Balita

21 magasakang nagkampuhan kontra pang-aagaw ng lupa sa Laguna, dinakip ng mga gwardya

, ,

Nilusob at marahas na binuwag ng mga tauhan ng Laguna Estates Development Corporation (LEDC), pag-aari ng pamilyang Yulo, ang kubol at kampuhan ng mga magsasaka sa Sityo Veinte-Veinte Cuatro, Barangay Casile, Cabuyao, Laguna noong Pebrero 7. Tusong isinagawa ang paglusob at pagbuwag sa kampuhan ng alas-11 ng gabi at dinakip ang 21 magsasaka.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Laguna, hinarangan ng mga gwardya ng LEDC at Emirates Security Services ang mga lagusan sa barangay bago isinagawa ang pambubuwag. Nakuhanan rin sa bidyo at ipinost sa Facebook ang pagpapaputok ng baril ng mga gwardya para sindakin ang mga magsasaka.

Sa utos ng LEDC, dinakip ng mga gwardya at Philippine National Police (PNP)-Cabuyao ang mga magsasaka kabilang ang matatanda at mga maysakit. Kasama rin sa mga inaresto ang mga upisyal ng Samahan ng mga Magsasaka ng Casile-Pagkakaisa’t Ugnayan ng mga Magbubukid sa Laguna (Samaca-Pumalag). Ikinulong ang binansagang Casile 21 sa Cabuyao Police Station.

Noon Pebrero 9 ng gabi, sa tulong ng Karapatan-Lagunay ay nakalaya mula sa pagkakakulong ang Casile 21 matapos ibasura ng piskalya ang isinampang kasong trespassing laban sa kanila. “Bagamat naging positibo ang kinalabasan ng paglilitis ng piskal sa kanilang kaso, nananatili pa rin ang panggigipit at pang-aapi [sa kanila],” pahayag ng Bayan-Laguna.

Ayon sa grupo, ipinakita ng insidente ang pagsasawalang-bahala ng lokal na gubyerno laluna ni Cabuyao Mayor Dennis Hain at ng Sangguniang Barangay ng Casile sa karapatan at kagalingan ng mga magsasaka. “Patuloy pa rin ang pagbubulag-bulagan nila sa nangyayaring pangangamkam ng lupa at pagyurak sa karapatang pantao ng mga residente at magsasaka ng Casile,” anito.

Lapan sa lupa sa Barangay Casile

Nagsimula ang pagtindig ng mga residente at magsasaka ng Barangay Casile para sa kanilang karapatan noong Setyembre 2024 matapos bakuran ng Sta. Rosa Realty and Development Corporation (SRRDC), pag-aari rin ng pamilyang Yulo, ang kanilang lupang sakahan. Inaangkin ng kumpanya ang 24-ektaryang lupa sa barangay.

Ayon sa ulat noon, hindi mapuntahan ng mga magbubukid ang kanilang tanim sa loob ng binakuran na lugar. Ang 11 pamilya na nakatira sa loob nito ay pinapapasok ngunit kumakaharap sa banta mula sa mga gwardya. Nagtayo rin ng karagdagang himpilan ang mga gwardya sa bungad ng binakurang lupa.

Sa kasagsagan ng pagbabakod, kaagad na kinumpronta ng Samaca-Pumalag ang mga tauhang panseguridad ng korporasyon para igiit ang kanilang karapatan sa lupa. Anang samahan, walang maipakitang kahit anong papeles o permiso ang mga ito sa kanilang pagbabakod.

Sa gulat ng samahan ng mga magbubukid, biglang lumitaw noong Setyembre 2024 ang kanselasyon sa hawak nilang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Nagdulot ito ng seryosong pag-aalala hinggil sa patuloy na mga hidwaan sa lupa na kinahaharap ng komunidad mula pa noong dekada 80.

AB: 21 magasakang nagkampuhan kontra pang-aagaw ng lupa sa Laguna, dinakip ng mga gwardya