Suspensyon ng mga pahina sa social media at pag-atake online sa Koalisyong Makabayan, binatikos
Binatikos ng Koalisyong Makabayan ang sunud-sunod na pagsuspinde o pagtanggal noong nagdaang linggo ng Meta at X (Twitter) sa mga akawnt ng mga kandidato pagkasenador nito, mga kasaping partylist at mga tagasuporta. Nakikita ng grupo na bahagi ito ng koordinadong cyber-attack o pag-atake sa presensyang online ng Makabayan at mga tagasuporta nito bago pa man magsimula ang eleksyong 2025.
Matatandaan na nag-anunsyo ang Makabayan ng pagpapatakbo sa 10 kandidato pagkasenador noong Agosto 26. Anito, layuning hamunin ng mga kandidato nito ang eleksyong pinaghaharian ng mga paksyon ng reaksyunaryong uri. Sunud-sunod na tumampok sa Facebook, Instagram, X at iba pang platapormang online ng koalisyon ang panawagang: Taumbayan sa Senado!
Kabilang sa mga nasuspinde at natanggal ang Instagram at Facebook page ng lider-magsasaka na si Danilo Ramos (Ka Daning) at lider-mangingisda na si Ronnel Arambulo. Katulad ng iba pang kandidato ng Makabayan, si Ramos at Arambulo mainit na tinanggap ng taumbayan sa social media. Kapansin-pansin sa mga post ng dalawa ang maraming like, share at komento ng pagsuporta sa nagdaang mga linggo.
Bago nito, nasuspinde rin nang ilang araw ang Facebook page ng Bayan Muna-Mindanao. Tinanggal naman sa X ang akawnt ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na alyadong organisasyon ng Koalisyong Makabayan.
“Ang pagsuspinde sa mga akawnt na ito ay kasabay rin ng biglang pagdami ng mga troll na pumuputakte sa mga kinatawan ng Makabayan sa kongreso at kanilang mga tagasuporta,” ayon pa sa koalisyon. Kaugnay ito ng walang-tigil na pangangalampag at pagbusisi ng mga myembro ng Makabayan Bloc sa kongreso sa panukalang badyet para sa 2025 ng rehimeng Marcos.
Sa nagdaang mga linggo, kabi-kabila ang paglalantad nina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, kapwa kandidato sa pagkasenador ng koalisyon, at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa lumilitaw na korapsyon, pagpondo sa pasismo at paglulustay ng pera ni Ferdinand Marcos Jr at Sara Duterte, laluna ang paggasta nila sa “confidential and intelligence funds” at “unprogrammed expenses.”
“Lubhang nakababahala ang mga aksyong ito dahil labag ang mga ito sa kalayaan sa pagpapahayag at kalayaan sa asosasyon,” pahayag pa ng Koalisyong Makabayan. Pinatitindi pa umano ang atakeng ito ng katotohanang paulit-ulit na itong naranasan ng mga progresibong partido at organisasyon sa nagdaang mga taon.
Naniniwala ang koalisyon na una pa lamang ito sa posibleng mangyari sa kasagsagan ng eleksyon at kampanya. Sa harap nito, nanawagan ang koalisyon sa mga tagapagtaguyod ng kalayaan sa pagpapahayag na manindigan laban sa cyber-attacks o atake online.
Kasalukuyan umano nilang itintutulak na maibalik ang mga akawnt na ito habang naninindigan laban sa pagpapatahimik sa tulad nilang progresibong tinig.