Pambobomba, pamamaslang at panggigipit, walang awat
Taliwas sa binanggit ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang ika-4 na SONA na “tahimik” at “mapayapa” na ang Pilipinas at na “wala nang grupong gerilya” sa bansa, walang awat ang mga pambobomba, pamamaslang at panggigipit ng mga pwersa ng militar at pulis sa mga sibilyang komunidad at lumalabang mamamayan sa tabing ng kampanyang kontra-insurhensya.
Pambobomba. Takot, troma at pangamba ang hatid ng pambobomba at pang-iistraping mula sa himpapawid ng AFP sa mga sibilyang komunidad sa Northern Samar at Quezon.
Ilang ulit na nagpakawala ng bomba mula sa himpapawid ang 8th ID sa Barangay San Isidro, Las Navas, Northern Samar noong Hulyo 31, alas-2:30 ng madaling araw. Sinasabi ng militar na tinarget ng pag-atakeng ito ang isang yunit ng hukbong bayan sa lugar, gayunman, lubha itong nakaapekto sa sibilyang populasyon. Matapos nito, ipinailalim sa hamlet ng 8th ID ang Barangay San Isidro at ang mga barangay na nakapalibot dito kabilang ang Barangay Imelda.
Sa Quezon, biktima ng pag-iistraping, panganganyon at pambobomba ng 16th IB ang Barangay Maguibuay, Tagkawayan noong Agosto 2. Dalawang helikopter ang nang-istraping ang ginamit sa istraping para umano tugisin ang nakaengkwentrong yunit ng hukbong bayan noong umaga sa araw na iyon.
Pagpatay at tangkang pagpatay. Binaril at napatay sina Rudolph Dela Cruz Espe at Rico Gonzaga Malubay, mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatan ng katutubo, sa Banaybanay, Davao Oriental noong Hulyo 27. Pareho silang aktibong lumalaban sa mapangwasak na mina sa prubinsya dahil sa pinsalang idinudulot nito sa kapaligiran at kabuhayan ng mamamayan. Nagsilbi rin silang mga paralegal ng mga abugado ng Atene de Davao University sa nakaraan.
Sa Occidental Mindoro, dinakip at sadyang pinaslang ng mga sundalo ng 4th IB ang sibilyang si Juan Sumiling sa Sityo Salidang, Barangay Naibuan, San Jose noong Agosto 1. Ang biktima ay pinalabas ng mga sundalo na myembro ng hukbong bayan na napatay sa isang engkwentro. Pinasinungalingan ito ng National Democratic Front-Mindoro.
Sa General Santos City, malubhang nasugatan si Warren Cahayag, tagapagtanggol ng karapatang-tao, matapos ilang beses na barilin sa Purok Bliss, Barangay Calumpang noong Hulyo 28. Si Cahayag ay isang paralegal na kabilang sa nagtatag ng Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao noong 2005.
Panggigipit. Noong Hulyo 28, isang sundalo ng 17th IB ang nagtanong tungkol kay Jacqueline Ratin, lider-pesante at kababaihan sa Cagayan Valley, sa upisina ng barangay ng Gabut, Amulong, Cagayan. Muli siyang tinarget ng panggigipit matapos tumulong sa pag-aayos ng disaster relief operation sa prubinsya.
Sa Central Negros, inakyat at kinatok ng mga sundalo ang bahay ng mga sibilyang residente sa Sityo Tagbak, Barangay Trinidad, Guihulngan City nang walang kahit anong ligal na dokumento noong Agosto 1. Bago nito, iligal na nagkampo ang mga sundalo sa bahay ng isang sibilyan sa Sityo Sampungan, Barangay Macagahay, Negros Occidental noong Hulyo 26.