Koresponsal Mga krimen ng berdugong 8th ID sa Samar

,

Patung-patong ang paglabag ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakapailalim sa 8th ID sa internasyunal na makataong batas sa paghahabol nitong ideklarang “insurgency-free” ang isla ng Samar.

Noong Hunyo 15, binaril ng nag-ooperasyong mga sundalo ng 63rd IB ang 16-taong gulang na estudyanteng si Jayson Grafil Padullo sa Bagong Bario, Barangay Pinanag-an, Borongan City sa Eastern Samar. Papunta lamang si Padullo, kasama ang isang kaibigan, sa bukirin para sunduin ang kanyang ama.

Noong Hunyo 8, minasaker ng 20th IB ang tatlong magsasaka sa Barangay Nagoocan, Catubig, Northern Samar na pinalalabas na kabilang sa limang napaslang sa isang diumano’y armadong engkwentro. Ayon sa PKM-Northern Samar, sina Noel Lebico Sr, Arnel Aquino at Nonoy Norcio na mga tinukoy ng 8th ID na napatay nito ay mga ordinaryong magbubukid na matagal nang target ng brutal na kampanyang pagpapasuko ng 8th ID. Si Aquino ay dati nang inaresto ng 20th IB noong 2017.

Sa mga araw ding iyon, kumalat sa social media ang mga mensahe at bidyo ng mga residente ng ilang bayan sa Northern Samar hinggil sa hirap na dulot ng hamlet o pagsosona sa kanilang mga baryo. Inilantad ng mga taga-Las Navas, Catubig, Mapanas, Gamay at Palapag ang kanilang kalagayan, at nanawagan sa 8th ID na tapusin na ang paghahamlet na ipinataw simula Hunyo 8 para makapagtrabaho sa bukid. Ikinababahala nila ang patung-patong na gastusin sa pasukan, mga babayarang utang, at pang-araw-araw na pangangailangan.

Pagsosona sa mga komunidad

Dati nang ginagawa ang paghahamlet sa rehiyon ngunit sinimulan itong tawaging “lockdown” noong 2020, upang palusutin sa gitna ng pandemya. Sapilitang pinasunod ng mga pasistang tropang bahagi ng Retooled Community Support Program o RCSP na nakapakat sa baryo ang mga residente. Sa tabing ng sensus, nilibot nila ang kabahayan para isailalim ang masa sa interogasyon hinggil sa rebolusyonaryong kilusan.

Paglipas ng pandemya, nakagawian na ng lahat ng mga yunit ng 8th ID, na pagsosona tuwing may “nakakasagupang” kasapi ng BHB, may pinaghihinalaang presensya ng hukbong bayan, o may magsasakang pilit na “pinasusuko.” Umaabot ng mula isang linggo hanggang ilang buwan ang tuluy-tuloy na paghahamlet. Maaaring magkaroon ng apat o higit pang malawakan, magkakapanabayan, at walang-patlang na paghahamlet sa isang taon.

Matindi ang epekto ng kahit isang panahon na paghahamlet. Hindi nakakapaghanapbuhay ang masa sa bukid, hinahalungkat ang mga bahay at dala nila, at pinagbibintangang kasapi o tagasuporta ng BHB ang sinumang makakasalubong sa labas ng baryo. Hindi iilan ang sibilyang inistraping dahil tumatakbo sila sa takot sa mga sundalo.

Sa mga barangay Hitapi-an at Roxas, Catubig, naabala ang mga residente sa sapilitang pagpapa-logbook kahit para lamang sa maiiksing lakad malapit sa baryo. Nilimitahan din ng mga sundalo ang oras ng pagtrabaho sa bukid.

Kampanya sa pagpapasurender

Sa ilalim ng mga hamlet, pinaiigting ng militar ang kampanyang pagpapasuko. Noong 2024, inistraping ng 74th IB ang ilang magsasakang nagtatrabaho sa koprasan sa Sityo Canonghan, Barangay Osmeña, Palapag. Hinuli ang mga biktima, kabilang ang mga menor de edad, at dinala sa pabahay para sa mga “surenderi” sa bayan ng Mondragon. Ginawang pain ang mga dinakip upang ipresyur na “sumuko” ang mga kaanak nilang matagal nang hinahabol ng militar.

Lalong nahihikayat na magpataw ng hamlet ang militar dahil limpak-limpak ang pondong nahuhuthot nila mula sa Enhanced Community Livelihood Integration Program o E-CLIP, ang programang nag-aalok ng barya-baryang pabuya sa mga “surenderi.” Mas marami ang “surenderi,” mas malaki ang kita. Sa pamamagitan ng paghahamlet, napadadali ang mas maraming “pagsuko” ng masang kumakalam ang sikmura.

Sa bayan ng Palapag, ilang pinasukong residente ang ipinalabas na nabigyan ng tig-₱40,000 na ayudang panghanapbuhay ngunit ₱4,000 lamang ang natanggap nila. Sa Gamay, ₱10,000 ang diumano’y ibinigay sa kada “surenderi,” ngunit ₱6,000 nito ay diretsong ipinabulsa kay Renato “Renay” Rebay, sagadsaring traydor at mamamatay-taon.

Sa Las Navas, hindi naiuwi ng mga “surenderi” ang mga delata at saku-sakong bigas na ginamit sa mga litrato matapos iparada katabi ng meyor at ng mga upisyal ng 20th IB.

Mga krimen ng berdugong 8th ID sa Samar