PENCAS at SFLMA: Pagkalakal ng rehimeng US-Marcos sa likas na yaman ng Pilipinas
Ang Pilipinas ang isa sa 17 bansa sa mundo na may masaklaw at ekstra-ordinaryong kalikasan at saribuhay. Mayroon itong 52,177 uri ng halaman at hayop, halos kalahati ay sa bansa lamang makikita. Sa kabilang banda, ang Pilipinas din ang may pinakamabilis na pagkasira ng kalikasan at pagkawala ng nanganganib na mga uri ng hayop at halaman dahil sa walang pakundangang pandarambong ng mga dayuhan at lokal na mga korporasyon.
Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, ang pandarambong sa kalikasan at likas na yaman ng bansa ay naging mas sistematiko, malawak at mabilis dahil sa pagpapatupad ng Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS) Act at Sustainable Forest Land Management Agreement (SFLMA).
Pagpepresyo sa kalikasan
Noong Mayo 22, 2024 isinabatas ng rehimen ang PENCAS, na layuning sukatin at lagyan ng presyo ang kalikasan ng bansa. Ayon sa batas, bubuo ang Philippine Statistics Authority ng kumprehensibong sistema ng impormasyon para sukatin ang halaga ng saribuhay at imbak ng likas na yaman ng bansa tulad ng lupa, kagubatan, tubig, at hangin. Gagamitin umanong pamantayan ang United Nations System of Environmental-Economic Accounting (SEEA).
Sa esensya, ang likas yamang hindi dapat naaari o nasusukat ang halaga ay nilagyan ng “price tag” para maibenta sa mga kumpanya.
Mula pa maagang bahagi ng 1990 itinutulak ng United Nations at World Bank ang Pilipinas na magbuo ng proyekto ng pagtatala ng likas na yaman at ugnayan nito sa lokal na ekonomya. Ito ang naging pundasyon para mabuo ang PENCAS. Inilalako ang batas para diumano mapadali ang proteksyon sa kalikasan. Makatutulong din diumano ang mga ganitong datos sa pagbubuo ng mga plano na nakabatay sa syensya sa pangangasiwa sa kalikasan at sa ekonomya ng bansa.
Ngunit ayon sa pananaliksik sa ibang bansa na nagpatupad ng SEEA, ang paglalagay ng presyo sa walang katumbas na halaga ay lalo lamang nagpapababa sa halaga ng kalikasan at nagdudulot ng hindi epektibo at hindi makatuwirang mga hakbangin ng gubyerno. Maaari ding abusuhin ang datos upang bigyang matwid ang pagsira sa kalikasan bilang mas kapakipakinabang para sa ekonomya.
Pagbebenta ng kagubatan
Hayagang nilalako naman ng rehimeng US-Macos para sa pandarambong at pang-aagaw ng lupa ang 1.2 milyong ektaryang kagubatan sa bahagi ng Davao, Soccsksargen at Caraga sa ilalim ng programang SFLMA. Ang programa ay inilunsad noong Hunyo 26 at pinapangasiwaan ng Forest Management Bureau ng DENR. Layon nitong pag-isahin ang walong klase ng permit sa paggamit sa kagubatan sa isang 25-taon na programa ng pagpapaarkila sa lupain na labas sa mga erya na nakapailalim sa National Integrated Protected Areas System.
Maaring mag-aplay ang indibidwal, grupo o kumpanya para pangasiwaan at paunlarin ang mga erya ng kagubatan, tulad ng pagtatayo ng plantasyon, agroforestry, pastulan, ekoturismo, konserbasyon, at “espesyal” na gamit tulad ng pantalan para sa paggawa ng mga barko, tistisan ng kahoy, kalsada, daanan ng eroplano, dike, at proyektong renewable energy. Sa ilalim ng programa, ang indibidwal na mamumuhunan ay maaari mamamahala ng 50 ektarya, ang mga organisasyon ng 1,000 ektarya, at ang mga kumpanya nang hanggang 40,000 ektaryang kagubatan.
Maaari ding magtanim ng puno ang mga dayuhang kumpanya upang “makansela” diumano ang pagsira nila ng kalikasan sa ibang lugar. Tinatayang makakakolekta ang DENR ng kita mula sa user’s fee na aabot sa ₱85,000 kada ektarya kada taon o 3% na netong kita, kasabay pa ang mga bayad sa aplikasyon at iba pang bayarin.
Ipinakikita ng mga hakbanging ito na habang nagpoposturang makakalikasan ang rehimeng US-Marcos, buo-buo nitong isinusuko ang natural na yaman ng bansa sa mga lokal at dayuhang malalaking burgesyang kumprador na magreresulta sa kapinsalaan sa milyun-milyong mga katutubo, magsasaka at mamamayan.