300 estudyante, guro at manininda, nagprotesta laban sa pagbubukas ng mall sa UP Diliman
Sinalubong ng protesta ng higit 300 estudyante, mga guro at manininda ang pagbubukas ng Diliman Mall o DiliMall sa loob ng kampus ng University of the Philippines (UP) Diliman noong Nobyembre 18. Nakipaggitgitan ang mga grupo sa mga gwardya para makalapit sa mall at ipahayag sa administrasyon ng unibersidad at pribadong negosyo ang kanilang matinding pagtutol sa tinawag nilang komersyalisasyon sa kampus.
Binuksan sa araw na iyon ang Robinsons Easymart na pag-aari ng Robinsons Retail Holdings, Inc. (RRHI) ng pamilyang Gokongwei. Ang buong DiliMall ay patatakbuhin ng CBMS Retail Business Development Consultancy. Nakatakda itong pwestuhan ng PowerMac, UCC, Robinsons at iba pang mga hayok-sa-tubong malalaking negosyo.
Malaon nang iginigiit ng mga demokratikong sektor ng UP-Diliman na dapat panatilihing abot-kaya ang mga serbisyo sa loob ng kampus sa halip na patuloy itong gawing komersyalisado. Sa protesta, binatikos nila ang administrasyon ng UP dahil nauna pang itinayo ang DiliMall kaysa ang mga ipinangako na mga espasyo para sa komunidad para palitan ang nasunog na Faculty Center at iba pa.
Humarap sa mga protesta si UP President Angelo Jimenez bago magsimula ang ribbon cutting para sa pagbubukas ng Robinsons Easymart. Anang mga grupo, pakitang-tao lamang ang pagharap ni Jimenez sa kanila dahil ilang beses na silang humiling ng mga pulong at pagpapadala ng sulat sa kanyang upisina ngunit wala siyang naging tugon. Binulyawan pa ng presidente ang mga raliyista.
Dahil sa protesta, natulak ang administrasyon ng UP na mag-iskedyul ng dayalogo at mangako ng ilang konsesyon sa komunidad ng UP. Kabilang sa mga ito ang dayalogo sa UP Diliman University Student Council, mga manininda ng UP Shopping Center, ang konsesyuner ng DiliMall at iba pang kinatawan ng komunidad sa Nobyembre 27.
Nangako ang UP na walang mga negosyong magbubukas sa mall hanggang hindi pa natatapos ang dayalogo. Ipinagbawal rin ang demolisyon sa mga dating manininda ng UP Shopping Center na nakapwesto pansamantala sa Old Tennis Court ng kampu. Samantala, isang hiwalay na dayalogo ang isasagawa para sa usapin sa espasyo at murang mga serbisyo sa kampus ang ilulunsad sa hinaharap.
Nakiisa at lumahok sa pagkilos ang mga organisasyon sa ilalim ng UP Not for Sale Network at UP Multi-Sectoral Alliance.