Pagdurusa ng mga Pilipino sa pagtugis ng rehimeng Trump sa mga imigrante
Mula nang muling maupo si Donald Trump bilang presidente ng US nitong Enero, walang awat ang malawakang pag-atake, panunugis, sapilitan at arbitraryong pagpapalayas o deportasyon sa mga manggagawang imigrante sa US. Mula Enero hangang Mayo ay umabot na ng lagpas 271,000 na mga imigrante ang pinadeport na administrasyon habang hindi bababa 49,184 na imigrante ang kasalukuyang nakadetine sa iba’t ibang pasilidad ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) sa US.
Ayon sa embahada ng Pilipinas at batay sa mga kasong hawak ng Tanggol Migrante, tinatayang hindi bababa sa 30 Pilipinong imigrante ang naiulat na napadeport ngayong taon. Hindi makuha ang eksaktong bilang ng nakadetine o nadeport ng ICE dahil wala itong inilalathalang impormasyon.
Nasa 150,000–370,000 ang Pilipinong walang dokumento o iligal na naninirahan sa US.
Ayon sa Bayan USA, hindi sapat ang ginagawang aksyon ng embahada ng Pilipinas sa US at mga konsulado nito para sa mga Pilipinong imigranteng nakakulong at nakatakdang pauwiin. Labis ang kanilang kapabayaan at kawalang pakialam sa mga Pilipinong imigrante na naghahanap ng tulong. Kahit ang ayudang Assistance to the Nationals Fund ng embahada ay ipinagkait sa mga nangangailangan.
Sa harap ng kapabayaan ng rehimeng US-Marcos, patuloy ang pagkakampanya at pag-oorganisa ng mga organisasyon sa US sa pangunguna ng Tanggol Migrante, mga alyadong organisasyon, at mga Pilipino sa komunidad. Naglunsad sila ng iba’t ibang aktibidad tulad ng press conference, rali, pagdalaw sa mga nakadetine, pagpapadala ng sulat sa mga hukuman at pagkalap ng donasyon para sa agarang pagpapalaya sa mga idenitine at pagtulong sa kanilang mga pamilya.
Dahil sa sama-samang pagkilos ng mga mamamayan sa US, nagawa nilang mapalaya si Michelle (hindi tunay na pangalan) noong Abril 30 at si Lewelyn Dixon noong Mayo 29, parehong idenitine sa NorthWest ICE Detention Center (NWDC) sa Tacoma, Washington.
Kasalukuyan pa ring nakadetine sina Maximo Londorio, Rodante Rivera, Ligaya Jensen at Alma Bowman, na mga residente ng US na ilang dekada nang naninirahan dito.
Nanawagan naman ang mga demokratikong organisasyon sa US ng kagyat na aksyon mula sa gubyerno ng Pilipinas. Anila, dapat nitong bigyan ng sapat na suporta ang lahat ng imigrante, kabilang ang nahaharap sa deportasyon, trafficking o pagnanakaw ng sahod. Nanawagan rin sila kay Ambassador Jose Manuel Romualdez na bumaba na lamang sa pwesto kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang trabaho na ipagtanggol ang mga Pilipino sa US.