Kontrol ng US sa militar at mga usaping seguridad ng Pilipinas, lalong pinahihigpit

,

Noong Hunyo 12, ginunita ng iba’t ibang grupong makabayan ang ika-127 taon ng huwad na kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng protesta sa harap ng embahada ng US sa Maynila. Binatikos nila ang umiigting na panghihimasok at interbensyong militar ng US sa Pilipinas at ang kriminal na papel ng US sa henosidyo sa Palestine.

Kinundena nila ang patuloy na pagpapalawak ng mga base militar ng US, dumaraming iniimbak nitong sandata at inilulunsad na war games sa Pilipinas. Batid nilang ginagamit ng papet na rehimeng US-Marcos ang sigalot sa dagat ng Pilipinas sa China para bigyang katwiran ang paghahanda ng digmaan gamit ang bansa bilang lunsaran.

Nitong unang hati lamang ng taon, tatlong malaking war games ang patong-patong na inilunsad ng US, bago at matapos ang dambuhalang Balikatan. Lumahok dito ang libu-libong tropang Amerikano, dala ang daan-daang mga sasakyan at armas na inilagak sa iba’t ibang dako ng bansa. Kabilang sa mga ginamit sa mga war games ang Typhon Mid-Range Capability missile system, Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) at Marine Air Defense Integrated System (MADIS). Kamakailan, inianunsyo ng US ang paglalagak ng dagdag na mga Typhon missile system sa bansa.

Isa sa mga war games na ito ang Salaknib Phase 2 na isinagawa sa Nueva Ecija, Cagayan at Batanes, hanggang Hunyo 20. Tulad noong 2024, pinamunuan ito ng Joint Pacific Multinational Readiness Center-Exportable (JPMRC-X) ng US para sa “reyalistikong pagtutuwangan” ng mga hukbo ng US, Pilipinas at iba pa laban sa “banta sa seguridad sa Indo-Pacific,” na walang ibang pinatutungkulan kundi ang China. Kasabay ng Salaknib 2, isinagawa ang Kamandag sa Luzon at Kasangga ng Pilipinas at Australia sa Mindanao.

Natatangi ang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa dami ng mga kasunduang militar na pinasok nito at ng pasistang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga kaalyado ng imperyalistang US.

Sa balangkas ng Indo Pacific Strategy ng US, nakipagkasundo si Marcos noong 2023 para paramihin ang mga base militar ng US sa bansa sa ilalim ng EDCA. Pumailalim siya at ang AFP sa Bilateral Defense Guidelines at pinormalisa ang pagbabahagi sa US ng maseselang datos paniktik kaugnay sa pambansang seguridad sa pinirmahang Military Intelligence Sharing Agreement noong 2024.

Hindi bababa sa lima pang kasunduang militar sa mga alyado ng US ang pinirmahan at pipirmahan ng rehimen mula 2022 hanggang 2025. Sa mga kasunduang ito, binigyan ni Ferdinand Marcos Jr ng “unli access” (walang limitasyong akses) ang mga tropang dayuhan sa mga rekurso, lupa, himpapawid at karagatang Pilipino. Pinahintulutan rin niya ang mga tropang Japanese, New Zealander, Canadian at French, at kung sinu-sino pang imbitado ng US na mamayagpag sa Pilipinas nang halos walang pananagutan sa lokal na mga alintuntunin at batas.

Isa sa mga kasunduang ito ang Japan-Philippines Reciprocal Access Agreement (RAA) na pinagtibay ng parlamento ng Japan noong Hunyo 6. Una itong pinirmahan ng mga kinatawan ng dalawang bansa noong nakaraang taon at niratipikan ng Senado ng Pilipinas noong Disyembre 2024. Kapwa sa Japan at Pilipinas, mahigpit na tinutulan ng mamamayan ang kasunduan na ito na anila’y nagsisilbi lamang sa heyopulitikal na mga ambisyon kapwa ng Japan at US.

Noong Abril, magkasunod na nilagdaan ng rehimeng Marcos ang Defense Cooperation Agreement kasama ang Germany at ang Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) kasama ang New Zealand. Ang una ay para makapagbenta ang Germany ng mga armas nito sa Pilipinas nang may basbas ang US, habang ang pangalawa ay para pahintulutan ang mga tropa ng New Zealand na maglabas-masok sa bansa para lumahok sa mga war games at operasyong kombat na pinangungunahan ng US. Dalawa pang SOVFA, sa Canada at France, na may parehong tunguhin at dahilan, ang nakatakdang pirmahan ni Marcos ngayong taon. Dagdag ang mga ito sa SOVFA na pinirmahan ng Pilipinas sa Australia noong 2007.

Sa pamamagitan ng mga kasunduang ito, niyayakag ni Marcos ang lahat ng mga kasabwat ng US na yurakan ang soberanya ng Pilipinas at gamitin ang bansa at mga Pilipino na animo’y mga pyesa sa laro ng pakikipaggitgitan nito sa China. Isa itong malaking pagkakamali dahil lalo nitong hinihiwalay ang Pilipinas sa mga karatig-bansa at nagdadagdag ng ligalig sa rehiyong Asia.

Kontrol ng US sa militar at mga usaping seguridad ng Pilipinas, lalong pinahihigpit