Operation Gideon's Chariots, pamatay na dagok ng Israel at US sa milyun-milyong Palestino

,

Sa unang 24 oras ng madugong kampanyang Operation Gideon’s Chariots ng US at Israel, 144 Palestino ang agad na napatay sa mga bomba at pag-atake ng tropa nito sa Gaza. Sa sumunod na mga araw, sunud-sunod na inatake ng mga pwersang Israeli ang mga bakwitan at natitirang mga ospital at paaralan para itaboy ang mga Palestino tungo sa mga kulungang inihanda para sa kanila. Daan-daan sa mga napatay ay bata.

Ang Operation Gideon’s Chariot, na sinimulan noong Mayo 18, ang pamatay na dagok ng Israel at US sa ngayo’y 18-buwan nang henosidyo at 77-taong brutal na okupasyon nito sa mga teritoryo ng Palestine. Layunin nitong tuwirang sakupin ang buong Gaza at ikulong ang may 1.5 milyong Palestino sa “sentro ng ebakwasyon” sa bahaging timog ng engklabo.

Mula Oktubre 2023, umabot na sa 63,000 Palestino ang direktang pinatay at 118,300 ang nasugatan ng pambobomba at pananalakay ng Israel. Halos kalahati ng mga biktima ay mga bata at kababaihan. Tinatayang daan-daang libo pa ang namatay dahil sa gutom, sakit at kakulangan ng pasilidad medikal. Marami rin ang natabunan na lamang ng gumuhong mga gusali at bahay, na hindi na nakita o nahukay dahil sa walang awat na pananalakay ng Israel.

Paggamit sa pagkain at ayuda bilang armas at negosyo

Umabot na sa antas-sakuna ang kagutuman sa Gaza laluna mula Marso kung kailan absolutong ipinagbawal ng Israel ang pagpasok ng lahat ng klaseng ayuda. Noong Mayo, ibinigay nito ang responsibildiad ng pamamahagi ng pagkain sa Gaza Humanitarian Foundation (GHF), isang pribadong kumpanya na magkatuwang na itinayo ng US at Israel para “gapiin” ang Hamas.

Mariing binatikos ng United Nations ang paggamit ng Israel sa GHF, na anito’y taliwas sa dapat ay pagiging nyutral, imparsyal at independyente ng makataong gawain. Kinundena ng UN at ng maraming bansa at internasyunal na institusyon, ang paggamit ng Israel at US ng ayuda at pagkain bilang armas laban sa mga sibilyan.

Liban sa GHF, ipinasok rin ng Israel ang ibang pribadong kumpanyang Amerikano para umaktong “pwersang panseguridad” sa mga sentro ng distribusyon nito. Kabilang dito ang Safe Reach Solutions, UG Solutions at S.R.S. Security Firm, na lahat pag-aari ng mga dating heneral ng US Army at Central Intelligence Agency. Ang pagpili sa mga kumpanyang ito ay ginawa ng pinakamatataas na upisyal ng Israel, katuwang ang US, nang hindi idinadaan kahit sa kani-kanilang parlamento at kongreso.

Tuluy-tuloy na pandaigdigang mga protesta

Milyun-milyong mamamayan sa buong mundo ang nagkaisang nagprotesta laban sa panibagong bugso ng henosidyo sa Gaza. Panawagan nila ang agaran at permanenteng tigil-putukan sa Gaza at pagtigil ng brutal na pang-aatake at pambobomba ng Zionistang Israel. Itinaon ang mga protesta sa paggunita sa ika-77 anibersaryo ng Nakba o Ang Sakuna, ang unang pagkakataong marahas na pinalayas ng mga Zionista ang mga Palestino mula sa kanilang mga lupa para itatag ang estado ng Israel.

Daan-daang mga pagkilos ang isinagawa sa mga syudad sa Middle East, Europe, Asia, Africa at maging sa loob ng US. Maraming kabataang estudyante sa US ang nangahas na maglunsad ng mga protesta at diskusyon sa mga unibersidad sa gitna ng matinding panggigipit sa kanila.

Sa Pilipinas, nakiisa ang Moro-Chiristian Peoples Alliance (MCPA) sa pandaigdigang panawagan ng agaran at permanenteng tigil putukan sa Gaza.

Ayon kay Amirah Lidasan, pangkalahatang kalihim ng MCPA, “mula nang naputol ang tigil-putukan, ang Zionistang Israel at ang numero uno nitong taga pondo ay walang ipinakitang awa sa mga kapatid na Palestino.”

Nananawagan siya sa internasyunal na komunidad na patuloy na himukin ang kanilang mga lider na gumawa ng aksyon laban sa walang patid na pag-aatake ng Israel. “Ang paglaya ng isa ay paglaya ng lahat, lalo na ngayon sa harap ng matinding paglabag sa karapatang-tao, hindi tayo dapat tumigil hangga’t hindi nakakalaya ang Palestine,” aniya.

Noong Mayo 23, nagsagawa ang grupo ng porum at martsa sa University of the Philippines-Diliman. Nakataon ito sa ika-8 anibersaryo ng pagpataw ni Rodrigo Duterte ng batas militar sa Mindanao at pagdurog sa Marawi City, ang kaisa-isang syudad na Islam sa bansa, noong 2017.

Operation Gideon's Chariots, pamatay na dagok ng Israel at US sa milyun-milyong Palestino