Pribatisasyon ng CBK Hydroelectric Plant, kinundena
Mariing binatikos ni Atty. Carlos Zarate, dating kinatawan ng Bayan Muna, ang plano ng rehimeng US-Marcos na isapribado ang Caliraya-Botocan-Kalayaan (CBK) complex. Aniya, magdudulot lamang ito ng lalong pagmahal ng singil sa kuryente na dagdag pasanin ng mamamayang nakaasa sa serbisyo.
“Ang gubyerno dapat ang may kontrol sa mga pangunahing serbisyo tulad ng kuryente. Sa halip na ibenta ang CBK, dapat itong gawing modelo ng renewable energy na magpapababa ng singil sa kuryente para sa lahat,” dagdag ni Zarate.
Nakatakda ang pribatisasyon ng CBK complex sa katapusan ng Hunyo ngayong taon. Ayon sa Department of Finance (DOF) maaring kumita ang gubyerno ng ₱50 bilyon ($897.99 milyon) hanggang ₱100 bilyon mula sa pagsasapribado ng pasilidad.
Ang 728 megawatt (MW) Caliraya-Botocan-Kalayaan hydropower complex ang natatanging gumaganang hydroelectric facility na pagmamay-ari ng Pilipinas. Ito rin ang pinakalumang hydropower plant sa bansa.
Binubuo ang CBK complex ng Botocan hydro electric power plant (HEPP) na itinayo noong 1939 na may 20.8 MW na kapasidad, ng Caliraya HEPP na itinayo noong 1942 na may kapasidad na 22MW, at ng Kalayaan pump storage power plant na itinayo noong 1983. Nakatayo ang mga planta sa mga barangay sa Kalayaan, Lumban at Majayjay sa Laguna.
Ang complex ay unang pinaunlad sa ilalim ng National Power Corporation (NAPOCOR). Noong Pebrero 7, 2001, upisiyal na pinangasiwaan ng CBK Power Company Limited ang pangangasiwa sa CBK complex sa ilalim ng Built-Rehabilitate-Operate-Transfer scheme ng gubyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng NAPOCOR na syang matatapos pagkalipas ng 25 taon.
Noong Abril 2005, nakuha mula sa orihinal na may-ari ang CBK BROT Agreement ng dalawang Japanese na kumpanya—ang Electric Power Development Co., Ltd (J-Power) at Sumitomo Corporation. Matatapos ang kontrata nito sa Pebrero 2026.
Ang CBK complex ay isa sa tatlong natitirang malaking planta ng kuryente na pag-aari ng gubyerno. Ipinailalim ang mga ito sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) para sa pribatisasyon ng mga pasilidad. Ang dalawa pang nakatakda na ring ibenta ay ang 932MW Agus-Pulangui hydropower complex sa Mindanao grid; at ang 210MW Mindanao coal plant.