Naagnas na kapayapaan Proseso ng pagbubuwag sa BIAF, itinigil ng MILF

,

Noong Hulyo 19, pinagtibay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang resolusyon para itigil ang pag-dekomisyon o pagtatanggal sa 14,000 mandirigma mula sa armadong grupo nitong Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) at pagsasalong sa 2,450 nilang armas. Alinsunod sa resolusyon, mananatili ang desisyon hanggang hindi naipatutupad ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) ang maraming probisyon na dapat kasabay ng proseso ng “normalisasyon” ng buhay ng mga mandirigmang Moro. Ang naturang proseso ay bahagi ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), ang “pinal na kasunduan sa kapayapaan” na pinirmahan ng dalawang panig noong 2014.

Ayon sa MILF, sa lampas 10 taon na pag-iral ng CAB, subalit nabigo ang GRP na tumupad sa mga obligasyon nito sa kasunduan. Ayon sa isang pag-aaral na inilabas ng dayuhang mga institusyong sumusubaybay sa proseso, sangkatlo lamang sa 40 probisyon ng prosesong normalisasyon ang lubos na napatupad, kalakhan sa panig ng MILF. Kalahati (20) sa mga probisyon ay nanatili sa antas ng “minimun na pagpapatupad,” apat ang “kalahating naipatupad” at lima ang hindi pa nasisimulan. Marami sa mga probisyong minimum at buong naipatupad ay naganap sa unang mga taon lamang ng kasunduan.

Kabilang sa halos hindi ipinatupad ang paglilipat ng mga tropa at yunit ng AFP mula sa mga teritoryo ng MILF at integrasyon ng mga mandirigmang Moro sa pwersa ng militar at pulis. Hindi ipinatupad ang pagsasaayos ng mga kampo, kung saan nakatira kapwa ang mga mandirigma at kanilang mga pamilya. Hanggang ngayon, marami pang mandirigma na may kasong may kaugnayan sa armadong sigalot ang hindi pa nabibigyan ng amnestiya.

Ang masaklap, 14% lamang ng mga proyektong sosyo-ekonomiko ang ganap na naipatupad. Mahigit 43% ang bahagya lamang nasimulan at 29% ang ni hindi pa naipatupad. Dahil dito, nauwi sa wala ang kabuhayan ng maraming na-dekomisyon nang mandirigma at nasadlak sa ibayong kahirapan at gutom ang kanilang mga pamilya.

Sa bahagi ng MILF, umaabot sa 26,145 kombatant nito ang na-dekomisyon at mahigit 2,000 na ang nasalong nilang armas. Ang bilang na ito ay 65% sa buong 40,000 armadong pwersa ng grupo. “Wala ni isa” sa kanila ang matagumpay na “nagtransisyon sa produktibong buhay sibilyan” dahil ang mga rekisito para rito ay hindi natupad, liban sa pagbibigay ng ₱100,000 kada mandirigma, ayon sa MILF. Ayon sa MILF, “dapat munang magkaroon ng makabuluhang interbensyong sosyo-ekonomiko para sa mga kombatant na natukoy nang paatrasin bago isunod ang iba pang mga kombatant,” ayon sa MILF.

Hindi lamang sa mga usapin sa ekonomya palpak ang tugon ng reaksyunaryong estado. Ilang beses na rin nitong sinagkaan ang proseso sa pagsasarili ng pamamahala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Dalawang beses na nitong ipinagpaliban ang eleksyon para itatag ang parlamentong Bangsamoro. Noong Marso, makaisang panig na pinalitan ni Ferdinand Marcos Jr si Ahod “Murad” Ebrahim bilang punong ministro ng Bangsamoro Transition Authority, at winakasan ang mayoryang kontrol ng MILF dito. Tinawag ni Ebrahim ang hakbang bilang “tahasang pakikialam” ng pambansang gubyerno sa mga proseso ng BARMM at binalaan ang rehimeng Marcos laban sa pagpapahina sa proseso ng pagtatayo ng awtonomiya na itinakda ng CAB.

Umasa ang maraming Moro sa kapayapaan at pag-unlad ng ipinangako ng CAB. Pero lampas 10 taon mula nang pirmahan ito, nanatili silang lugmok sa kahirapan. Bumubuntot ang tantos ng lokal na pag-unlad at nananatiling isa sa pinakamahirap na rehiyon ang BARMM. Halos doble ng pambansang abereyds ang tantos ng disempleyo dito, at 89% ng mga manggagawa dito ay nasa impormal na sektor. Ang pinakamataas na minimum na sahod sa rehiyon ay ₱411 para sa mga manggagawang di agrikultural at ₱386 para sa mga manggagawa sa agrikultura, kabilang sa mga manggagawa sa komersyal na plantasyon. Ang mga halagang ito ay 34% at 32% lamang sa minimum na nakabubuhay na sahod na ₱1,200.

Proseso ng pagbubuwag sa BIAF, itinigil ng MILF