Nawalan ng trabaho sa agrikultura bunga ng kapabayaan at pangangamkam ng lupa

,

Patuloy na lumulubha ang kalagayang pangkabuhayan ng masang magsasaka sa kanayunan. Mayorya ng mga magsasaka ay wala o kulang sa lupa, at walang ibang hanapbuhay na mapagkakakitaan.

Hindi ito mapagtakpan kahit duktorin pa ng rehimeng US-Marcos ang mga estadistika. Sa kamakailang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), mahigit 609,000 ang nawalan ng trabaho sa sektor ng agrikultura noong Marso 2024 hanggang Abril 2025. Tinatayang nasa 483,000 dito ay mga magsasaka na nagtatanim ng palay. Sa datos naman ng Ibon Foundation, aabot sa dalawang milyon ang nawalan ng trabaho sa agrikultura noong 2024, habang sa sektor ng pangisda, 276,000 mamamalakaya ang nawalan ng trabaho sa taong 2024.

Ang sumisidhing krisis sa kabuhayan sa kanayunan ay bunga pangunahin ng atrasadong sistema sa agrikultura at kawalan ng industriya. Ani Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang patuloy na pagtaas ng bilang ng walang trabaho ay hindi simpleng usapin ng “hindi tugma ang kasanayan.” Ito ay direktang epekto ng hindi lumalago na agrikultura at sektor ng industriya na syang dapat na pagkukuhanan ng sustenableng trabaho, aniya.

Lalong nalulugmok sa kahirapan ang masang magsasaka dulot ng pagbabago ng klima, sunud-sunod na bagyo at sakuna, patuloy na pagbagsak ng presyo ng produkto, pagbaha ng imported na mga agrikultural na produkto, pagpalit-gamit sa mga lupa, militarisasyon at marami pang iba.

Nagpapatuloy at lalupang lumala ang kalagayan ng mga magsasaka sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Dagdag sa huwad na programang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ipinatupad nito ang iba pang mga neoliberal na programa tulad ng Support to Parcelization of Lands for Individual Tilting (SPLIT), New Agrarian Emancipation Act (NAEA), Build Better More at EO 18 o Green Lanes for Strategic Investment para sa mga proyekto sa enerhiya.

Resulta ng mga patakarang ito ang pagpapalayas sa mga magsasaka sa kanilang mga lupa, paghahati-hati para makontrol ang mga magsasaka, habang binibigyang pabor ang mga panginoong maylupa, oligarikya at mga dayuhang mamumuhunan. Ilan sa mga halimbawa nito ang pagpapalayas sa mga magsasaka sa Lupang Ramos sa Cavite, Hacienda Tinang sa Tarlac, komunidad ng BTL sa Bukidnon at ang pinakamukha ng kahungkagan ng CARP, ang Hacienda Luisita ng pamilyang Cojuangco-Aquino.

Mula Hulyo 2022 hangang Enero 2025, nakapamahagi diumano ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng halos 195,000 na titulo ng lupa. Ganunpaman, 68% dito ay mula sa SPLIT—pinaghati-hati na kolektibong Certificate of Land Ownershio Award (CLOA) at hindi mga bagong lupa na pinamahagi sa mga magsasakang walang lupa. Sa kabila ng malaking pondo, 12% lamang ang naabot mula sa target ng programang SPLIT.

Upang palabasing tinutupad ng rehimeng US-Marcos ang kanyang tungkulin sa mga magsasaka, tusong umikot siya sa iba’t ibang prubinsya upang mamigay ng mga walang kwentang titulo. Sa katunayan, ang SPLIT at NAEA ay mga iskema upang ihanda ang mga lupa para sa “malayang pamilihan” kung saan ibebenta, pauupahan o papalitan ng gamit ang mga agrikultural na lupa.

Ani Ramos, “Ang layunin ng mga programa ay hindi para matiyak ang karapatan ng mga magsasaka kundi upang hawanin ang daan para sa mga real estate, imprastraktura, at mga kumpanya sa enerhiya na makuha ang mga lupa na nakapailalim sa CARP.”

Ayon sa datos ng KMP, nasa 28% ng parsela ng lupa lamang ang pag-aari ng mga magsasaka, sa ganoon, 7-8 sa 10 magasasaka ay walang sariling lupa. Sa hanay ng mga panginoong maylupa, 20% ng lupang sakahan ay pag-aari nila, habang 68% lahat ng sakahan ay pinagkasya sa 13% ng lupa.

Sa ilalim ng banderang “berde” na pag-unlad, pinabilis ng rehimeng US-Marcos ang pagbigay ng pahintulot sa mga kumpanya na mangamkam ng lupa laluna ang mga dayuhang namumuhunan. Nasa ₱5.239 trilyon na halaga ng mga proyektong renewable energy ang nagbabantang magpapalayas sa libu-libong mamamayan.

Maliban pa rito, may 207 na proyektong imprastraktura tulad ng Bulacan International Airport, New Clark City Pampanga, at TARI estate sa Hacienda Luisita na magpapalayas sa mga magsasaka at katutubo, sisira sa kabuhayan at magtataas sa presyo ng lupa para sa benepisyo ng mga namumuhunan.

Nawalan ng trabaho sa agrikultura bunga ng kapabayaan at pangangamkam ng lupa