Balita

Grupong maka-kapayapaan, ikinalugod ang kamakailang pahayag ng NDFP at GRP

,

Positibong tinanggap ng Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI) ang magkahiwalay na pahayag ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) at Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) kamakailan hinggil sa negosasyong pangkapayapaan. Parehong nagpahayag ang dalawang panig ng “kagustuhan at optimismo” na magtutuluy-tuloy tungong pormal na usapan ang paunang usapan sa pagitan ng dalawang partido.

“Muli naming binigyang pansin ang magkasanib na pahayag na pinirmahan sa Oslo, Norway noong Nobyembre 23, 2023 kung saan nagkasundo ang dalawang partido na magtatrabaho para sa isang prinsipyado at mapayapang resolusyon sa armadong tunggalian,” pahayag ng CLPI.

Laman ng naturang pahayag, ang Oslo Joint Statement, ang deklarasyon ng paghahangad na muling buksan ang usapan at ang pagbubuo ng balangkas ng negosasyon. Isa itong pangkalahatang deklarasyon kung saan pinagsanib ang mga hangarin ng magkabilang panig: ang paglutas sa “malalalim na nakaugat na sosyo-ekonomiko at pulitikal na mga usapin” at “paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian,” sa panig ng NDFP; at sa kabilang panig, ang “pagtatapos ng armadong pakikibaka” at “transpormasyon ng CPP-NPA-NDFP,” na nilalayon ng GRP.

Ayon sa CLPI, ikinagagalak nila na ang administrasyong Marcos, tulad ng ipinahayag ni OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr, ay may kumpyansa na maitutulak nito ang isang pinal na kasunduang pangkapayapaan sa NDFP. Samantala, masaya rin sila sa pahayag ni NDFP Negotiating Panel Chairperson Julie de Lima ng pagiging bukas sa negosasyon at dedikasyon para sa pagkakamit ng makatarungan at matagalang kapayapaan.

Gayunman, nababahala ang CLPI sa ilang mga elemento ng administrasyong Marcos na patuloy na tumututol sa napagkasunduan sa Oslo Joint Statement. Nanawagan sila kay Marcos na atasan ang mga upisyal nitong kontra sa usapang pangkapayapaan na umayon sa naging pahayag ni Secretary Galvez.

Sa harap ng mga pahayag na ito, naniniwala ang CLPI na panahon na para umusad ang paunang mga usapan at magkasundo sa isang balangkas para sa negosasyong pangkapayapaan. “Kabilang dito, magiging malaking tulong para sa parehong partido kung: kikilalanin ang kasaysayan ng prosesong ito at ang mga kasunduang dati nang napagkasunduan, pangalanan ang mga myembro ng kani-kanilang panel, ilatag ang adyenda na papaksain sa negosasyon at kasunduan, at maghanda ng iskedyul ng usapan,” ayon sa grupo.

Magiging maganda rin umano kung magkakaroon ng kasunduan o anunsyo ng mga hakbanging magpapataas ng kumpyansa ng dalawang panig sa isa’t isa. Kabilang sa ibinigay na mga halimbawa ng CLPI ang pagpapalaya sa mga konsultant sa kapayapaan ng NDFP, pagbabalangkas ng proteksyon, protokol at mekanismo para sa mga lalahok sa negosasyon at panandaliang mga tigil-putukan.

“Umaasa kami sa mas desididong mga hakbanging tungo sa bagong simula na ito at nagpapahayag kami ng buong suporta at tulong para tiyaking magbubukas ang landas para sa kapayapaan, magkakaroon ng pag-usasd, at makakamit ang isang maayos na katapusan nito,” ayon sa CLPI.

Ang CLPI ay binubuo nina dating komisyoner ng Commission on Human Rights na si Karen Gomez-Dumpit, Dr. Melba Maggay, Dean Manny Quibod, dating Negros Occidental Gov. Lito Cosculluela, Atty. Leo Malagar, Koko Alviar, Dr. Mike Tan, Chris Millado, Bp. Ruby-nell Estrella, Bp. Colin Bagaforo, Abp. Jose Palma, Samira Gutoc, Rose Hajahay, Guiamel Mato Alim, dating Ambassador Victoria Bataclan, Mitzi Tan, at Atty. Tony M.A. La Viña.

Ang mga pagsisikap ng CLPI ay kasabay ng katapat na mga pagsisikap ng Citizen’s Alliance for Just Peace (CAJP), alyansa ng tatlong mayor na network pangkapayapaan sa bansa–Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP), Pilgrims for Peace, at Waging Peace Philippines.

AB: Grupong maka-kapayapaan, ikinalugod ang kamakailang pahayag ng NDFP at GRP