Mga protesa
Litisin si Sara Duterte. Nagprotesta sa Senado sa Pasay City ang mga progresibong grupo noong Hunyo 3 para manawagang simulan na ang sadyang inantalang paglilitis sa kasong impeachment ni Vice President Sara Duterte. Binatikos nila ang pag-antala gamit ang maraming palusot ng Senado para simulan ito. Noong Pebrero pa naisumite ng House of Representatives ang mga artikulo ng impeachment.
Kabi-kabila na rin ang pagbatikos sa Senado dahil sa paglabag nito maging sa Konstitusyong 1987 dahil sa pag-antala sa paglilitis. Isa na rito ang mga propesor ng University of the Philippines College of Law. Samantala, nakatakdang maglunsad ng malawakang protesta sa Hunyo 11, araw ng pagdinig ng Senado sa impeachment, ang iba’t ibang mga grupo sa pangunguna ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA).
Laban, mangingisda. Naglunsad ng fluvial parade o parada ng mga bangka ang Pamalakaya at Save Laguna Lake Movement sa Muntinlupa City noong Mayo 31, pambansang araw ng mga mangingisda, upang ipanawagan ang pagbabasura sa mapangwasak na Laguna Lake Roadshore Network Project at 2,000-ektaryang floating solar power project sa Laguna de Bay.
Noong Mayo 30, sama-samang nagmartsa ang ilandaang mangingisda, mga tagasuporta at tagapagtaguyod ng kalikasan patungo sa Mendiola sa Maynila. Nanawagan sila ng pagtatanggol sa karapatan ng mga mangingisda, pagtutol sa reklamasyon, at pagbawi sa hatol ng Korte Suprema hinggil sa 15-kilometrong municipal waters.
Hustisya para kay Junver. Nagtirik ng mga kandila ang mga estudyante ng University of Santo Tomas sa kampus nito sa Maynila noong Mayo 29 bilang panawagan ng hustisya sa pagkamatay ni Junver Toledo, 22, kapwa nila mag-aaral. Naiulat ang pagpapakamatay ni Toledo, isang estudyante sa UST College of Rehabilitation Sciences noong Mayo 17 dahil sa presyur sa pag-aaral.
Palayain ang mga bilanggong pulitikal. Naglunsad ng piket-protesta ang Karapatan-National Capital Region sa harap ng Quezon City Hall of Justice noong Mayo 20. Panawagan nilang kaagad na palayain at ibasura ang mga kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa mga unyonistang sina Mark Ryan Cruz, Romina Astudillo, at Jaymie Gregorio, na bahagi ng Human Rights Day 7. Nakatakda ang pagdinig sa araw na iyon ngunit hindi sumipot ang tagalitis dahil “nagbabakasyon” diumano ito kaya inilipat ang pagdinig sa Agosto.