpantay ang husay kay Kasamang Basavaraju upang akuin ang hinawakan niyang mga responsibilidad. Anang pamunuan, kumpyansa ito na sa pagsasama ng karunungan ng mga nakatatandang kadre at ng sigla at talino ng mga nakababatang kadre, mapangingibabawan ng CPI (Maoist) ang lahat ng pagsubok, magpapatuloy sa landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, at magkakamit ng higit pang tagumpay sa digmang bayan sa India.

Kasamang Basavaraju, bayani ng rebolusyong Indian at pandaigdigang proletaryo