Balita

4 na organisador ng magsasaka, iligal na inaresto at tinortyur ng mga pwersa ng estado

Iligal na inaresto at tinorytur ng mga pwersa ng estado ang apat na organisador ng mga magsasaka na sina Maria Theresa Buscayno, Desiree Jaranilla Patuñ-og, Andres Ely, at Oliver Millo noong Hulyo 29 ng gabi. Sa ulat ng Karapatan-Central Luzon, dinampot ang mga biktima habang bumibyahe sakay ang isang van sa Jose Abad Santos Avenue sa Mexico, Pampanga.

Sa salaysay ng mga saksi, nakita nilang biglang hinarang ng dalawang sasakyan ang van na sinasakyan ng apat at kasama nilang drayber. Nakita din nilang bumaba sa mga sasakyang humarang ang armadong kalalakihang nakasuot ng uniporme ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na sapilitang pinalabas ang mga biktima mula sa kanilang sasakyan.

Sina Buscayno, Patuñ-og, Ely, at Millo ay ipinailalim na sa “inquest” kahapon, Hulyo 31. Sinampahan sila ng kasong paglabag sa Seksyon 28 ng RA 10591 at RA 9516 o illegal possession of firearms and explosives. Pinalalabas ng CIDG na nakumpsika kina Buscayno at Millo ang tig-isang M16 at granada. Nakuha naman umano kay Patuñ-og ang isang M14 at granada. Si Ely ay mayroon umanong mandamyento de aresto, at pinalalabas na mayroon ding dalang rifle grenade at granada.

Ayon sa Karapatan-Central Luzon, mahigpit na itinanggi ng apat ang mga alegasyong ito. Idinidiin ng mga organisador na pawang mga “itinanim na ebidensya” ang sinasabing nakumpiskang mga armas sa kanila.

Samantala, binatikos ng grupo ang pananakit na dinanas ng mga biktima habang iligal silang inaaresto. Ayon sa apat, kinaladkad sila mula sa van, sapilitang pinaluhod at binugbog. Limang oras silang pinadapa sa kalsada, bago sila dinala sa selda ng detensyon sa Pampanga.

Kasalukuyang nakadetine sa panrehiyong upisina ng CIDG sa Camp Olivas, San Fernando sina Buscayno at Patuñ-og, ayon sa Karapatan-Central Luzon. Habang sina Ely at Millo ay nasa pamprubinsyang upisina ng CIDG sa Capitol grounds, San Fernando.

Iniulat ng Karapatan-Central Luzon na ang mga biktima ay mayroong iniindang mga sakit bago pa maaresto ngunit hanggang sa kasalukuyan ay pinagkakaitan sila ng atensyong medikal. Litaw din umano ang sugat na tinamo sa noo ni Patuñ-og matapos iuntog ng mga nang-aresto ang kanyang ulo sa kalsada. Mapapansin din sa mga biktima ang mga pasa, sugat at marka ng pananakit.

Sa harap nito, nanawagan ang grupo sa mga tagapagtaguyod ng karapatan sa lupa at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao na suportahan ang kahingian para sa kagyat na pagpapalaya sa mga biktima. Nakiisa na sa panawagan ang dating mga kasama at kakilala ni Patuñ-og, dating student regent sa University of the Philippines (1997-1998) para sa kanilang agad na pagpapalaya.

AB: 4 na organisador ng magsasaka, iligal na inaresto at tinortyur ng mga pwersa ng estado