Balita

20 oras na blackout sa ilang bayan sa Tarlac at Nueva Ecija, binatikos ng kabataan

Binatikos ng Kabataan Party-list (KPL)-Tarlac ang 20 oras na blackout noong Abril 5 sa ilang bayan ng Tarlac at Nueva Ecija na nakapailalim sa Tarlac I Electric Cooperative, Inc. (Tarelco 1). Ayon sa partido, kailangang panagutin ang pribadong National Grid Corporations of the Philippines at Tarelco 1 sa palpak ng serbisyong kuryente sa mamamayan.

Sa anunsyo ng NGCP noong Marso 28, naka-isekdyul ang blackout sa saklaw ng Tarelco 1 simula alas-4 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ng Abril 5 dahil sa sinasabing pagsasaayos sa ilang linya ng kuryente. Gayunman, tumagal ito nang hanggang alas-11 ng gabi.

Labis na pahirap ang kawalan ng kuryente sa mga residente ng dalawang prubinsya sa araw na iyon laluna na at naitala ang 40 sentigrado na init. Kabi-kabila ang naging reklamo at pagkadismaya ng mga residente na ipinahayag nila sa Facebook page ng NGCP at Tarelco.

Ayon sa KPL-Tarlac, lubhang apektado nito ang pagkatuto ng mga estudyante dahil nasagasaan nito ang mga gawain at aktibidad nila katulad ng mga proyekto at iba pa. “Hindi lingid sa kaalaman natin na lubhang naaapektuhan ang mga estudyante sa ganitong mga blackout, dagdag pa sa krisis ng neoliberal na edukasyon na pinahihirapan ang mga estudyante,” ayon sa partido.

Naitala rin ngayong araw, Abril 6, ang tatlong beses na muling pagkawala ng kuryente sa saklaw ng Tarelco 1.

Ayon sa KPL-Tarlac, malinaw na epekto ito ng patuloy na pribitisasyon ng mga pampublikong serbisyo tulad ng kuryente at tubig. “Nasa kamay ng iilang mga kapitalista’t korporasyon ang kontrol ng isang serbisyong dapat dekalidad at libreng natatamasa ng mamamayan,” anang partido.

Itinayo ang NGCP noong 2009 para isapribado ang operasyon, pagmantine at mga ari-arian ng National Transmission Corporation, isang government-owned and -controlled corporation. Bahagi ito ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na ipinasa noong 2001.

Sa pagdinig sa senado noong kalagitnaan ng 2023, napag-alamang umaabot sa ₱286 bilyon ang kita ng NGCP mula 2009. Ang ₱208 bilyon nito ay ibinigay sa mga may hawak ng sosyo ng kumpanya, at hindi ibinalik para paunlarin ang imprastruktura ng transmisyon. Lumaki ang kita ng kumpanya dahil sa taas ng singil nito sa serbisyo.

Kabilang sa platapormang itinutulak ng Kabataan Party-list sa eleksyong 2025 ang pagtataguyod ng libre at dekalidad na mga batayang serbisyong panlipunan. Nakasaad ito sa ika-6 na adyenda sa 10-puntong adyenda ng KPL.

AB: 20 oras na blackout sa ilang bayan sa Tarlac at Nueva Ecija, binatikos ng kabataan