Mga aktibistang Pilipino sa US, lumahok sa protesta laban kay Trump
Milyun-milyong mamamayan ng US ang naglunsad ng mga protestang tinaguriang araw ng “No Kings” (o Walang Hari) noong Hunyo 14, bilang pagtutol sa pasismo at anti-mamamayang mga patakaran ng rehimeng Trump. Umabot sa 2,000 protesta sa 1,500 syudad ang inilunsad sa buong bansa.
Tinawag ang protesta na “No Kings” laban sa pag-aastang-hari ni Trump, at pag-angkin ng kapangyarihang lagpas sa pagiging presidente. Panawagan din ito para sipain siya sa kanyang “trono.”
Sa Los Angeles, ang protesta na ito ay kasunod nang mahigit isang linggong malawakang protesta laban sa pagtugis sa mga imigrante at pagdeploy ng National Guard at Marines sa syudad. Kabilang sa lumahok sa mga protesta ay ang Migrante LA, Anakbayan LA, Gabriela LA at National Alliance for Filipino Concerns. Umabot sa 330 imigrante sa syudad ang idinetine ng ICE mula Hunyo 6.
Kasabay ng pagdalo ng mga pambansang demokratikong organisasyon sa “No Kings,” nagsabit ang mga myembro ng Anakbayan Philadephia ng istrimer na may panawagang “US Out of the Philippines” sa may Vine Street, Expressway, Philadelphia.