Pang-aabuso sa mga Pilipinong migrante, napaimbestigahan

,

Sa tulak ng mga organisasyong Pilipino, nailunsad ang magkahiwalay na imbestigasyon sa kalagayan ng mga migranteng Pilipino sa The Netherlands at South Korea.

Noong Agosto 1, naglunsad ng imbestigasyon ang Ministry of Employment and Labor ng South Korea kaugnay sa reklamong hindi pagpapasahod sa 91 Pilipinong manggagawa sa sakahan ng Yanggu, Gangwon Province. Pumasok ang mga migrante sa Korea sa pamamagitan ng “seasonal worker program,” isang inisyatiba ng gubyerno na nagpapahintulot sa mga dayuhang manggagawa na magtrabaho sa bansa sa limitadong panahon upang punan ang malawakang kakulangan ng mga manggagawa tuwing panahon ng pagtatanim o anihan at pangingisda.

Sa The Netherlands, naitulak ng mga organisasyon ang imbestigasyon sa hindi makataong kundisyon sa paggawa kung saan sangkot ang 11 migranteng Pilipino. Nagtatrabaho sila bilang mga tagalinis sa isang sikat na sangay ng mga gym para sa mayayaman at mga artista na Saints and Stars Gym sa Amsterdam. Ayon sa isinampang reklamo, pinagtatrabaho sila, kasama ng mga migranteng manggagawang Indonesian, nang buong linggo nang lagpas 12 oras kada araw. Kinuha ng superbisor ang kanilang pasaporte at minsan ay hindi sila sinasahuran. Nagsisiksikan ang 11 sa kanila sa apat na maliliit na kwarto. Ang kanilang kalagayan ay labag sa Minimum Wage and Minimum Allowance Act at Working Hours Act ng bansa. Walang permit para magtrabaho ang mga migranteng manggagawa.

Inimbestigahan ng Labour Inspectorate ang kaso na nagresulta sa pag-aresto ng Public Prosecution Service sa akawntant ng kumpanya sa posibleng kaso ng pagdudoktor ng mga dokumento at rekord ng kumpanya.

Naglunsad ng kampanya ang Migrante Korea at Bayan Europe upang ipanawagan ang hustisya para sa sa mga migranteng Pilipino. Maliban dito, nanawagan rin sila ng pananagutan mula sa rehimeng US-Marcos na nagpapatuloy ng labor export program.

Pang-aabuso sa mga Pilipinong migrante, napaimbestigahan