Balita

6,000 manggagawa ng Microsoft, sinibak sa trabaho

Sinimulan na ng Microsoft noong nakaraang linggo ang pagsibak sa trabaho sa hindi bababa sa 6,000 manggagawa sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Pinaniniwalaan na kaugnay ito ng pagbabawas ng gastos ng Microsoft para ilaan sa pagpapaunlad ng teknolohiyang artificial intelligence (AI).

Simula noong nakaraan taon, sinasabing gumagastos ang kumpanya ng $80 bilyon para sa mga imprastrukturang pang-AI.

Nag-eempleyo ang Microsoft ng 228,000 pultaym na mga manggagawa kung saan 55% nito ay nakabase sa US. Ang pagsibak sa 6,000 manggagawa ay katumbas ng 3% ng kabuuang pwersa sa paggawa ng kumpanya na pinakamalaki sa nagdaang dalawang taon. Pangunahing nakapokus ang pagbabawas sa antas ng mga manedyer.

Isinagawa ng kumpanya ang maramihang tanggalan ilang linggo lamang mula nang iniulat nito ang malakas na benta at malaking kita na lagpas pa sa inaasahan ng Wall Street para sa unang kwarto ng 2025.

AB: 6,000 manggagawa ng Microsoft, sinibak sa trabaho