Sa ika-4 na SONA Papet, pasista at korap na rehimeng Marcos, siningil ng taumbayan

,

Libu-libong Pilipino ang nagtungo sa lansangan noong Hulyo 28 sa Metro Manila at mga prubinsya, maging sa ibayong-dagat, para ilantad ang tunay na kalagayan ng mamamayan sa ilalim ng tatlong taong paghahari ng rehimeng Marcos. Ang mga demonstrasyon, na taunang inilulunsad bilang pantapat sa State of the Nation Address (SONA) ng nakaupong presidente, ay tinagurian ngayong taon bilang SONA ng Paniningil.

Nagmartsa ang iba’t ibang sektor at grupo sa Commonwealth Avenue, Quezon City patungo sa House of Representatives sa Batasan Hills sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Tulad sa nakaraan, pinigilan ng libu-libong pulis ang martsa kaya natulak ang mga grupo na maglunsad ng programa ilang kilometro pa ang layo sa Batasan.

Ayon sa Bayan, ang SONA ng Paniningil ay ang lehitimo at demokratikong tugon ng bayan sa pagsasamantala at pang-aapi na ipinapatupad ng rehimeng US-Marcos.

Itinampok sa demonstrasyon ang kainutilan ng rehimen na tugunan ang epekto ng kamakailang magkakasunod na bagyo at hanging habagat na nagdulot ng matinding pag-ulan at pagbaha. Binatikos rin nila ang samutsaring balakid na ipinapataw ng mga institusyon ng estado, tulad ng Korte Suprema, na nagdiskaril sa paglilitis sa kasong impeachment laban sa bise presidente na si Sara Duterte.

Kinundena din sa pagkilos ang higit pang konsolidasyon ng kapangyarihang pampulitika ng rehimeng Marcos sa nagdaang mga taon sa pamamagitan ng pagsusunud-sunuran sa dikta ng imperyalismong US sa ekonomya, patakarang panlabas at pambansang seguridad. Binatikos rin nila ang nagpapatuloy na mga mapanupil na patakaran tulad ng Anti-Terrorism Law, ang National Task Force-Elcac at ang National Action Plan for Unity, Peace and Development, at maging ang “gera sa droga” ng dating rehimeng Duterte.

Nakiisa rin sa demonstrasyon ang mga pambansa-demokratikong grupo mula sa Southern Tagalog at Central Luzon.

Bago ang mismong araw ng SONA, naglunsad ang mga organisasyon ng protesta sa iba’t ibang ahensya ng rehimeng Marcos para singilin at panagutin sa kanilang kawalang tugon at bulok na mga serbisyo.

Samantala, halos 1,000 katao ang lumahok sa pagkilos sa Iloilo City. Ikinasa rin ang mga pagkilos sa Naga City sa Camarines Sur, Roxas City sa Capiz, Kalibo sa Aklan, Bacolod City, Cebu City, Tacloban City at Davao City. Samantala, isang porum ang inilunsad sa Baguio City noong Hulyo 27.

Sa labas ng Pilipinas, inilunsad ang mga demonstrasyon sa Hong Kong, South Korea, New Zealand, Australia, sa mga estado sa US, Canada, Netherlands, Germany at United Kingdom. Karamihan sa mga aktibidad ay isinagawa sa tapat ng mga konsulado ng Pilipinas para iparating sa gubyerno ang kanilang mga hinaing.

SONAng walang laman

Tulad ng inaasahan, walang laman na makabuluhang ulat at patakarang makapagpapaunlad sa kalagayan ng Pilipinas ang talumpati ni Marcos. Nagbulalas lamang si Marcos ng mga pampalamuting proyekto, nagyabang sa ₱20/kilo na bigas na binebenta sa iilang tindahan, at iba pa.

Para sa taumbayan, hungkag ang deklarasyon ni Marcos kontra sa korapsyon laluna at patuloy na umiiral ang bilyun-bilyong piso niyang confidential funds. Dagdag rin dito ang pagpigil niya sa pag-usad ng kasong impeachment laban kay Duterte.

Pekeng binatikos ni Marcos ang mga upisyal ng gubyerno sa mabagal na pagpapatupad sa mga proyektong pangkontrol sa baha na korapsyon ang dahilan. Sa katotohanan, lagpas sa batbat ng koraspyong mga proyekto, si Marcos ang pangunahing delubyo dahil pinahihintulutulan niya ang mapangwasak na pagkukwari, dredging, pagmimina at mga proyektong reklamasyon ng malalaking negosyo ng mga burukrata-kapitalista.

Hungkag ang mga binanggit niyang proyekto para sa kalusugan, edukasyon, at iba pang serbisyong panlipunan. Maraming mahahalagang isyu ang hindi niya binanggit kabilang ang malaon nang panawagan para sa dagdag-sahod ng mga manggagawa, lupa sa mga magsasaka, at iba pa.

Papet, pasista at korap na rehimeng Marcos, siningil ng taumbayan