2 organisador sa Batangas, magkasunod na dinukot ng mga pwersa ng estado

Iniulat ngayong araw ng grupo sa karapatang-tao na Tanggol Batangan ang dalawang kaso ng pagdukot ng mga pwersa ng estado sa mga organisador sa Batangas. Ang mga biktima ay dagdag sa hindi bababa sa 11 biktima ng sapilitang pagkawala o desaparecidos ayon sa tala ng Karapatan.

Dinukot ng mga elemento ng estado si Karla Mae Monge kaninang alas-3 ng madaling araw sa bayan ng Tuy. Si Monge ay organisador ng Kabataan Partylist sa Southern Tagalog at estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP)-Los Baños sa kursong Bachelor of Science in Biology. Sa ulat ng Tanggol Batangan, si Monge ay nanaliksik hinggil sa pagpapalit-gamit ng lupa na malawakang nagaganap sa Batangas.

Samantala, hindi pa rin makontak ng pamilya ang organisador ng mangingisda na si Mariano Jolongbayan mula nang huli siyang makita sa bayan ng Lian noong Nobyembre 17. Labis na ang pag-aalala ng kaanak ng biktima sa kanyang kaligtasan at kalagayan.

Kinundena ng konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham at Sining ng UP-Los Baños ang pagdukot sa dalawa. Anang konseho, “ang ganitong pasistang atake ng administrasyon laban sa ating kapwa mag-aaral sa unibersidad at mamamayang nakikibaka ay walang puwang tungo sa malayang pagkilos sa patuloy na paglaban ng ating mga demokratikong karapatan.”

Malaon nang binabatikos ng grupong Desaparecidos (Pamilya ng Desaparecidos para sa Katarungan) ang rehimeng Marcos sa taktikang pagdukot nito sa mga organisador at aktibista sa nagdaang taon. “Ang akto ng sapilitang pagkawala ay isang kasuklam-suklam na krimen at hindi makatarungan sa kaibuturan,” ayon sa Desaparecidos.

AB: 2 organisador sa Batangas, magkasunod na dinukot ng mga pwersa ng estado