2 kabataan, pinatay ng militar
Hustisya ang panawagan ng mga kaanak para sa 24-anyos na si Junjun Binoy na pinaslang ng mga sundalo ng 94th IB sa Sityo Bugtangan, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Hunyo 6. Pinalalabas ng mga sundalo na myembro siya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at napaslang sa isang armadong labanan.
Samantala, tinortyur at binugbog ng mga sundalo ang 59-anyos na ama ni Binoy na si Judy, na kasama niya noon.
Sa Surigao del Sur, pinatay ng elemento ng special forces ng militar ang 25-anyos na si Davie Ugking sa Km 9, Barangay Diatagon, Lianga noong Hunyo 6. Pauwi ang biktima mula sa trabaho nang pagdiskitahan ng militar. Tinorytur si Ugking bago pinatay batay sa mga pasa at sugat sa kanyang katawan.
Pag-aresto. Sa Agusan del Sur, siyam na indibidwal ang inaresto ng mga pulis at militar habang bumabyahe at pinahinto sa isang tsekpoynt sa bayan ng Bunawan noong Hunyo 13 ng gabi. Ang mga inaresto ay sina Charisse Bernadine Bañez, Ronnie Igloria, Louvaine Erika Espina, Sinag Lugsi, Larry Montero, Daryl Man-Inday, Arjie Guino Dadizon, Grace Niknik Man-aning, at Leo Taba, kasama ang dalawang drayber. Dinakip sila sa bintang ng iba’t ibang kasong kriminal at paratang na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.
Ayon sa ulat, sapilitan silang pinababa sa mga sasakyan at pinadapa ng dalawang oras. Makalipas nito, isinagawa ang “paghahalughog” sa kanilang gamit at sasakyan kung saan nakumpiska ang mga armas at pampasabog. Sa sumunod na araw, naiulat na nawawala si Taba at ang dalawang drayber ng mga van na sinakyan nila.
Sa Bohol, inaresto sa hindi pa malinaw na kaso ang pangkalahatang kalihim ng Hugpong sa mga Mag-uumang Bol-anon (HUMABOL)-KMP na si Joemar Pogio sa kanyang bahay sa San Miguel noong Hunyo 8.
Demolisyon. Sa Bukidnon, sa kabila ng mariing pagtutol ng mga residente ay itinuloy ng Central Mindanao University, katuwang ang daan-daang pulis, ang marahas na demolisyon sa mga bahay ng mga magsasakang naninirahan sa Barangay Dologon Maramag noong Hunyo 16. Ang mga residente ay mga kasapi ng Buffalo-Tamaraw-Limus Multipurpose Cooperative at Musuan Inhabitants’ Landless Farmers Association.
Daan-daang bahay ang winasak sa demolisyon, na nag-iwan sa 1,566 magsasaka na walang matirhan. Limang residente ang inaresto ng mga pulis matapos makiusap na anihin ang kanilang mga tanim na palay.