3 war games, magkakasabay na idinadaos ng US sa Pilipinas
Lantarang pagyurak sa soberanya ng Pilipinas ang presensya ng libu-libong sundalong Amerikano, Australian at iba pang dayuhang tropa sa teritoryo ng bansa para sa mapanulsol at malalaking war games. Mula Mayo, tatlo rito ang magkakasabay na inilulunsad ng US, isa sa pamamagitan ng katambal nitong hukbo ng Australia. Ang mga ito ay ang Kamandag (Mayo 26-Hunyo 6), Kasangga (Mayo 19-Hunyo 24) at Salaknib 2025 Phase 2 (Mayo 19-Hulyo 20).
Inilunsad ang Kamandag sa Batanes; sa Capas, Tarlac kung saan isinagawa ang live-fire drills at sa Burgos, Ilocos Norte kung saan inilunsad ang isang maritime strike operation. Mayroon ding mga aktibidad sa Palawan at iba pang bahagi ng Luzon at sa Tawi-tawi sa Mindanao.
Ginamit ng mga tropa ng US at Pilipinas ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) at High Mobility Artillery Rocket System o HIMARS sa Kamandag. Ang NMESIS ay isang sistema ng misayl na anti-ship o pampasabog ng barko. Nakakarga ito sa isang unmanned ground vehicle (malaking trak) na tinatawag na ROGUE Fires Carrier at may kargang Naval Strike Missile (NSM).
Kalahok sa war games ang 2,031 sundalo ng US Marine Corp at 2,028 pwersa na mula sa Pilpinas. Mayroon ding mga tauhang militar mula sa South Korea, Japan at United Kingdom na lumalahok sa war games. Nagsisilbi namang mga “tagamasid” ang mga tauhan mula sa France, Canada, Bahrain, Australia, Indonesia, Thailand at Netherlands.
Ang Kasangga ay binuksan sa kampo ng 4th ID sa Cagayan de Oro City at isinagawa sa Camp Kibaritan, Kalilangan, Bukidnon. Hindi bababa sa 90 sundalo mula sa Australian Army at 140 sundalo ng Philippine Army ang kalahok sa war games. Tatagal hanggang Hunyo 24 ang Kasangga.
Samantala, ang Salaknib ng US at Pilipinas ay kasalukuyang inilulunsad sa Northern Luzon.
Ang mga war games na ito ay inilulunsad sa bansa para higpitan ng US ang kontrol nito sa AFP, ayon sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).
“Tutol ang mamamayang Pilipino sa mga war games na ito. Dagdag sa dinadala nitong peligro sa mga Pilipino, salot pa ito sa residenteng napagkakaitan ng hanapbuhay para bigyan-daan ang mga pagsasanay,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP.
Ang maramihan at masisinsing war games at ang pagpapakatuta ng AFP at ng rehimeng Marcos ang dahilan kung bakit itinuturing ng maraming bansa sa Asia ang Pilipinas bilang proxy ng US, ayon pa sa PKP. Hindi bulag ang mga karatig-bansa sa Asia sa pagiging sunud-sunuran ni Marcos at mga heneral nito sa direksyon at plano ng US.